Tigilan ang paniniktik sa midya ng Bicol–NUJP


Kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang pagpapatawag ng militar kay NUJP director at board member Reynard Magtoto dahil sa mga aktibidad ng NUJP Bicol.

Kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang pagpapatawag ng militar kay NUJP director at board member Reynard Magtoto dahil sa mga aktibidad ng NUJP Bicol.

Sa liham na ipinadala sa barangay na kinabibilangan ni Magtoto, sinabi ni Cpt. Michelle  Estares na kailangan makipag-usap sa barangay at sa militar ni Magtoto “para pag-usapan ang mga isyu sa NUJP Bicol, na saklaw ng 903rd Infantry Brigade ng 9th Infantry Division, Philippine Army, at target sectoral front organization (SFO) in Albay area.”

Ayon sa ulat ng NUJP, umabot na ang paniniktik sa punto na pati ang ina ni Magtoto, kinakausap na ng barangay para magreklamo sa mga kilos umano ng peryodista laban sa militar.

Bilang editor at writer ng Baretang Bikolnon, nag-uulat si Magtoto ukol sa iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao sa rehiyon ng Bicol. Kasapi rin ang Baretang Bikolnon ng Altermidya, isang network ng alternative media organizations at outfits sa Pilipinas.

Wala rin daw batayan ang militar na tawaging SFO ang NUJP Bicol. “Itong harapan na red-tagging ay labag sa karapatan mag-organisa at karapatang magpahayag ng mga miyembro ng NUJP,” sabi ng unyon.