Tanggalan sa Nexperia, tinutulan


Tinatayang nasa 495 na manggagawa ang apektado sa unti-unting pagsasara ng Sensors Department ng Nexperia, kaya naman ilang report na rin ang natanggap ng kompanya na may kinalaman sa mga paglabag sa karapatan ng mga manggagawa.

Tinanggal ang walong manggagawa sa isang kompanya ng semiconductor, kabilang ang tatlong opisyales ng unyon, dahil umano sa pagsasara ng isang department ng kompanya at sa pamamagitan ng mandatory separation.

Tinatayang nasa 495 na manggagawa ang apektado sa unti-unting pagsasara ng Sensors Department ng Nexperia, kaya naman ilang report na rin ang natanggap ng kompanya na may kinalaman sa mga paglabag sa karapatan ng mga manggagawa.

“Sa manggagawa, talagang masakit ‘yon na mawalan ka ng trabaho dahil sa hirap ng buhay ngayon,” ani Mary Ann Castillo, pangulo ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU).

Isang multinational semiconductor company mula sa The Netherlands ang Nexperia na may assembly at testing center sa Cabuyao City, Laguna. Gumagawa ang kompanya ng mga piyesa para sa mga electronic device tulad ng mga laptop at smartphone.

Nagprotesta rin noong Nob. 4 para kondenahin ang tanggalan at pag-atake sa unyon na ginagawa ng kompanya. Sabi ng unyon, labag sa probisyon ng kanilang collective bargaining agreement (CBA) na “last in, first out” ang pagtatanggal.

Si NPIWU president Mary Ann Castillo (kaliwa) kasama ang isa sa mga delegado ng kumperensiya ng International Trade Union Confederation sa Thailand kamakailan. ALL Nexperia FIGHT/Facebook

Matapos ang apat na pagdinig sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB), nagmamatigas pa rin ang kompanya na hindi na ibabalik ang mga tinanggal.

Sabi naman ni Jay-Ar Teodoro ng Pro-Labor Legal Assistance Center, malaking indikasyon na gusto ng kompanya na mawala ang unyon sa pagawaan.

“Sa huli, sa union busting pa rin ito uuwi dahil sa malinaw na doon tumuturol ang kanilang layunin kung sakali mang naglalabo-labo na ang kanilang mga dahilan para lamang tanggalin yong mga union [officer],” aniya.

Giit pa ni Castillo, manipestasyon ito na hindi kinikilala ng kompanya ang kanilang mga CBA at pambabastos din sa kanilang mga kasunduan.

Nakiisa naman ang mga internasyunal na grupo sa panawagan ng unyon matapos isangguni ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at ni Castillo ang sitwasyon ng mga manggagawa hinggil sa red-tagging at union-busting nang dumalo sa kumperensiya ng International Trade Union Confederation (ITUC) noong Nob. 20-22 sa Bangkok, Thailand.