close

Kapalpakan, korupsiyon sa PUVMP, nalantad


Sa mga pagdinig ng Kamara hinggil sa programa, paulit-ulit na binatikos ng mga mambabatas ang sapilitang konsolidasyon, kawalan ng kongkretong plano ng mga ahensiya, at pagsasantabi sa mga panawagan ng apektadong sektor.

Hindi pa rin sinasagot ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) ang hinaing ng mga tsuper, opereytor at komyuter. 

Sa muling pagdinig ng Committee on Transportation ng Kamara nitong Ene. 31, sinabi ni Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) president Mody Floranda na pinapanatili lang ng Memorandum Circular (MC) No. 2024-001 ng LTFRB ang pangamba sa kanilang kabuhayan.

Sa naturang MC, pinalawig ang sapilitang konsolidasyon ng prangkisa ng mga jeepney at UV Express hanggang Abr. 30.

Nauna nang binanggit ni Floranda na imbes ekstensiyon ng konsolidasyon ay dapat tuluyang ibasura ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Sa datos ng LTFRB, 75% pa lang ng mga opereytor ng jeepney ang nagpakonsolida. Malaking parte ng bilang na nito ang wala pa ring bagong prangkisa at napilitan lang umanib sa mga kooperatiba o korporasyon.

“Para sa mga drayber at opereytor na nagpa-member [sa kooperatiba o korporasyon] pero nag-decide na gusto nilang tumiwalag, mababawi ba nila ang kanilang individual franchise?” tanong ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel sa LTFRB.

Nasa probisyon ng MC na pwede nang mag-withdraw o kumawala sa kooperatiba o korporasyon ang mga tsuper at opereytor. 

Ayon kay LTFRB Board Member Mercy Jane Paras-Leynes, hindi na maibabalik ang isang prangkisa kung nakapangalan na ang Certificate of Public Convenience (CPC) nito sa kooperatiba o korporasyon.

Ang CPC ay ang dokumentong ibinibigay ng LTFRB para makapagserbisyo ang mga tsuper at opereytor sa isang partikular na ruta.

Sa konsolidasyong itinutulak ng ahensiya, kailangang i-surrender ng mga namamasada ang kanilang mga yunit o prangkisa sa kooperatiba o korporasyon na kalaunan papalitan umano ng mga “modernong jeepney.”

“Patunay ito na ang tunay na layunin ng iskemang franchise consolidation at ng PUVMP ay agawin ang mga indibidwal na prangkisa ng maliliit na operator para ipasa sa mga korporasyon at malalaking negosyo,” sabi ng Piston sa isang pahayag.

“Kailangan po mas makinig talaga ng LTFRB at DOTr, kasi parang hindi po nakinig sa maraming naibahagi na mga problema na nangyayari sa mga cooperative [at korporasyon]. Maraming cooperative ang sumulpot, undemocratic, parang coop na na-coopt ng mga nag-benefit na mga negosyo,” wika naman ni Rep. Manuel. 

Sa mga pagdinig ng Kamara hinggil sa programa, paulit-ulit na binatikos ng mga mambabatas ang sapilitang konsolidasyon, kawalan ng kongkretong plano ng mga ahensiya, at pagsasantabi sa mga panawagan ng apektadong sektor.

“Bakit ba atat na atat kayo sa consolidation? E hindi niyo pa nga alam kung saan niyo sila dadalhin e. As a matter of fact, sa Antipolo wala pa ngang approved na route,” ani Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop, chairperson ng komite.

Ayon sa Piston, nasa 10% pa lang ang inaabot ng route rationalization na isa sa mga pangunahing bahagi ng PUVMP.

Dagdag pa ni Acop, “unconstitutional” ang pagpipilit na sumali sa mga grupo ang mga tsuper at opereytor.

Sa pagdinig ng Kamara, nalantad din ang mga atake ng LTFRB laban sa mga tsuper at opereytor ng jeepney na sumama sa mga nagdaang welga.

Kuwento ni Lito Andal, kinatawan ng Piston sa buong Batangas, nakatanggap siya ng show-cause order mula sa LTFRB Region IV-A dahil sa pagsali sa tigil-pasada noong nakaraang taon.

Base sa Piston, 29 na mga opereytor mula sa Batangas at Laguna ang pinadalhan ng show-cause order na nagbabantang kakanselahin ang mga prangkisa.

“Labag sa Saligang Batas ang ganitong klaseng pang-aabusong ginagawa ng LTFRB. Labag ito sa karapatan ng mga manggagawa sa transportasyon sa kanilang karapatan sa malayang pag-oorganisa, kung saan kabilang ang karapatan sa pagwewelga,” sabi ng grupo sa isang pahayag.

Samantala, hinaras din ng Quezon City Police District ang mga grupong nagprotesta sa tapat ng Batasang Pambansa kasabay ng committee hearing sa PUVMP. 

Tinakpan ng mga pulis ang mga banner, ginitgit ang bulto ng mga nagprotesta, at inambahang bobombahin ng tubig gamit ang fire truck. Hinarang din nito ang nirentahang truck na nagsilbing entablado ng mga grupo at kinuha ang susi ng drayber ng truck.

Pero hindi pa ito nakuntento at inabangan ang truck sa bandang Tandang Sora at sinundan hanggang sa tapat ng Quezon City Hall. Nagpadala pa ng towing truck para umano’y kunin ang sasakyan ng mga nagprotesta na pinaratangang ng mga gawa-gawang paglabag.

Nilinaw ni Mayor Joy Belmonte na hindi niya inutos ang nangyari at humingi ng paumanhin sa insidente.

Para sa mga tsuper, opereytor at komyuter, patuloy silang lalaban sa “bogus na programang modernisasyon” at para isulong ang progresibo, makamasa at makabayang pampublikong transportasyon.