close

Boses ng kabataang Pinay sa P-pop


Umarangkada ang kanilang musika sa debut single na “Born to Win” dala-dala ang mensahe ng pagpupursige upang maabot ang mga pangarap. Mula noon patuloy na ang kanilang ambag sa industriya ng P-pop.

Matagal nang umusbong ang kasikatan ng P-pop sa bansa at sa pagdating ng kontemporaryong anyo nito, tunay na nakikilala ang husay ng kababaihan sa industriya.

Kamakailan nang nag-viral ang kantang “Pantropiko” ng P-pop group na Bini na tinaguriang ding “nation’s girl group”. 

Nabuo sila noong 2020 at may walong miyembro na sina Jhoanna, Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha at Sheena. 

Hindi lamang binihag ng Bini ang mga Gen Z sa kanilang nakakaaliw na musika at makulay na konsepto, kinakatawan din nila ang boses ng kabataang Pinay.

Layon nila na isalamin ang modernong Pilipina bilang “sweet, fierce, independent and informed,” kung kaya’t halaw ang pangalan ng grupo sa salitang “binibini”.

Umarangkada ang kanilang musika sa debut single na “Born to Win” dala-dala ang mensahe ng pagpupursige upang maabot ang mga pangarap. Mula noon patuloy na ang kanilang ambag sa industriya ng P-pop.

Layunin ng BINI na ihatid ang mensahe ng pagbibigay kapangyarihan sa kababaihan sa pamamagitan ng kanilang sining.

Kasabay ng pagdiriwang ng International Women’s Day noong Mar. 8, inilabas din ng grupo ang kanilang unang extended play (EP) na “Talaarawan.”

Laman ng “Talaarawan” ang iba’t ibang anyo ng buhay at pagmamahal na nararanasan ng kabataan.

Matutunghayan ito sa kanilang mga awiting “Karera” na isang paalala na hindi kompetisyon ang buhay at “Salamin, Salamin” kung saan tampok ang  komplikadong emosyon na teenage crush.

Kinatawan din ng Bini ang boses ng kabataang Pilipino nang gawaran sila bilang Rising Star Awardee sa kauna-unahang Billboard Philippine Women in Music Awards noong Mar. 22. 

Muling ipinangako ng grupo na kanilang “dadalhin ang P-pop sa world stage” at patuloy din nila kakatawanin ang ibang P-pop groups sa bansa. 

Sa gitna ng larangang pinangungunahan ng kalalakihan, isang magandang paalala na may grupo ng kababaihan na magsisilbing boses para sa kabataang Pinay. 

Patunay ang BINI na kaya ng kababaihang artista na dalhin ang P-pop sa mas malawak na plataporma at magbigay ng inspirasyon sa kapwa kababaihan.