close

Kaso sa pagpatay sa brodkaster sa Palawan, lalong tumatagal


Inaprubahan kahapon ng Korte Suprema ang petisyon ni dating Palawan governor Mario Joel Reyes, akusado sa pagpatay kay Dr. Gerry Ortega, na ilipat ang paglilitis ng kaso mula sa korte sa Palawan patungong korte sa Quezon City.

Ginunita ng mga grupo ng mga environmental defender at press freedom advocate ang ika-13 anibersaryo ng pagpaslang kay Dr. Gerry Ortega sa isang kilos-protesta sa harap ng Korte Suprema nitong Ene. 24.

Anila, isa lang ang kaso ni Ortega “sa mahabang listahan ng mga pagpaslang ng mga mamamahayag.”

Binaril si Ortega, isang anti-mining advocate, beterinaryo at brodkaster sa lalawigan ng Palawan, ng isang hired gunman sa tindahan ng ukay-ukay malapit sa kanyang klinika sa Puerto Princesa City noong Ene. 24, 2011.

Nakilala si Ortega sa pamumuno sa kampanya laban sa pagmimina sa Palawan na nakatanggap ng malawak na suporta ng mga Palaweño at maging ng mga kilalang personalidad kagaya ni Gina Lopez.

Pinaniniwalaan ang magkapatid na Mario Joel Reyes, dating gobernador ng Palawan, at nakababatang si Mario Reyes Jr., dating alkalde ng Coron, Palawan, ang mga utak sa pagpaslang kay Ortega. Pinaniniwalaan ding politikal at may kinalaman sa adbokasiya ni Ortega ang dahilan ng pagpaslang sa kanya.

Justice for Dr. Gerry Ortega/Facebook

Sa datos ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), 199 na mamamahayag at manggagawang midya na ang pinaslang sa Pilipinas simula noong 1986, apat dito ay sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.

Para sa mga grupong sumama sa protesta, inspirasyon si Ortega at “ang kanyang pamilya sa pakikipaglaban para sa hustisya, at para sa sustenable at makatarungang kinabukasan.”

Samantala, inaprubahan kahapon ng Korte Suprema ang petisyon ng nakatatandang Reyes na ilipat ang paglilitis ng kaso mula sa Palawan Regional Trial Court patungo sa Quezon City Regional Trial Court.

Naniniwala ang NUJP na walang katanggap-tanggap na dahilan upang ilipat ang kaso at lalo lang nitong pinatatagal ang paglilitis sa Palawan Regional Trial Court. Hinimok din ng grupo ang Office of the Solicitor General na iapela sa Korte Suprema ang desisyon at hayaang magpatuloy ang kaso sa korte sa Palawan.

Napapanahon naman ang pagbisita ng United Nations (UN) Special Rapporteur on freedom of opinion and expression Irene Khan na dumating nitong Ene. 22.

Ayon kay NUJP secretary general Ronalyn Olea, “Ang pagbisita ng UN Special Rapporteur Irene Khan ay oportunidad para ipakita sa buong mundo na ang problema sa impunity ay hindi pa natatapos.”

Magpapatuloy ang laban ng mga grupo sa mailap at mabagal na hustisya para sa mga kasamahang mamamahayag.