close
Saloobin

Laos


Nasa 37 taon na mula ang exchange program, pero patuloy at mas matindi pa ang pananalasang ginagawa ng United States sa iba’t ibang bansang tinutukoy nito bilang kontra sa kanyang interes.

Isang napakaliit na bansa sa loob ng Mainland Southeast Asia (dating tinatawag na Indochina) ngunit may maningning na kasaysayan ng paglaban sa dayuhang mananakop.

Ito ang bansang Laos na tinagurian noon bilang “most heavily bombed country in the world.”

Mapalad akong nakapunta sa naturang bansa noong 1987 bilang bahagi ng Lao-Filipina Exchange Program ng American Friends Service Committee (AFSC).

Kabilang sa mga binisita namin ang mga probinsya ng Luangprabang, ang Xiangkhoang Plateau at ang sentrong lungsod ng Vientianne. Naging host namin ang Lao Women’s Union na bahagi ng gobyerno ng Lao People’s Democratic Republic.

Layon ng aktibidad na magpalitan ng karanasan ang kababaihang Pilipinong itinuturing na mahusay sa pagsusulong ng kilusang kababaihan at mga kababaihang Lao na nagbubuo pang muli ng bansa mula sa pagkawasak dulot ng 20 taong pananakop ng imperyalistang United States (US).

Sinalakay ng US ang Laos dahil sa estratehiko nitong lokasyon. Nasa pintuan na halos ito ng China at kaalyado din ng Union of Soviet Socialist Republics (USSR)—ang dalawang bansang itinuturing ng US na pinakamalakas nitong kaaway noong panahong iyon.

Idinadahilan ng US ang banta raw ng komunismo upang salakayin at okupahin ang maliliit na bansang malalapit sa mga ito, tulad ng Vietnam, Laos at Pilipinas.

Napatalsik noong 1975 dahil sa magiting na pakikidigma ng mamamayang Vietnamese at Lao ang imperyalistang US. Itinuturing itong isang kahiya-hiyang pagkatalo ng makapangyarihang bansa sa harap ng determinadong paglaban ng maliliit at mahihinang bansa para sa paglaya.

Isa sa mga unang binisita namin ang Xiangkoang Plateau kung saan makikita ang Plains of Jars. Dito matatagpuan ang daan-daang mga sinaunang malalaking bangang libingan ng tao.

Bahagi ang Plains of Jars ng tinaguriang Ho Chi Minh Trail na naging daanan ng mga armas, pagkain at iba pang supplies para sa rebolusyonaryong hukbong Vietnamese.

Dahil sa bangis ng paglaban ng mamamayang Lao, hindi kinaya ng US sumagupa sa kalupaan. Sa halip, gumamit ito ng maraming bomba na nagdulot ng napakalaking pinsala sa tao at kapaligiran.

Sa maraming lugar na aming binisita, kitang-kita pa rin ang mga malalaking butas sa kalupaang nilikha ng mga pagsabog. Halos singlaki na ng lawa ang ilan at puno na ng tubig ulan. Naging palaisdaan na ang iba.

May mga baryong halos walang natirang mga tao dahil sa mga pambobomba. Halos 12 taon mula nang manalo ang rebolusyong Lao, tanging mga sira-sirang estatwa ni Buddha at ilang mga kubo na lang ang makikita sa lugar.

Nagpunta rin kami sa isang kuweba na ayon sa aming giya (‘di siya makalapit nang husto sa kuweba dahil naalala pa raw niya ang imahe ng mga biktima) ay pinasabugan ng heat-seeking missiles ng US.

Kanlungan ng mga babae, mga bata at matatanda ang kuweba. Nang makita raw ito ng mga tagabaryo matapos ang pambobomba, nakaposisyon pa rin ang mga sunog na katawan ayon sa huli nilang ginagawa bago tamaan ng bomba: may mga nakaupo, may nagbabasa, may nagluluto, at may mga nagpapasuso ng sanggol.

Nagtungo rin kami sa isang bulubunduking komunidad ng mga etnikong H’mong sa hilagang bahagi na tila naging baseng gerilya noon, sapagkat nakatayo pa ang mga kubong nagsilbing paaralan daw noong panahon ng giyera.

Sa komunidad na ito makikita ang bundok-bundok na metal galing sa mga bumagsak na eroplano. Ginagamit na ng mga kababaihan sa baryo ang mga pira-pirasong metal upang gumawa ng samu’t saring bagay, kabilang na ang mga tradisyonal nilang mga alahas na napakagarbo ng mga disenyo.

Ayon sa aming giya, isa sa mga positibong tagumpay ng rebolusyon sa lugar ang pagtigil sa pangingidnap ng mga batang babae ng mga may edad na kalalakihan upang maging asawa nila. Laganap daw ito sa baryo bago ang pananagumpay ng rebolusyon.

Sa Vientianne, nakatalakayan namin ang mga kababaihang itinuturing na bayani.

Kabilang dito si Davonne Vongsack, isang balingkinitang doktorang itinuring na bayani dahil daw sa kanyang kakaibang tapang sa pagkuha ng mga biktima habang may pambobomba. Wala ni isa raw sa mga pasyente ang namatay.

Sinubukan kong hanapin siya sa Google habang ginagawa ang kolum na ito. Naging alternate member pala siya ng 5th Central Committee ng Lao People’s Revolutionary Party noong 1991 at naging Deputy Minister for Public Health din ng bansa.

Sa mga pag-iikot namin sa maliit at payak na siyudad ng Vientianne, ‘di maiwasan ng isang kasamahan naming magtanong sa mga kababaihang Lao.

Naobserbahan niya raw na nanatiling mahirap ang mamamayan. Sulit ba, aniya na nakipagdigma sila sa US?

Sagot ni Vongsack, “Totoong mahirap pa rin kami halos 12 taon matapos ang tagumpay ng aming rebolusyon. Ngunit ngayon, mayroon na kaming lupa, ‘di katulad noon na ang lupa ay pag-aari lamang ng iilan. Hindi na rin kami tulad ng mga bansang sakop ng US. Dito, hindi na malaki ang agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap, ‘di tulad sa luma naming lipunan.”

“Sa katunayan,” dagdag ng isa pa, “maging ang aming mga pulitiko simple rin ang pamumuhay.”

Sa isa sa mga huli naming mga talakayan, sinabi rin nilang sa Pilipinas nagmula ang mga eroplanong naghulog ng mga bomba sa Laos at Vietnam. Naiyak sa kahihiyan ang ilang mga Pilipinang kasama namin.

Humingi naman ako ng paumanhin na tinanggap nila nang malugod.

“Alam naman naming walang kinalaman ang mamamayang Pilipino sa ginawang ito ng mga Amerikano,” anila.

Nagpaalaman kami na may mga pangakong ipapalaganap sa publiko ang mga natutunan namin sa Laos. Nangako rin kaming ipagpapatuloy ang aming pagtutol sa mga giyera ng pananakop ng US.

Nasa 37 taon na mula ang exchange program, pero patuloy at mas matindi pa ang pananalasang ginagawa ng US sa iba’t ibang bansang tinutukoy nito bilang kontra sa kanyang interes.

Sa kasalukuyan, ang US ang nasa likod ng malupit na pambobombang ginagawa ng Israel sa Palestine.

Tulad sa Vietnam War, mabangis ding nakikipaglaban ang mamamayang Palestino. Dumadaluyong ang mga kilos-protesta ng mamamayan sa iba’t ibang panig ng daigdig at tumututol maging ang ibang mga gobyerno sa Asya at Gitnang Silangan.

Parang ganito rin ang daigdig noong panahon ng Vietnam War. Umaasa tayong hindi rin magwawagi ang US sa kanyang ambisyong lipulin ang mamamayang Palestino.

Tulad ng Vietnam at Laos, ipagwawagi ng sambayanang Palestino, sa tulong ng lahat ng malayang mamamayan ng daigdig, ang kanilang digma laban sa madilim na imperyalistang pananakop ng US-Israel sa kanilang bayan.