close
Balik-Tanaw

Ka Bel, dakilang lider-manggagawa


Kilala si Ka Bel na isang unyonista, aktibista at mabuting ama, hindi lamang sa kanyang pamilya maging sa sambayanang Pilipino.

Labing-anim na taon na ang nakaraan—Mayo 20, 2008—nang gulantangin ang buong mundo sa pagpanaw ni Crispin “Ka Bel” Beltran, magiting at makabayang kinatawan ng mamamayan sa Kongreso, nang nahulog mula sa bubong ng kanyang munting bahay habang kinukumpuni ito.

Hindi simpleng mambabatas si Beltran. Kilala si Ka Bel na isang unyonista, aktibista at mabuting ama, hindi lamang sa kanyang pamilya maging sa sambayanang Pilipino.

Nagsimula siya bilang isang taxi driver noong dekada ‘50 hanggang dekada ‘60. Naging tagapangulo siya ng Yellow Taxi Driver’s Union at Amalgamated Taxi Driver’s Federation hanggang maging pangalawang administrador ng Confederation of Labor Unions kasabay ng pagiging pangalawang pangulo ng Philippine Alliance of Nationalist Organization mula 1963 hanggang 1972.

Isa si Ka Bel sa libo-libong unyonista, aktibista at mga kritiko ng diktadurang Marcos Sr. na hinuli at ikinulong sa Kampo Crame noong 1982.  Sa tulong ng kanyang butihing asawa na si Rosario o Ka Osang, matagumpay na naitakas si Ka Bel. Nagtago siya sa Gitnang Luzon sa hanay ng rebolusyonaryong kilusan at naging isang pugante sa mata ng diktadura.

Nang mapatalsik si Marcos Sr., pinalaya ang lahat ng bilanggong politikal, isa na dito si Ka Bel. Muli siyang kumilos bilang organisador at lider ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at naging tagapangulo nito matapos paslangin ng militar si Rolando Olalia.

Matagal din siyang nagsilbi bilang tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) bago lumahok sa larangang eleksiyon noong 2001 bilang kinatawan ng Bayan Muna Partylist at Anakpawis

Bilang kinatawan ng Bayan Muna at Anakpawis, isinulong niya ang mga batas para sa mga manggagawa at mamamayan. Tulad ng pagsusulong ng batas na P125 across the board wage increase na layong dagdagan ang sahod ng mga manggagawa sa buong kapuluan.

Isa siya sa pangunahing kritiko ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa pagtutol niya sa mga kontra-mamamayang patakaran ng administrasyon. Kaya naman kinasuhan siya ng rebelyon at sedisyon.

Dahil sa kanyang husay at giting bilang isang mambabatas at aktibista, kinilala siya hindi lamang sa Pilipinas kundi maging ng inyernasyonal na komunidad. Siya ang naging unang tagapangulo ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS).

Kaya naman sa kanyang pagpanaw noong 2008, hindi kata-katakang bumuhos ang pakikiramay, pagsaludo, parangal at paghanga kay Ka Bel.  

Sa panahong ito na matindi ang panunupil, paglabag sa karapatang pantao at matinding kahirapan, maraming aral sa buhay at pakikibaka ni Ka Bel.

Sabi nga niya, “If helping the poor is a crime, and fighting for freedom is rebellion, then I plead guilty as charged.”