close
Main Story

Ang bukid ni ‘Joe’ sa Sitio Mansulao


Naagnas nang natagpuan na palutang-lutang ang bangkay ni Jose “Joe” Caramihan sa isang sapa, 50 metro mula sa kanyang kubo noong Peb. 24.

Peb. 21, pasado alas-sais ng umaga, umalis ng bahay si Joe para puntahan ang kanilang sakahan sa Sitio Mansulao, Pinapugasan, Escalante City sa lalawigan ng Negros Occidental.  Hinahabol niyang matapos ang ilang araw nang pagtatanim ng palay sa bagong ararong lupa.

Araw-araw tinatrabaho ni Joe ang palayan nila sa dalisdis ng burol sa bulubunduking bahagi ng barangay. Sa itaas, may maliit silang kubo na pahingahan at imbakan ng palay at mais.

Nakita pa siya ng mga kabarangay sa matalahib na daang-putik paakyat sa kanyang sakahan. Naka-orange na damit at itim na pantalon.

“Papunta ka nang bukid?” tanong ng kaibigang si Efren Revoyas, nang mapadaan ito sa kanyang sakahan bandang alas nuebe kinse.

“Oo. Tatapusin ko na ang pagtanim nitong palay at baka masira pa,” sagot ni Joe.

“Babalik ka ba mamaya?” usisa pa ni Efren.

“Mamayang hapon pa siguro ako makaka-uwi nito,” aniya.

Pasado alas-onse, umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril mula sa tuktok ng burol. Sabi ni Efren, niratrat ng mga sundalo ang kubo ng kaibigan.

Si Jose Caramihan (kaliwa) kasama ang anak at asawa. Charlene Caramihan/Facebook

Ayon sa balita, nagkaenkuwentro sa Sitio Mansulao ang 79th Infantry Battalion ng Philippine Army (79th IBPA) at ang Roselyn Jean Pelle Command ng New People’s Army-Northern Negros (RJPC-NPA).

Nasa eskuwela si Charlene, anak ni Joe, nang mabalitaan ang encounter sa kanilang sitio. Graduating na siya sa kursong Education sa isang pribadong unibersidad sa kabisera ng Escalante, halos tatlong oras ang layo mula sa Pinapugasan.

“Narinig nila ang putukan sa malapit. Nag-chat sila sa akin na umuwi dahil hindi nila mapuntahan si Papa sa bukid,” sabi niya.

Noong linggo lang, katulong pa siya ng tatay sa palayan. Nagkita sila bago siya pumasok sa eskuwela. Sabi sa kanya ni Joe, itutuloy na niya ang pagtatanim kahit mag-isa, kaunti na lang kasi ay matatapos na.

Matagal nang taga-Mansulao ang pamilya Caramihan. Grade 3 pa lang si Charlene nang lumipat sila doon, mula sa kalapit na bayan ng Calatrava, para magtrabaho sa bukid. Minsan umeekstra din ang tatay niya sa pagchainsaw ng kahoy at pagtatraktora.

Lumubog ang araw noong Miyerkules na iyon, hindi pa nakakauwi si Joe.

Kinabukasan, tumindi pa ang putukan. Bandang alas-siyete ng gabi noong Peb. 22, dumating ang mga Augusta Westland-109 “Night Hawk” attack helicopter ng army.

Mahigit 45 minutong pinaulanan ng bala at rocket ang masukal na bulubundukin malapit sa kubo ni Joe. Nasa boundary iyon ng Sitio Mansulao at Barangay San Isidro ng katabing bayan ng Toboso.

Gumuhit sa itim na langit ang nagliparang punglo mula sa machine gun ng helicopter. Nagliwanag ang liblib na kabundukan sa pagsabog ng mga rocket.

“Parang fireworks tuwing fiesta,” sabi ni Konsehal Richard Jaojoco ng Toboso.

Ayon sa 79th IBPA, kinailangan nilang mag-airstrike para agapayan ang tropa laban sa nalalabing NPA sa lugar. Kasagupa daw nila ang limang natitirang kasapi ng nabuwag nang NPA-Northern Negros Front.

Napilitang lumikas ang libo-libong residente sa magkakatabing barangay sa Escalante at Toboso dahil sa takot. Kinansela rin ng ilang araw ang klase sa siyam na barangay. Ang Sitio Mansulao, nagmistulang “ghost town.”

“Grabe ang takot namin noong gabi dahil nagkabombahan na,” sabi ng isang babaeng residente ng sitio.

Screengrab ng helicopter ng militar na kuha ng isang residente ng Sitio Mansulao.

Nagpatuloy pa ang airstrike at operasyon ng militar hanggang Peb. 23. Hindi makabalik ang mga residente. Apektado na ang kanilang kabuhayan. Dahil hindi makapagtrabaho sa bukid, wala silang kita. Napabayaan rin ang mga alagang hayop.

“Nangamatay na nga ang mga manok namin,” salaysay pa ng babaeng residente.

Nagpunta si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza sa Pinapugasan noong Peb 24. Kinamusta ang mga residente at nag-alok ng tulong mula sa Simbahan. Nakita niya ang takot, pagkabalisa at pagkawasak ng kabuhayan ng mga ito.

“Kalabisan ang ginawang airstrike ng militar laban sa iilang rebelde,” pagkundena ng Obispo.

Sabi ni Lt. Col. Arnel Calaogan, kumander ng 79th IBPA, kailangan ang airstrike noong Peb. 22 para “i-clear” at “mabawi” ang “estratehikong posisyon” mula sa NPA. Pero sabi niya rin, tatlo sa nakasagupa nila ang napatay sa unang engkuwentro pa lang noong Peb. 21.

Matindi ang bakbakan, ayon sa militar. Walong beses daw nilang sunud-sunod na naka-engkuwentro ang limang natitirang NPA sa lugar. Apat sa tropa ng 79th IBPA ang naiulat na sugatan.

“Kung ganoon, lumalabas na palusot lang ng militar para sa aerial strike ang pagsasabing maraming engkuwentro sa NPA, pero parang wala naman talaga silang tukoy na target,” pahayag ni Cristina Palabay, secretary general ng Karapatan.

Isa lang sa walong sinasabing encounter ang totoong nangyari, ayon kay Cecil Estrella, tagapagsalita ng RJPC-NPA. Kinumpirma niyang nagka-engkuwentro noong Peb. 21, alas-onse ng umaga, sa Sitio Mansulao. Dalawang  pulang mandirigma aniya ang nasawi sa naturang labanan.

Hapon pa lang ng Peb. 21, nakalipat na ng puwesto ang yunit ng NPA. Ayon pa sa tagapagsalita ng RJPC, pinarami lang ang ulat ng sagupaan para bigyang katuwiran ang pamamaril at pambobomba sa lugar.

Tatlong araw na mula nang makitang pinagbabaril ng mga sundalo ang kubo ni Joe. Tatlong araw na ring hinahanap ni Charlene ang tatay. Hindi pa rin nakakauwi ang magsasakang huling nakita ng mga kaibigan at kapitbahay sa matalahib na daang-putik, papunta sa bukid sa taas ng burol, para magtanim ng palay.

Peb. 24, na-clear na ng 79th IBPA ang encounter site. Kasama ang mga opisyal ng barangay, sinimulan ng militar ang pagrekober sa mga bangkay ng “napatay na kaaway” sa sitio Mansulao.

Kasama sa nagrekober si Kagawad Jonathan Pabalate ng Barangay Pinapugasan. Nakilala niya ang naagnas na bangkay, naka-orange na damit at itim na pantalon, nakataob at palutang-lutang sa sapa ang katawang tadtad ng bala.

“Wala siyang armas,” ani kagawad.

Pinangalanan ni Calaogan ang tatlong napatay daw na NPA sa sunud-sunod na labanan. Sina Emaren Pastidio, Michael Cabahug at si Jose Caramihan. Ikinagulat ito ng mga taga-Pinapugasan.

“Sabi nila NPA, pero magsasaka lang naman siya dito,” sabi ni Edgar Rapana, kapitan ng barangay Pinapugasan.

“Sabi ko sa army, ako ang makapagpatunay na nagtanim lang siya doon, buddy-buddy kami niyan sa sakahan,” sabi naman ni Efren.

Pagrekober sa mga bangkay ng mga biktima. 303rd Infrantry Brigade/Facebook

Ayon kay Kagawad Jonathan, matagal nang taga-roon ang pamilya ni Joe at ni minsan wala namang nakakita ditong may dalang armas.

“Hindi NPA si Papa. Hindi naman niya ako mapag-aaral sa private school kung NPA siya,” giit ni Charlene habang umiiyak.

Pinanindigan ng militar ang kanilang “intelligence.” Sabi ni 1st Lt. Dan Carlos Zamosa, Civil-Military Operations Officer ng 79th IBPA, propaganda lang daw ang pagsasabing hindi NPA ang mga napapatay sa labanan.

Pinarangalan ng RJPC-NPA sina Emaren Pastidio at Michael Cabahug bilang mga martir ng rebolusyon at dakilang anak ng bayan. Pero itinanggi nila na kasapi ng NPA ang magsasakang si Joe. Tingin nila, pinatay lang ito ng mga sundalo at idineklarang kasama sa mga napatay sa encounter, bagay na dati nang ginagawa ng Armed Forces of the Philippines at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Dis. 6, 2023, pinatay ang magsasakang si Braulio Tobalado sa bayan ng Binalbagan sa Negros Occidental. Sabi ng militar, NPA daw ito na napatay sa “encounter.”

Nob. 11, 2023, tatlong araw ding pinaghahanap ng pamilya ang magsasakang si Warren B. Cadarin sa bayan ng Cauayan bago ito pinangalanan ng militar na NPA na napatay sa “encounter.”

Nito lang Peb. 5, iniulat din ng militar na napatay sa “encounter” ang mag-asawang Pedro Regala, 78, at Florencia Regala, 67, sa Masbate. Pero ayon sa mga saksi, walang nangyaring engkuwentro at sadyang pinatay ang dalawang matanda ng mga bangag sa drogang sundalo at armadong miyembro ng kultong Alsa-Masa.

Iimbestigahan na ng Commission on Human Rights (CHR) ang nangyari sa Sitio Mansulao. Sabi ni CHR-Negros Director Vincent Parra, aalamin nila ang mga naging paglabag ng airstrike at operasyon ng militar sa International Humanitarial Law laban sa mga sibilyan sa Pinapugasan.

Tatlong araw mula nang pumunta sa kanyang bukid sa Sitio Mansulao, nakauwi na si Joe. Pero hindi na niya makikitang magkulay-ginto ang bukid sa pagyabong ng tanim niyang palay.

“Nagsikap ang tatay ko para tiyakin na magkaroon kami ng magandang edukasyon. Ngayon wala na siya,” ani Charlene.

Panata ng anak, ipaglalaban ang katarungan para sa amang magsasaka. Anihin niya sana ang tagumpay.