close

Bakit kaya gigil ang MMDA sa e-bikes?


Nakatakdang ipagbawal ng MMDA sa national roads ang micro-EVs. Pero noong nakaraang taon lang, gumasta ito ng pera ng bayan para ‘aralin’ daw ang sistema ng transportasyon sa The Netherlands na nagbibigay-prayoridad sa pampublikong mga sasakyan at bisikleta/e-bikes. Anyare?

Abril 18 noong nakaraang taon nang tustusan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang biyahe ng siyam na alkalde at isang bise-alkalde ng Metro Manila sa Amsterdam, The Netherlands para aralin daw ang pamosong bike system ng naturang bansa. Pumunta rin sila sa Rotterdam, sa parehong bansa, para matuto umano sa “sustainable development practices” ng naturang siyudad, kabilang ang sustenableng sistema ng transportasyon doon.

Kasama sa mga alkaldeng bumiyahe sina Francis Zamora ng San Juan, Weslie Gatchalian ng Valenzuela, John Reynald Tiangco ng Navotas, Imelda Calixto-Rubiano ng Pasay, Jeannie Sandoval ng Malabon, Miguel Ponce III ng Pateros, Dale Malapitan ng Caloocan at Joy Belmonte ng Quezon City. Kasama rin sa grupo ang bise-alkalde ng Mandaluyong na si Carmelita Abalos.

Mga bike commuter sa Amsterdam, The Netherlands. Quezon City Government/Facebook

Kasama sa “educational tour” ang mga opisyal ng MMDA sa pangunguna ng tagapangulo nito na si Atty. Romando Artes.

Mas maraming bisikleta kaysa tao sa The Netherlands. Isa sa bawat apat na biyahe ng komyuter sa kabiserang Amsterdam ay ginagawa sa pamamagitan ng bisikleta. Sa mayorya ng mga kalsada sa mga lungsod dito, lalo na sa mga sentrong bahagi, priyoridad ang bisikleta. Nakikidaan lang ang kotse, kung pinapayagan man. Pinakahuling development sa The Netherlands ang pagsirit ng bilang ng e-bikes sa kalsada. Noong 2023, mas maraming nabiling e-bikes doon kaysa bisikleta.

Nabilib ang mga alkalde sa sistema ng “sustenableng transportasyon” sa The Netherlands. Nangako pa silang isusuko na nila ang paggamit ng luxury cars pabor sa mga bisikleta.

“Kailangang magbigay tayo ng ehemplo sa mga development project na ipapatupad natin,” sabi ni San Juan Mayor Zamora. Tuwang-tuwa ang mga alkalde. Nag-selfie pa si Zamora sa pamosong underground bike parking sa Amsterdam. Si Malabon Mayor Sandoval naman, may vlog hinggil sa mabilis mag-charge na charging stations ng EVs (e-vehicles) at e-bikes sa The Netherlands. Nangako silang magpapatupad ng mga regulasyon hinggil sa pagbibisikleta na sang-ayon sa magandang karanasan ng The Netherlands.

Mula sa statista.com

Sa Abr. 15, 2024, halos eksaktong isang taon nang lumipas ito. Limot na sa alaala ng mga alkalde ang “educational tour” sa Europa. Sa harap ng mga presyur mula sa mga motorista (na, duda ko, tulak ng kampanyang troll), sa kabila ng dumaraming bilang ng mga mamamayang gumagamit ng micro-EVs tulad ng e-bikes, e-trikes at e-quads, ipapatupad ng MMDA ang Resolution No. 24-022 series of 2024. 

Ang parehong mga alkaldeng tuwang-tuwa sa Amsterdam, galit-na-galit na ngayon sa mga bisikleta at micro-EVs. Si Zamora, presidente ng Metro Manila Council na nangakong babawasan ang pribadong mga sasakyang de-gasolina sa mga kalsada, ngayon ay nangangako nang papawiin dito ang mga e-bike, atbp. Noong Agosto 2023, kontrobersiyal ding tinanggal niya ang bollards sa Ortigas Avenue na nagpoprotekta, kahit papaano, sa mga nagbibisikleta. Para raw, ehem, “maibsan ang trapiko.”

Nakasaad sa resolusyon ng MMDA na bawal dumaan ang micro-EVs sa national roads, circumferential roads at radial roads. Pati mga traysikel, pedicab, pushcart at kuliglig, damay na rin. Pumapalakpak ang maraming motorista (mga nakasakay ng kotse at motorsiklo), silang 30 porsiyento ng mga Pilipinong bumibiyahe sa Metro Manila pero umookupa sa 89 porsiyento ng trapiko sa mga kalsada.

Kesehodang 87 porsiyento ng mga Pilipino—ayon sa sarbey ng Social Weather Stations noong Nobyembre 2020—ay naniniwalang dapat iprayoritisa ng gobyerno ang pagpapaunlad ng pampublikong transportasyon at imprastruktura para sa bisikleta at bawasan ang mga pribadong sasakyan sa kalsada. 

Kesehodang 2 porsiyento lang ng lahat ng aksidente sa mga kalsada ng Kamaynilaan noong 2022 (wala pang datos sa 2023) ang may kinalaman sa mga bisikleta, e-bike at pedicab, habang mahigit 52 porsiyento ang may kinalaman sa pribadong mga kotse, at halos 23 porsiyento naman ang may kinalaman sa mga motorsiklo—ayon mismo sa MMDA.

Kesehodang may Republic Act 11697, o Electric Vehicle Industry Development Act of 2022, na nag-uutos sa gobyerno na maglaan ng “enabling environment for the development of electric vehicles including options for micromobility as an attractive and feasible mode of transportation to reduce dependence on fossil fuels [Chapter 1 (b)].” (Pangalawang taong anibersaryo din pala ng batas na ito sa Abr. 15!)

Kesehodang may Implementing Rules and Regulations na ang batas na ito, at may LTO Administrative Order 2021-039, na nagbibigay ng guidelines hinggil sa lahat ng klase ng EVs (nakasaad dito na ang mga e-bike na may 50 kph na top speed ay ‘di kailangang irehistro at maaaring dumaan sa mga kalsadang may bike lane).

Kesehoda ring may pangako ang gobyernong bawasan nang 75 porsiyento ang carbon emissions (tulad ng usok na nagmumula sa mga sasakyang de-gasolina) pagdating ng taong 2030.

Kesehodang kahit Department of Energy, may programa para sa promosyon ng e-bikes bilang “sustainable transportation option.” 

Malinaw: bangkarote ang sinasabing mga dahilan ng MMDA para ipagbawal ang micro-EVs sa national roads atbp. Kung ganun, ano kaya ang totoong nagtutulak sa mga alkalde ng Metro Manila, sila ring mga alkaldeng naglamyerda sa Amsterdam noong nakaraang taon, para itulak ang pagbabawal sa mga e-bike sa mayor na mga kalsada ng lungsod? 

Mula sa statista.com

Kung hindi paglutas sa trapiko (dahil pribadong kotse naman ang pangunahing dahilan ng trapiko) at aksidente sa kalsada (dahil kakarampot naman ang e-bikes atbp. na sangkot sa aksidente), at hindi naman ito hangad ng mayorya ng mga komyuter at mga Pilipino (ayon sa SWS sarbey), ano kaya ang pumasok sa isip ng ating butihing mga meyor? 

May ilang posiblidad. Pangunahin dito ang presyur mula sa mga industriya ng langis at sasakyan. Inaasahang aabot sa kalahating milyon ang maibebentang pribadong kotse ngayong 2024, ayon sa Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, batay ang tantiya nila sa “record sales” noong 2023. Samantala, umabot sa 51 porsiyento ang inilobo ng kita ng Petron noong 2023. Subsidyaryo ng (o nakapaloob sa) San Miguel Corporation ang Petron Philippines. Abala rin ang kompanyang ito sa pagpapatayo ng mga tollway o expressway na dumadaan sa Metro Manila, tulad ng Skyway, Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX), Southern Tagalog Arterial Road (STAR), South Luzon Expressway (SLEX), at NAIA Expressway (NAIAX).

May nakasalang na panukala ang San Miguel na magtayo ng expressway sa ibabaw ng Ilog Pasig (Pasig River Expressway) na tinututulan ng maraming grupo, residente at maka-kalikasan. Magmula noong nakaraang taon, nagsimula nang makipagsosyo ang San Miguel sa isa pang dambuhalang kompanyang gumagawa ng mga tollway: ang Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC). Kilala ang MPTC na nag-oopereyt sa Northern Luzon Expressway (NLEX), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), NLEX Connector Road, at Manila-Cavite Expressway (Cavitex).

Nagbabalak pa ang dalawang kompanyang ito na magpatayo ng expressway sa ibabaw ng Katipunan at EDSA para, ehem, “maibsan ang trapiko.” 

Ramon Ang: sports car lover

At, nga pala, negosyo din ng San Miguel ang pagbebenta sa Pilipinas ng luxury vehicles tulad ng BMW at Ferrari (na puwedeng ikarera sa kanilang mga expressway). Ang Presidente, Tagapangulo at Chief Executive Officer (CEO) nito na si Ramon Ang, kilalang mahilig sa kotse. Sabi pa ng kolumnistang si Ramon Tomeldan ng Manila Standard noong Oktubre 2023:

“RSA often dedicates time to tinkering with cars, despite his demanding responsibilities as the head of SMC and its subsidiaries. His passion for automobiles now transcends mere ownership, extending to dreams of business ventures.

“Now, RSA has drawn up a plan to build a racetrack with world-class amenities, aside from a car museum and theme park, scheduled for completion in 2026. The chosen venue is Bulacan, close to SMC’s ongoing project, SMC Aerocity, the New Manila International Airport. Plans include involving retired F1 driver Felipe Massa to assist in designing the racing circuit, as per reports.”

“The Crowning Glory of His Car-Loving Ways,” Manila Standard, 28 Okt. 2023

Pero ano ang kinalaman ng resolusyon ng MMDA kontra sa e-bikes, sa dambuhalang mga kompanyang tulad ng San Miguel Corp. at MPTC? Hindi pa malinaw. Ang alam lang natin, lumalabas na malapit si Zamora kay Ramon Ang. May selfie pa nga sila sa isang Christmas party na inilabas ni Zamora noong 2022. Ipinagmalaki pa niya ang investments daw ni Ang sa San Juan.

It was good to see Mr. Ramon Ang last night at the Christmas Party of House Speaker Martin Romualdez. Thank you RSA for continuing to invest in San Juan! #MayorFrancisZamora

Posted by Mayor Francis Zamora on Tuesday, December 20, 2022

Samantala, ayon sa mamamahayag na si Earl Parreño, tinulungan ng tatay ni Francis na si Ronaldo Zamora na mabawi ni Eduardo “Danding” Cojuangco Jr. ang San Miguel Corp. noong 1998. Si Danding ang naunang Presidente ng San Miguel at mentor ni Ang.

Tatlong araw matapos ang pakikipag-party ni Zamora kay Ang, nakipag-usap din siya kay Manuel V. Pangilinan ng MPTC. Hinggil ito sa ginagawang mga expressway ng MPTC na naglalayon daw na, ehem, “maibsan ang trapiko.” Lumalabas, daig ng dikta ng negosyo ang mga aral na natutunan sa ibang bansa, kahit pa para sana sa ikakabuti ng komyuter at mamamayan. 

Pero walang nakitang expressways si Zamora sa Amsterdam o Rotterdam.