close

4 na aktibista, sinampahan ng kasong ‘terorismo’


Malinaw umano na panggigipit sa mga kritiko at aktibista ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa apat na lider-aktibista na matagal nang naglilingkod sa kani-kanilang mga organisasyon at komunidad.

Kinondena ng mga progresibong grupo ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso ng paglabag umano sa Anti-Terrorism Act at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act laban sa apat na lider-aktibista sa piskalya sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Kinasuhan sina Bayan Muna Partylist at Makabayan Coalition secretary general Nathanael Santiago, Anakpawis Partylist campaign director Servillano “Jun” Luna Jr., Assert Socio-Economic Initiatives Network (Ascent) convenor Rosario Brenda Gonzalez at Anasusa San Gabriel, manggagawang simbahan sa Bulacan, ng murder, attempted murder at paglabag umano sa dalawang nasabing batas.

Isinampa ang mga kaso sa apat ng isang 1Lt. Michael J. Regario at iba pa mula sa 84th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Ayon sa human rights watchdog na Karapatan, ginagawang sandata ang magkakambal na batas para sa kriminalisasyon ng mga kritisismo sa pamahalaan at pagpapasama sa imahen ng mga aktibista ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa apat.

“Nagmula ang gawa-gawang kaso ng paglabag sa Anti-Terrorism Act sa kanilang partisipasyon umano sa isang engkuwentro sa pagitan ng New People’s Army at 84th Infantry Battalion ng Philippine Army sa Brgy. San Fernando, Laur, Nueva Ecija noong Okt. 8, 2022,” ani Karapatan secretary general Cristina Palabay.

Mariing kinondena ni Bayan Muna Partylist chairperson Neri Colmenares ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kasong kaugnay ng “terorismo” sa kanilang secretary general at sa tatlo pa.

“Ang pinakabagong pagtatangkang ito na sampahan ng mga pekeng kaso si G. Santiago at iba pang aktibista ay hindi lang paglabag [sa kanilang mga karapatan] bilang indibidwal kundi atake sa pinakaesensiya ng demokrasya,” sabi ni Colmenares.

Malinaw umano na panggigipit sa mga kritiko at aktibista ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa apat na lider-aktibista na matagal nang naglilingkod sa kani-kanilang mga organisasyon at komunidad.

Mula pa 1984, lider-estudyante na si Santiago sa Philippine Christian University at League of Filipino Students. Naging deputy secretary general at secretary general siya ng Bagong Alyansang Makabayan noong dekada ‘90.

Kalaunan, naging secretary general ng Bayan Muna Partylist at Makabayan Coalition si Santiago hanggang sa kasalukuyan. Naging konsehal din siya ng Caloocan City mula 2001 hanggang 2004.

Matagal na ring lider-aktibista si Luna. Mula 1980, aktibo siya sa University of the East-Manila kung saan kasama siya sa pagtatatag ng Alyansa ng mga Mag-aaral sa Tinig ng Silangan at Kapit-Bisig Party Alliance.

Matapos maging lider-estudyante, naging boluntir siya sa Sentro para sa Tunay na Repormang Agraryo (Sentra) at Pambansang Lakas ng Nagkakaisang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas). Dating secretary general din siya ng Anakpawis Partylist at Pamalakaya Pilipinas.

Malimit namang laman ng mga development project evaluation sa iba’t ibang bansa tulad sa Pilipinas, Cambodia, Thailand at Malaysia si Gonzalez bilang convenor ng Ascent, isang non-government organization na naglalayong tugunan ang mga isyu ng mga development project at manggagawa nito.

Maliban sa mga project evaluation, may mga programa rin ang Ascent sa humanitarian assistance, sustenableng agrikultura, karapatan sa lupa, renewable energy at climate justice na madalas pamunuan ni Gonzalez.

Lumaki naman sa mga Katolikong institusyon si San Gabriel na ngayo’y isang manggagawang laiko sa Bulacan Ecumenical Forum mula 2017. Madalas siyang nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang organisasyon sa mga programa para sa mga bulnerableng komunidad kagaya ng mga mangingisda at pamayanan sa palibot ng Manila Bay.

Naging susi ang kanyang gawain sa pagbubuo ng Akap Ka Manila Bay, isang alyansa ng mga komunidad, relihiyoso at iba pang makakalikasang grupo na nagsusulong ng kapakanan ng kalikasan laban sa pinsalang dulot ng mga proyektong reklamasyon at imprastruktura sa Manila Bay. Nakakaugnay din niya ang Ecumenical Bishops’ Forum sa mga konsultasyon at programa para sa mga mangingisda.

“Walang basehan ang mga kasong ‘terorismo’ na isinampa laban kay [San Gabriel] at pagdusta ito sa paglaban ng mamamayang Pilipino para sa katarungang panlipunan at pangkalikasan,” ani Jonila Castro ng Akap Ka Manila Bay na naging biktima ng pagdukot ng militar noong nakaraang taon.

“Panunupil sa lehitimong pagtutol, pagsusuhay sa brutalidad at ‘di makatarungang katangian ng naghaharing sistema ang pagbabansag sa aktibismo bilang terorismo,” sabi pa ni Castro.

Iginiit ng Karapatan at iba pang progresibong grupo na ibasura ang mga gawa-gawang kaso ng “terorismo” at “terrorist financing” sa apat at iba pang kinasuhan nito na lalo lang nagpapasahol ng mga atake sa karapatang pantao at international humanitarian law.