close

Traslacion ng Nazareno, magbabalik


May ilang pagbabago rin sa traslacion ngayong taon tulad ng pagbabawal sa mga deboto na umakyat sa andas at paglalagay sa imahen sa loob ng isang glass case.

Inaasahan ang pagbabalik ng traslacion o ang prusisyon ng imahen ng Poong Itim na Nazareno sa Maynila ngayong taon, tatlong taon buhat ng itigil ito dahil sa pandemyang Covid-19.

Inilabas ng pamunuan ng Quiapo Church ang iskedyul ng mga aktibidad at ruta para sa Traslacion 2024.

Magmumula ang prusisyon ng imahen sa Quirino Grandstand sa Rizal Park hanggang Quiapo Church ng 5:30 am ng Ene. 9.

May ilang pagbabago rin sa traslacion ngayong taon tulad ng pagbabawal sa mga deboto na umakyat sa andas at paglalagay sa imahen sa loob ng isang glass case.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Quiapo Church spokesperson Fr. Hans Magdurulang na hindi tulad ng mga naunang prusisyon, ilalagay nila sa isang glass case ang imahen ng Itim na Nazareno. Binigyang-diin din niya na dati nang tradisyonal na gawain ito ng simbahan.

Dagdag niya, may mga “alagad” na tinatawag na nakapaligid sa andas para sumalubong sa mga panyong ihahagis ng mga deboto para magpapahid sa imahen.

Nagkaroon naman noong Ene. 3 at 4 ng pagbabasbas at prusisyon ng mga replika at estandarte ng Itim na Nazareno sa Plaza Miranda.

Samantala, hindi pa rin maaaring humalik sa imahen ngunit papayagan ang mga deboto na makalapit dito sa Ene. 6-8 sa Quirino Grandstand habang sa Ene. 8-9 naman ang mga misa sa Quiapo Church.

Ruta ng prusisyon

Ayon sa pamunuan ng Quiapo Church, dadaan ang prusisyon sa mga sumusunod na lansangan sa Maynila:

  • Quirino Grandstand
  • Katigbak Drive (left side)
  • Padre Burgos St. through Finance Road
  • Ayala Bridge
  • Palanca St.
  • Quezon Blvd.
  • Arlegui St.
  • Fraternal St.
  • Vergara St.
  • Duque de Alba St.
  • Castillejos St.
  • Farnecio St.
  • Arlegui St.
  • Nepomuceno St.
  • Concepcion Aguila St.
  • Carcer St.
  • Hidalgo through Plaza del Carmen
  • Bilibid Viejo through Gonzalo Puyat
  • JP de Guzman St.
  • Hidalgo St.
  • Quezon Blvd.
  • Palanca St. through under Quezon Bridge
  • Villalobos through Plaza Miranda going to Quiapo Church