close
Komentaryo

Paalala sa ating pagiging makataong may puso


Mahalin natin sila habang sila ay mga buhay pa. At sa ating pagdalaw at pakikipagkuwentuhan sa kanila, mararamdaman mo rin sa iyong sarili na tao ka nga pala at hindi tila makinang militante lang.

Mapapansing unti-unting nalalagasan na ang ating henerasyon o maging hindi natin kahenerasyon. Malalaman mo na lang na may isa palang dating katrabaho, kasamang mga aktibista—mga taong kumilos sa iba’t ibang larangan at nagbigay ng mga pagbabago o patuloy na ipinakikipaglaban ang tunay na pagbabago—ay pumanaw na.

Kaya naman, biglang bibilis ang tibok ng iyong puso at tataas ang iyong adrenaline at susugod ka sa kanyang lamay upang ipakita ang iyong pagdadalamhati.

Sa harap ng kanyang kabaong, ay kakausapin mo s’ya, ipagdarasal at aalalahanin ang inyong pinagsamahan, o kung hindi mo man personal na kakilala, ay aalalahanin mo ang kanyang ambag at mga sakripisyo para sa bayan habang nakatingin ka sa kanyang malamig na bangkay.

Mararamdaman o malalaman pa ba iyon ng isang yumao? Hindi na ‘di ba?

Mahalaga na habang buhay pa ay magawang dalawin ang mga may karamdaman, may kapansanan, at/o mga senior citizen upang maramdaman nila ang ating pagrespeto, pagkilala at pagmamahal sa kanilang nagawang ambag at kabutihan sa kanilang sektor, sa mamamayang minahal at sa bayang kanilang ipinaglaban sa halos buong panahon ng kanilang kasiglahan, kabataan at kahit sa kanilang pagtanda ay nagsisikap pa ring maibuhos ang kanilang nalalabing lakas upang maging produktibong bahagi ng sangkatauhan.

Ang pagdalaw at pakikipagkuwentuhan sa kanila ay isang tanda sa antas at kalidad ng ating pagkatao—anuman ang pampolitikang paniniwala, relihiyon o espirituwalidad.

Kaya ito ay patungkol o panawagan din sa mga miyembro ng anumang lipunan na nagiging abala sa paghahanapbuhay o kung hindi man ay abala sa kani-kanilang mga pansariling kaligayahan.

Mahalin ang mga kasama. Bigyan sila ng panahong madalaw sa kani-kanilang maliit na espasyo habang sila’y may kaunti pang lakas at may hininga pa. Hindi pa huli ang lahat. Kumilos at mag-organisa ng mga kapanalig at kaibigan.

O kahit ikaw kang mag-isa. Dumalaw. Silipin sandali. Habang may buhay pa sila at maging tayo man.

Ang mga matatanda nating mga kasama ay bahagi ng nagtayo ng haligi ng pakikibaka sa mga naunang panahon, lalo noong panahong nagsisimula pa lang ang pagsabog ng binhi ng kilusan para sa tunay na pagbabago.

Sila at ang mga martir ng kilusan para sa pagbabago ang dahilan kung bakit nagkaroon tayo ng mga tagumpay at kalayaan sa ating pagkilos pagkalipas ng madilim na panahon ng pasismong militar ng diktadurang Marcos Sr.

Marami sa kanila ang dumanas ng hirap noong ipataw ang batas militar, dumanas ng tortyur sa kamay ng militar at nagpakatatag upang manatiling mabuhay pa sa kabila ng kahayupang ginawa sa kanila. (O maaari din namang sila ay “masuwerteng” piliing buhayin o hindi pinatay ng iilang mga alagad ng pasismo na marahil nangibabaw pa ang kanilang pagiging tao at napangibabawan ang pagiging mga brutal nilang kahayupan na hinubog ng kanilang mga among pasista.)

Ang mga matatanda at/o may karamdamang kasama ay espesyal na bahagi ng mamamayang ating pinaglilingkuran. Mahalin natin sila habang sila ay mga buhay pa. At sa ating pagdalaw at pakikipagkuwentuhan sa kanila, mararamdaman mo rin sa iyong sarili na tao ka nga pala at hindi tila makinang militante lang. 

At mararamdaman mo rin ang isang lebel ng kaligayahan.

Mabuhay! Tuloy ang laban!