Banta sa katutubong pamana sa Kordilyera
Ano’ng pamana ang maipapasa sa susunod na salinlahi kung ang mga katutubong lupa, kalikasan, kultura at komunidad, nanganganib mawasak dahil sa mga proyektong “pangkaunlaran”?
Mula sa dulo ng kalsada, mahigit isang oras ang lalakarin sa makipot, matarik at paliko-likong daang-tao sa gilid ng ilog papunta sa Brgy. Tanglag. Sa pusod ng Kordilyera, sa pampang ng Ilog Chico, mahina, pero may signal ng telekomunikasyon sa liblib na baryo sa bayan ng Lubuagan, Kalinga.
Marami sa katutubong “I-Tanglag” (mamamayan ng Tanglag) ang may smartphone at gumagamit ng social media. Pero hindi ito ikinakabahala ni Sixto Talastas, artista at cultural researcher ng Partners for Indigenous Knowledge Philippines. Kahit aniya nalalantad sa kulturang popular at dayuhan, napapanatili pa rin ang kanilang katutubong kultura dahil sa pagkakaisa ng komunidad.
“Kahit yung mga kabataan na nakakapag-aral sa siyudad, nae-expose sila sa ibang kultura, gaya ng K-pop, pero pag-uwi nila sa komunidad, preserved pa rin nila yung kultura nila,” paliwanag niya.
Nagagamit pa aniya ang social media sa pagpapalaganap at pagpapayabong ng katutubong kultura.
“Nagpo-post sila ng mga pattung (katutubong sayaw) nila, na mas nakakaengganyo sa mga kabataan [na isabuhay ang katutubong kultura],” sabi ng mananaliksik.
Hindi gaya ng namamayaning indibidwalistang pag-iisip, nakasentro sa “ili” o komunidad ang kultura at pamumuhay ng mga katutubo sa Kordilyera.
“Halimbawa sa pagpapalaki ng mga bata, sa mga hindi IP (indigenous people), obligasyon ‘yan ng magulang. Sa IP, obligasyon ng buong komunidad ang pagpapalaki sa isang bata. Kaya hanggang sa paglaki, nakatanim sa kanila ‘yong ganoong konsepto na ‘we must think as one community, we must act as one community,’” ani Talastas.
“Kaya kung may mga isyu na negatibo ang epekto sa komunidad, mas solido ang kanilang aksiyon,” dagdag niya.
Kinikilala niyang may negatibong epekto ang panlabas na kultura sa katutubong kaugalian at tradisyon. Pero magiging mas malala aniya ang mga ito, at mas mahihirapang mapanatili ang katutubong kultura, kung tuluyan silang mapapalayas sa kanilang komunidad.
Kagyat at malalang banta kasi ngayon sa katutubong kultura ang daan-daang proyektong “pangkaunlaran” sa buong Kordilyera. Bukod sa pagkawasak ng kalikasan at kabuhayan, magdudulot din ito ng malawakang pagpapalayas ng mamamayan mula sa kanilang katutubong lupa at komunidad.
“Kapag na-dislocate ka sa lupa mo, dahil sa dams at mining, malaking part ng kultura ang mawawala,” sabi ni Talastas.
Dam at mina
Sa Tanglag ipinanganak at lumaki si Zenaida Wingnga, 70. Nakasentro aniya ang buhay ng mga I-Tanglag sa Ilog Chico, na pinagkukunan nila ng inumin, pagkain at irigasyon.
Pero mula nang unang binalak itayo ang Chico River Dam Project noong dekada ‘70, marami nang napilitang lumipat sa ibang lugar. Ilulubog kasi ng dam ang Tanglag at iba pang barangay sa Kalinga at Mountain Province.
Sapilitang pinalipat ang mga residente sa New Tanglag, resettlement area na ngayo’y isa nang barangay, sa siyudad ng Tabuk, kabisera ng Kalinga. Ani Wingnga, naging mahirap ang buhay ng mga lumipat doon. Ngayon, sa Baguio na siya nakatira.
Nang ipasa ang Republic Act 9513 o Renewable Energy Act noong 2008, dumami ang mga pribadong kompanyang namumuhunan sa mga proyektong hydroelectric.
Inaprubahan ng Department of Energy ang mahigit 109 proyektong hydropower sa mga conservation area sa buong Kordilyera. Plano ring magtayo ng wind farms, sa hangganan ng limang bayan: sa Balbalan at Pasil sa Kalinga at sa Malibcong, Licuan-Baay at Daguioman sa Abra.
May tatlong dam nang naitayo sa mga ilog ng Agno, Ambuclao, Binga at San Roque. Walo pa ang itatayo sa mga ilog ng Apayao at mga sanga nito, anim hanggang walo sa Chico, lima sa Pasil, apat hanggang lima sa Saltan, at isa o dalawa sa Siffu. Sasakalin nito ang natural na daloy ng mga ilog na sisira naman sa saribuhay (ecosystem) ng Kordilyera.
Pinakamalaki ang pinsala ng proyektong Gened 1 reservoir sa Apayao na magpapalubog sa 887 ektaryang lupain. Mahigit 490 ektarya naman ang ilulubog ng kakambal nitong Gened 2.
Simula 2016, nagtayo na ang Pan Pacific Renewable Power Philippines Corporation ng dalawang hydropower plant na ginastusan ng P41.65 bilyon sa Kabugao, Apayao.
Kahit tinatawag na “green” o makakalikasan, mapanira pa rin ang mga hydropower project. Sabi ng United Nations Development Programme, palasak na ginagamit ang terminong “green projects” sa pagkamkam ng lupa, na sapilitang nagpapalayas sa mga maralita at umaabuso sa mahihirap na sektor ng populasyon.
Lulunurin ng mga dam ang kagubatan at buhay-ilang (wildlife) sa Kordilyera. Itinuturing na key biodiversity area na may pandaigdigang kahalagahan ang ilog ng Saltan at Pasil. Saklaw nito ang 81,538 ektaryang kagubatan sa walong bayan: Balbalan, Pasil at Lubuagan sa Kalinga; Malibcong, Daguioman, Boliney at Tubo sa Abra; at Sadanga sa Mountain Province.
Sa huling tala ng Cordillera People’s Alliance (CPA), may mahigit 104 aplikasyon sa pagmimina ang nakahain sa buong Kordilyera.
Kamakailan, inaprubahan ng Department of Environment and Natural Resources ang kontrata ng Makilala Mines Corporation Inc. (MMCI). Tutungkabin nito ang 2,500 ektaryang katutubong lupain ng tribong Balatoc sa Kalinga.
Target minahin ng MMCI ang ginto at tanso sa Maalinao-Caigutan-Biyog na malapit sa ilog Pasil. Tinatayang 2.25 milyong tonelada ng ore o batong may mineral ang balak ilabas ng MMCI sa pamamagitan ng sub-level open stopping mining o paghuhukay ng tunnel.
Nakatakda ring aprubahan ang Application for Production Sharing Agreement 103 ng Itogon-Suyoc Resources Inc. (ISRI), na pag-aari ng Apex MInig Corporation Inc. sa Sitio Daclino, Brgy. Ampucao, Itogon, Benguet. Tutungkabin ng ISRI ang 581 ektaryang lupang ninuno, kasama ang mga pinagmumulan ng tubig, mga sagradong libingan, paaralan at simbahan sa Sitio Dalicno.
Hindi na bago sa mamamayan ng Kordilyera ang pinsalang idinudulot ng malawakang pagmimina. Sa pag-apruba sa daan-daang proyektong mina, nangangamba silang mas titindi ang idudulot nitong pagguho ng lupa at pagkalason ng mga ilog at taniman.
Noong 2012, nagpakawala ng tone-toneladang nakalalasong kemikal ang Philex Mining sa Benguet. Kahit sinuspinde ng Mines and Geosciences Bureau ang operasyon ng mina, nilason na nito ang Ilog Agno at Balog Creek, na itinuturing na Class A na ilog.
Ayon kay Talastas, direktang maapektuhan ang katutubong kultura ng mamamayan ng Kordilyera sa idudulot na dislokasyon ng mga proyektong dam at minahan.
“May mga [ritwal] at kagawian halimbawa na hindi mo na magagawa kapag na-displace ka sa komunidad mo dahil wala na ‘yong kinakailangang ingredients o materyales,” aniya.
Panlilinlang at panunupil
“Kapag natuloy iyang dam, wala na kaming ibang pupuntahan,” sabi ni Reynald Jay Jaba, katutubong Isnag mula sa Kabugao, Apayao.
Isa siya sa mga kabataang tutol sa pagtatayo ng Gened 1 at 2. Wala aniyang kabuluhan ang sinasabing benepisyo ng mga proyekto kung mawawalan sila ng tirahan at kabuhayan. Mas mahalaga pa rin sa kanilang komunidad ang katutubong lupa.
Ayon sa Indigenous Peoples’ Rights Act, kailangan munang makakuha ng Free, Prior, and Informed Consent (FPIC), o pahintulot mula sa katutubong komunidad, ang anumang itatayong proyekto sa kanilang lupang ninuno. Pinapangasiwaan ng National Commission on the Indigenous Peoples (NCIP) ang proseso.
Pero paanong napahintulutan ang daan-daang proyektong “pangkaunlaran” kung tutol ang mga katutubo? Manipulado kasi ng NCIP ang pagkuha ng FPIC sabi ni Beverly Longid, national convenor ng Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (Katribu).
“Maraming kaso na ‘yong mga mamamayan ng Apayao, tanim ‘yong NCIP, gumawa sila ng pekeng sertipiko, pinirmahan daw ito [kahit] ng mga patay na,” aniya.
Sa ulat ng Philippine Collegian, makailang beses nang naghain ng resolusyon ng non-consent o pagtutol ang mga komunidad ng katutubo ng Apayao noong 2019. Noon namang 2021, may botohan dapat kung aaprubahan o hindi ang FPIC ng MMCI, pero pinigilan ang mga miyembro ng komunidad.
Hindi kinikilala ng mga katutubo ng Sitio Dalicno ang FPIC ng ISRI dahil sa panlilinlang ng NCIP. Ayon sa Dalicno Idigenous People’s Organization, hindi sila binigyan ng sapat na impormasyon sa mga pagtitipon, kaya kahit walang pahintulot ng komunidad, naaprubahan ang memorandum of agreement para sa mina noong Setyembre 2023.
Mahaba at magiting ang kasaysayan ng Kordilyera sa pagtutol sa mga proyektong banta sa kanilang komunidad. Malaki ang bahaging ginagampanan ng kanilang katutubong kultura sa pagkakaisa at paglaban.
“Ang advantage ng Kordilyera, dahil mga IP community, komunal sila mag-isip, komunal din kumilos,” sabi ni Talastas.
Pero ang kultura ng pagkakaisa, tinatangka ngayong wasakin. Kaakibat ng mga proyektong dam at mina ang matinding militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao. Layon nitong supilin at wasakin ang pagkakaisa ng mamamayan sa paglaban para sa kanilang katutubong lupa, kabuhayan, kalikasan, kultura at komunidad.
“Ang banta ngayon sa kanilang mga community ay itong NTF-Elcac (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict),” sabi ni Talastas.
Nagbabayad aniya ang NTF-ELcac ng mga ahente sa mga komunidad para sirain ang pagkakaisa. Karaniwang nirerekrut para maging ahente ang mga nakapag-ROTC o nag-Cafgu.
“Itong mga ahente, kahit lumaki sila sa konsepto ng community, dahil binabayaran sila ng pulis at army, nawawala na ‘yong ganoong konsepto sa kanila. Naisasakripisyo nila ang komunidad, kahit mga kamag-anak. Kahit walang isyu sa komunidad, gagawa sila ng isyu para lang may ma-ireport at makuha ang sahod,” aniya.
Pinaigting din ng gobyerno ang terror-tagging, lalo na sa mga katutubong aktibista at lider ng CPA. Binansagang terorista sina Steve Tauli, Sarah Abellon-Alikes, Windel Bolinget at Jennifer Awingan-Taggaoa noong Hulyo 2023.
Matinding takot at pinsala sa kabuhayan at kalikasan naman ang dulot sa mamamayan ng Cagayan, Apayao, Kalinga at Abra ng mga aerial bombing ng Philippine Air Force sa mga komunidad sa paligid ng mga itinatayong dam at minahan.
Pagkakaisa at paglaban
Idinaos sa Tanglag ang 40th Peoples’ Cordillera Day nitong Abril 23-24. Dumalo ang mahigit 1,500 delegado mula sa anim na probinsya ng Kordilyera, mga kinatawan ng iba’t ibang rehiyon at organisasyon, at mga bisita mula sa ibang bansa.
Ngayon na lang ulit nagawa ang sentralisadong pagdiriwang na limang taong naudlot dahil sa matinding militarisasyon at nagdaang pandemya.
Ayon sa CPA, layon nitong buuin ang mas mahigpit na pagkakaisa at palakasin ang paglaban ng mamamayan ng Kordilyera para sa kanilang lupa, buhay at dangal.
Umuwi mula sa Canada si Dr. Constancio “Chandu” Claver, beteranong aktibista ng Kordilyera, para dumalo sa pagdiriwang. Ilang taon na siyang hindi nakauwi sa Kalinga mula nang mapilitang mangibang-bayan dahil sa banta sa kanyang buhay.
Noong 2006, nakaligtas siya sa pananambang ng armadong tauhan ng gobyerno sa Tabuk. Napatay ang kanyang asawa, habang sugatan naman silang mag-ama. Vice chairperson siya noon ng CPA at tagapangulo ng Bayan Muna Kalinga.
“Ang Cordillera Day ay isang pampolitikang piyesta. Ibig sabihin, may politikal ang nilalaman, pero isa ring kapistahang pangkultura. Tinatalakay ang mga problema ng Kordilyera at sinisikap na mahanapan ng mga solusyon,” ani Claver.
Taon-taon idinaraos ng CPA ang Peoples’ Cordillera Day para gunitain ang kabayanihan ni Macliing Dulag, lider ng mga katutubo ng Kordilyera na nanguna sa paglaban sa Chico River Dam Project sa kasagsagan ng batas militar ng diktadurang Marcos Sr. Pinatay siya ng mga sundalo noong Abril 24, 1980.
Umuwi rin sa Tanglag si Wingnga para dumalo sa pagdiriwang. Sa pagbalik sa kanyang ili, inalala niya ang kanilang pakikibaka noon laban sa Chico River Dam.
Bata pa siya noon pero nasaksihan niya kung paano nagbarikada ang mga kababaihan ng Kalinga sa pangunguna ni Ina Petra Macli-ing. Hinubad nila ang pang-itaas na damit bilang protesta. Sa katutubong paniniwala aniya, habang buhay na mamamalasin ang mga kalalakihang titingin sa nakahubad nilang ina at lola.
“Ito na ang ika-40, pero hindi pa ang huling pagdiriwang ng People’s Cordillera Day. Mananatili ito hangga’t may mga usaping kailangang talakayin at solusyunan ng mamamayan,” ani Longid.
Para sa mga katutubo at mamamayan ng Kordilyera, ang paglaban sa mga proyektong dam at minahan, at sa panunupil at panghahati ng estado, ay laban para sa pagtatanggol ng kanilang lupa, kultura at komunidad.