close

Balabal ng paglaban


Nangangahulugan ang keffiyeh ng kasaganahan at tinatanaw na kalayaan ng mga Palestino.

Napansin ko sa isang rally ng Bagong Alyansang Makabayan para ipanawagan ang kalayaan sa Palestine noong nakaraang Nobyembre sa Maynila, halos lahat ng lider na sumama ay may nakasabit sa kanilang mga balikat, kundi man ay nakabalot sa kanilang ulo at mukha. May karaniwang kombinasyon na kulay itim at puti itong mga balabal.

Ito ba ay tulad ng panahong nauso ang tubao na panyo sa mga aktibisita noong 1980s? Gusto kong alamin kung ano ba ang kuwento ng isang pirasong kuwadradong tela na gamit nila at bakit tampok ito sa malaking rally ng pagsuporta sa laban ng mga Palestino.

Andrea Astes/Getty Images

“Keffiyeh” ang tawag sa kanilang mga suot na balabal. Isang tradisyonal headdress na sinusuot ng mga kalalakihan sa iba’t ibang lugar sa Gitnang Silangan. Kilala din ito sa mga tawag na “ghutrah,” “shemagh” at “hattah”.

Ang mga unang bersyon ng keffiyeh ay ginamit ng mga paring Sumerian sa Mesopotamia noong 3100 B.C. Nagmula sa salitang “kufa” na isang lugar sa Iraq hanggang sa kumalat ito sa buong Gitnang Silangan.

Praktikal ang gamit ng keffiyeh para sa mga nomadikong Bedouine, mga magsasaka at mga nagpapastol ng sinaunang Palestine. Pantakip ito sa ulo at mukha bilang proteksiyon sa init at buhangin sa disyerto. Mula sa praktikal na gamit nito, naging tradisyonal na balabal ito na ginagamit sa leeg at inaalampay sa magkabilang balikat.

Osama Naser/Pexels

Kakaiba ang pattern ng mga keffiyeh. Naglalarawan din ito ng iba’t ibang aspekto ng pamumuhay ng mga Palestino. May lambat o fishnet na nagpapakita ng mahigpit na ugnayan ng mga mangingisda sa Dagat Mediterranean.

Nangangahulugan rin ito ng kasaganahan at tinatanaw nilang kalayaan—ang bold black stripes ay ang ruta ng pakikipagkalakalan na dumadaan sa Palestine at ang pakurbang linya naman ay sumasalamin sa kapayaapan, pag-asa at kabuhayan dala ng mga tanim nilang puno ng olibo. Kombinasyon ng kulay puti at itim o kaya pula at puti habang sa magkabilang dulo ay may tassels na disenyo.

Ang pulang Keffiyeh ay mas ginagamit ng mga Palestinian Marxist, ganito din ang kulay na mas popular sa bansang Jordan at greater Gulf region.

Taong 1936 hanggang 1939 nang magpasya ang mga Palestino na wakasan na ang noo’y pag-okupa ng United Kingdom (UK) sa kanilang bansa at itaguyod ang nagsasariling Palestine. Tinawag itong Arab Revolt.

Ginamit ng mga Palestino ang keffiyeh upang itago ang kanilang mga mukha at maiwasan ang aresto. Ipinagbawal ng British Mandate Authority ang paggamit ng keffiyeh. Pero sa halip na sumunod, lalong pang dumami ang nagsuot ng keffiyeh upang ipakita ang kanilang pagtindig laban sa okupasyon ng UK.

Pinaigting pa ito nang maganap ang Una at Ikalawang Intifada noong 1987 hanggang 1993 at 2000 hanggang 2005.

Si Pastor Alan Rey Sarte ng Philippines-Palestine Friendship Association suot ang keffiyeh sa protesta noong Nob. 30, 2023 sa Maynila. Altermidya/Facebook

“Tila dala-dala ko sa aking mga balikat ang aking tahanan sa pagsusuout ng keffiyeh. Simbolo ng paglaban at pamumuhay ang balabal na ito,” wika ni Delia Jacob, isang Palestine-based na strategist at creative director.

“Sinasabi ng keffiyeh kung sino ako at lagi kong dala ang kasaysayan ng aking pamilya,” sabi naman ni Wafa Ghnaim, isang mananaliksik sa kasaysayan ng pananamit ng mga Palestino.

Kung mayroon mang magpapaalala sa keffiyeh bilang simbolo ng paglaban ng Palestine noon pa man, walang iba kundi ang nagsilbing pinuno ng Palestine Liberation Organization sa mahabang panahon na si Yasser Arafat.

Sinasabi na may sariling estilo siya sa pagsusuot ng keffiyeh. Laging maayos itong nakapatong sa kanyang ulo, ang mahabang bahagi nito ay nakapatong sa kanyang kanang balikat at maingat na ipinupuwesto ito tulad ng hugis ng mapa ng pre-1948 Palestine.  

Maging ang Palestinian liberation fighter na si Leila Khaled na tanging babae na nang-hijack ng eroplano noong 1969 ay makikitang laging suot ang keffiyeh bilang headscarf. Sinasabing naging hudyat ito upang naging popular sa mga kababaihan ang pagsusuot ng keffiyeh.

Si Leila Khaled suot ang keffiyeh sa protesta laban sa Asia-Pacific Economic Cooperation Summit sa Maynila noong 2015. Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Naging nauso ang pagsusuot ng keffiyeh noong 1970s hanggang 1980s sa UK at sa United States (US). At kahit sa mga kabataan ng Japan noong 2000s sa kanilang pormahang camouflage.

Naging patok din sa mga hipster sa US, Australia, Canada noong mid-2000s. Ginawang fashion giveaway ng isang fashion magazine ang mga bersiyong lila ng keffiyeh sa Spain at France. At ang pinakahuli, ang paglabas ng maraming variation ng keffiyeh na tumabo ng kita sa 2022 FIFA World Cup sa Qatar.

Inaalmahan ito ng mga eksperto bilang “cultural appropriation.” Ipinapaalala na ang keffiyeh ay hindi lang isang simpleng piraso ng tela, nagtataglay ito ng ‘di matatawarang papel sa paglaban ng mga Palestino para sa kalayaan mula noon hanggang sa kasalukuyan.

Kaya kung gagamit man ng keffiyeh, gawin ito nang may respeto sa kultura at kasaysayang kaakibat nito. Alalahanin na ang kapirasong kuwadradong telang ito ay bahagi ng paglaban para sa katarungan at kalayaan ng mamamayang Palestino.