close

Sensura sa UST, paglabag sa kalayaan ng campus press


Sa isang pahayag, sinabi ng TomasinoWeb na hindi nila intensiyon na makasakit ng sinuman. Sinabi rin ng organisasyon na marangal na hanapbuhay ang pagtatrabaho sa convenience store.

Binatikos ng mga mag-aaral at iba’t ibang grupo ang administrasyon ng University of Santo Tomas (UST) sa pagsensura sa isang retrato matapos maging tampulan umano ng tukso ang pagkakatulad ng mga uniporme ng mga estudyante ng isang kolehiyo at mga empleyado ng isang convenience store.

Naglabas ng photo album ang TomasinoWeb, isang digital media organization sa UST, noong Peb. 15 na ipinapakita ang unang araw ng pagsusuot ng mga estudyante ng kanilang Type B uniform ngayong taon.

Sa isang larawan, ipinapakita ang dalawang estudyante ng College of Information and Computing Sciences na papasok ng convenience store na 7-Eleven sa Quadricentennial Pavilion.

Larawang pinatanggal ng administrasyon ng University of Santo Tomas. TomasinoWeb

Sa isang pahayag, sinabi ng TomasinoWeb na hindi nila intensiyon na makasakit ng sinuman. Sinabi rin ng organisasyon na marangal na hanapbuhay ang pagtatrabaho sa convenience store.

Hindi agad tinanggal ng TomasinoWeb ang larawan sa unang utos ng Office of Student Affairs (OSA) kaya pinilit ng ilang opisyal ng unibersidad na humingi ng tawad sa publiko ang organisasyon pagkatapos burahin ang larawan.

Tatlong araw matapos ipag-utos ng OSA na tanggalin ang larawan, nagbitiw sa posisyon si TomasinoWeb adviser Leo Laparan II.

“Natapakan ‘yong pagka-journalist ko,” sabi ni Laparan, desk editor ng Philippine Star at instruktor ng peryodismo sa UST, sa panayam sa The Flame, student publication ng UST Faculty of Arts and Letters.

Isa’t kalahating taon nagsilbing adviser ng TomasinoWeb si Laparan.

“Censorship and a form of control [ito]. Kung may ibang magkokontrol sa organization katulad ng nangyari, ano pang silbi ko r’on?” wika ni Laparan.

Sa pagbibitiw ni Laparan, naglabas ng pabatid ang TomasinoWeb na pansamantalang titigil ang paglalabas nito ng content sa lahat ng mga social media platform nito.

Nagbanta rin ang OSA na bubuwagin ang digital media organization kung hindi ito susunod.

Ani Jan Carlo Zamora, presidente ng TomasinoWeb, pinagbantaan siya ng mga opisyal ng unibersidad. “Gusto mo ba mag-end ang TomasinoWeb sa term mo?” sabi ng kinatawan ng OSA sa isang pulong noong Peb 16.

Kinondena naman ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) at National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang pagsensura ng administrasyon ng UST sa TomasinoWeb.

“The OSA and the UST administration must instead be held accountable over their ill-judged decisions. Its long history of academic freedom violations and disregard of genuine student concerns deprive Thomasians of meaningful and productive education,” sabi ng CEGP.

Nagkaroon din ng kilos-protesta ang grupo ng mga mamamahayag pangkampus sa tarangkahan ng UST sa P. Noval St. nitong Peb. 19 upang suportahan ang TomasinoWeb.

“Any imposed takedown, especially over an imagined slight and not because of a factual or ethical lapse, erodes press freedom and the independence of the press,” pahayag naman ng NUJP.