close
Konteksto

Babae


Nag-iba man ang panahon, hindi pa rin nagbago ang ihip ng hangin. Matapos ang mahigit isang siglo, patuloy pa rin ang siklo.

Tuwing Marso, asahan natin ang iba’t ibang aktibidad na may kinalaman sa kalagayan ng kababaihan. National Women’s Month daw kasi, ayon sa Philippine Commission on Women (PCW).

Balikan natin ang konteksto. Ang dating isang araw na pag-alala sa kababaihan ay naging isang linggo batay sa Proklamasyon Blg. 224 noong Marso 1, 1988. Makalipas lang ang 16 na araw (i.e., Marso 17), ang itinakdang unang linggo ng Marso ay naging buong buwan na ng Marso dahil sa Proklamasyon Blg. 227 (Providing for the Observance of the Month of March as “Women’s Role in History Month”).

Totoo namang may susing papel sa kasaysayan ang kababaihan. May mga pangalang pamilyar (o dapat na pamilyar), lalo na noong sinakop tayo ng mga dayuhan at kinailangang ipaglaban ang pambansang kalayaan—Tandang Sora, Gabriela Silang, Teresa Magbanua. May mga pangalan ding dapat tandaan tuwing nababanggit ang karahasan ng Batas Militar —Liliosa Hilao, Lorena Barros, Trinidad Herrera. 

Kung buhay pa si Tandang Sora ngayon, ano kaya ang reaksiyon niya sa selebrasyong ginagawa ng pamahalaan para sa kababaihan? May masasabi kaya siya sa opisyal na temang “Lipunang Patas sa Bagong Pilipinas: Kakayahan ng Kababaihan, Patutunayan!”?

Para naman sa mga kamag-anak at kaibigan ni Liliosa Hilao, katanggap-tanggap kaya sa kanila ang Bagong Pilipinas ngayon na hindi nalalayo sa Bagong Lipunan noong Batas Militar? Siguradong natatandaan nilang walang awang tinortyur at pinatay noong 1973 si Liliosa.

Mahaba ang listahan ng mga inaresto, ikinulong, dinukot, tinortyur, pinatay, minolestya, ginahasa at trinato hindi bilang tao. Pero dahil gusto ng gobyernong maging positibo tayo tuwing Marso, pilit na ipinipinta ang maliwanag na larawan para itago ang lagim ng kadiliman.

Ang umuulit na temang “WE (o women and everyone; women empowerment) for Gender Equality and Inclusive Society” ay nagpapakita ‘di umano ng pagkakapantay-pantay ng iba’t ibang kasarian sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Talaga? Tila hindi alam ng mga nasa kapangyarihan ang ginagawa sa kababaihang piniling isiwalat ang katotohanan.

Sa larangan ng peryodismo, nakakulong pa rin si Frenchie Mae Cumpio mula pa noong Pebrero 2020. Tulad ng marami pang detenidong politikal, sinampahan siya ng ilang seryosong kaso pagkatapos akusahan siyang komunista’t terorista. Patuloy ang panawagan para sa kanyang kalayaan kahit na ipinagpipilitan ng ilang opisyal ng pamahalaan ang kanyang ‘di umanong kasalanan sa bayan.

Kung sabagay, malaking “kasalanan” sa mata ng mga mayaman at makapangyarihan ang manindigan noon at ngayon. Gusto nilang magpatuloy ang kaayusang pilit na itinataas ang estado ng kalalakihan kumpara sa kababaihan—may diskriminasyon sa trabaho, may gap sa suweldo.

Aba, patuloy pa rin ang naratibo ng “haligi” at “ilaw” ng tahanan na tila lalaki lang ang dapat na nagtatrabaho at babae lang ang dapat na nag-aalaga sa mga anak at nagbabadyet ng mga pangangailangan sa bahay. At sa sitwasyong kulang ang suweldo ng “haligi,” kailangang magtrabaho ng babae habang responsibilidad pa rin niyang maging “ilaw.”

Ginagamit ang termino sa wikang Ingles na “double burden” para ilarawan ang kalunos-lunos na pinagdaraanan ng mga babae, lalo na ang mahihirap. Nagiging doble ‘di umano ang pasanin dahil sa pagiging manggagawang babae at pagiging “housewife.” Pero mas akma ang terminong “multiple burden.”

Ang pagiging “housewife” ay may iba’t ibang responsibilidad bilang asawa, nanay, tutor, tagahatid-sundo, tagaluto, tagahugas, tagalaba, tagaplantsa, tagapalengke, tagamasahe, tagapag-alaga at marami pang iba. Depende sa kalagayan sa buhay, posible rin siyang taga-igib ng tubig o taga-utang kung kinakapos talaga. 

Siguradong marami pa akong hindi nalistang responsibilidad ng tinaguriang simpleng maybahay (isang terminong bihira kong gamitin dahil may mga maybahay na walang bahay).

Sa mga pagkakataong kailangang “saluhin” ng babae ang mga problema ng asawa, maraming puwedeng mangyari sa kanya. Kung madaldal lang ang lalaki, nagiging pasanin din niya ang anumang pinagdaraanan ng asawa (na may malaking epekto sa kalusugan). Kung mabigat ang kamay ng lalaki, bugbog-sarado siya (na posibleng kumitil sa buhay).

Oo nga pala. Perpetwal na tagasalo ang kababaihan, may asawa’t anak man o wala. Siya ang parating nagsasakripisyo. Kapag kulang ang kanin at ulam, siya na ang hindi kakain. Kapag mainit ang ulo ng mapang-aping lalaki, siya ang itinakdang magtiis sa lakas ng suntok at tadyak.

Marso na naman. Ngayong buwan, balikan natin ang mga pagkilos ng manggagawang kababaihan sa iba’t ibang bahagi ng bansa noong maagang bahagi ng 1900. Nanawagan sila ng mas mataas na suweldo, mas maikling oras ng trabaho at karapatang bumoto.

Nag-iba man ang panahon, hindi pa rin nagbago ang ihip ng hangin. Matapos ang mahigit isang siglo, patuloy pa rin ang siklo.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com