Paglaban sa henodisyo sa ika-76 na taon ng Nakba
Nangangahulugan ang salitang Arabong “nakba” na “catastrophe” o “dakilang sakuna.” Ginagamit din ito ng mga Palestino upang ilahad ang walang katapusang pagmamalupit ng Zionistang Israel.
Sa ika-76 na taon ng Nakba, pinangunahan ng International League of People’s Struggle (ILPS) Philippines ang panawagan na itigil ang henodisyo ng Israel sa mamamayang Palestino kasama ng iba pang progresibong grupo sa Quezon City nitong Mayo 15.
Nagprotesta rin ang iba’t ibang grupo ng mga kabataan, sa pangunguna ng Filipino Youth for Palestine, sa tapat ng Embahada ng Israel sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City para kondenahin ang patuloy na henodisyo. Subalit dinahas sila ng Philippine National Police (PNP) Taguig at ng BGC security group.
Mula noong Okt. 7, 2023, humigit-kumulang 35,000 na ang mga Palestinong walang awang pinatay ng Zionistang Israel. Umabot naman sa 2.3 milyon ang bilang ng mga lumikas sa kanilang mga tahanan.
Araw ng Nakba
Tuwing Mayo 15, daigdigang ginugunita ng mga Palestino ang Araw ng Nakba kung saan minamarkahan ang ethnic cleansing at sapilitang pagpapaalis sa kanilang lupain ng hukbo ng mga Zionista.
Nangangahulugan ang salitang Arabong “nakba” na “catastrophe” o “dakilang sakuna.” Ginagamit din ito ng mga Palestino upang ilahad ang walang katapusang pagmamalupit ng Zionistang Israel.
Noong Mayo 14, 1948, agarang idineklara ng mga Zionista ang pagkakatatag ng independiyenteng estado ng Israel na siyang nagsimula ng kauna-unahang giyera sa pagitan ng mga Palestino at Israeli na suportado ng United Kingdom at iba pang imperyalistang bansa.
Mula noong araw na iyon, sapilitang hinubaran ng karapatang pantao at marahas na kinamkam ang lupang tinitirhan ng higit 750,000 na mga Palestino. Itinuring ng mga Zionista ang mamamayang Palestino na mas mababa pa sa mga hayop.
Umabot hanggang Enero 1949 ang giyera kung saan sinira ng mga Zionista ang mahigit 530 na nayon sa Palestine. Dagdag dito, 15,000 ang pinaslang ng puwersang Israeli.
Naging pagmamay-ari na ng Israel ang 78% ng teritoryo ng Palestine habang matindi ang militarisasyon at border control sa okupadong Gaza Strip at West Bank. Naging malawak na bilangguan ng mga Palestino ang lupang naging tahanan ng kanilang lahi sa loob ng ilang siglo.
Sa kasalukuyan, naninirahan ang mga settler na Israeli sa mga teritoryong ninakaw ng kanilang hukbo mula sa mga Palestino. Ilegal ito ayon sa internasyonal na batas.
Sa kabilang banda, opisyal na pinasinayaan ni Yasser Arafat, isang Palestinong lider, ang pag-alala sa Araw ng Nakba noong 1998. Gayunpaman, buong pusong dala pa rin nito ang matapang at walang tigil na paglaban para sa kanilang kalayaan at karapatan simula pa noong 1948.
Tuon sa Rafah
“Si Bisan ito mula Gaza at ito ang ikalawang Nakba,” ani ni Bisan Owda, isang Palestinong peryodista.
Mula sa ulat ng Al Jazeera, umabot na ng humigit 35,233 ang bilang ng mga Palestinong pinatay ng mga Israeli simula Okt. 7, 2023 hanggang Mayo 15, 2024. Ayon sa United Nations (UN), mga kababaihan at bata ang halos 56% ng natalang pinatay.
Ibinahagi ng Gaza Ministry of Health na 24,840 ang kanilang naberipikang bilang ng mga nasawing kababaihan at bata sa Gaza noong Mayo 13.
Inulat ng isang doktor na pumunta sa Gaza sa isang interbyu sa Middle East Eye na walang kahit na anong prenatal care na natatanggap ang mga buntis sa Gaza at napipilitang manganak na lang sa lansangan.
Ayon sa doktor, anemic ang 50% ng mga buntis sa Gaza. Malaki ang tiyansa na mapamahamak ang ina at anak sa ganitong sitwasyon lalo na kung idadagdag pa ang sikolohikal na epekto ng giyera.
Sa gitna ng pagpatay at sapilitang pagpapaalis, idiniklera ng Israel na “safe zone” ang Rafah, ang pinakatimog ng Gaza Strip, mula sa atake kaya’t dito nagtungo ang nasa 1.4 milyong Palestinong refugee. Subalit nag-anunsiyo ng giyera ang Israel sa mga kampo ng refugee sa Rafah noong Pebrero 2024.
Ayon sa UN Relief and Works Agency for Palestine Refugees in the Near East (UNRWA), lumikas na sa Rafah ang higit 600,000 na mga Palestinong refugee patungo sa ibang lugar sa Gaza kahit hindi ligtas simula pa noong Mayo 6. Dahil ito sa patuloy at mas humigpit na militarisasyon ng mga Israel Defense Forces (IDF) sa timog at hilagang parte ng okupadong Gaza Strip. Isang-kapat ito ng kabuuang populasyon ng Gaza.
Sa mismong ika-76 na taon ng Nakba, may naitalang apat na patay at maraming lubhang nasugatan pagkatapos atakihin ng Israel ang isang lugar sa Gaza kung saan madalas kumonekta sa internet ang mga Palestino ayon sa ulat ng Al Jazeera.
Ibinahagi naman ni Almuddin Sadeq, isang Palestinong peryodista sa kanyang Instagram ang pag-atake ng hukbo ng mga Zionista sa isang lugar sa Rafah.
Ayon sa Committee to Protect Journalists (CPJ), umabot na sa 100 na Palestinong peryodista ang nawalan ng buhay simula noong Okt. 7. Tapat at buong tapang nilang ginawa ang kanilang tungkulin na iparating ang tunay na kalagayan ng mga Palestino.
Patunay din ng datos ang hindi pagkilala ng Zionistang Israel sa internasyonal na batas na dapat pumuprotekta sa mga mamamahayag.
Tuta ng imperyalismo
Ayon sa ILPS, kapahamakan at kasakiman ang hatid ng alyansang United States (US) at Zionistang Israel sa mga Palestino at maging sa ibang lahi. Dagdag nila, ang mismong mga baril at bombang pumapatay sa mga Palestino ang siyang tumatapos din sa buhay ng mga mamamayan sa India at Pilipinas.
Sa ulat ng Stockholm International Peace Research Institute (Sipri), ikalawa ang Pilipinas sa pinakamalaking bumibili ng armas mula sa Israel simula noong 2019 hanggang 2023. Sinundan ng Pilipinas ang India na nangungunang importer ng armas mula Israel.
“Hindi lamang tuta ng US sina Marcos at Modi kundi sumusuporta rin sila sa henodisyo sa pamamagitan ng patuloy na pagbili ng armas sa Zionistang estado,” giit ni ILPS secretary general Liza Maza.
Nangangailang itigil ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagtilik sa imperylismong US at Israel upang hindi tumulong sa pagdagdag pondo ng henodisyo at ethnic cleansing na nangyayari sa Palestine.
Ani League of Filipino Students-National Capital Region (LFS-NCR) spokesperson Ysa Briones, mahalaga ang pakikiisa ng mga Pilipino sa Palestine dahil hindi nalalayo ang pinagdadaan ng mga Palestino at Pilipino mula sa mararahas na kamay ng imperyalismong US.
Kinondena niya ang marahas na dispersal ng PNP sa mga kabataang aktibista sa BGC. Patunay aniya nito na sunud-sunuran ang pulisya sa kalooban ng imperyalismong US at Zionistang Israel para pagtakpan ang kanilang mga krimen laban sa mga Palestino.
“Pero ang sinalubong sa atin ng [pulisya], ‘di pa man tayo nakaapak sa Embahada ng Israel, ay [pandarahas]. Pinagpapalo at pinagtutulak [ang mga kabataang aktibista]. Marami sa kabataan ang sugatang umuwi,” sabi ni Briones.
Nakiisa rin at nagprotesta ang mga kabataang aktibista mula sa PUP (Polytechnic University of the Philippines) for Palestine (P4P) at iba pang organisasyon noong Mayo 14, isang araw bago ang ika-76 na taon ng Nakba, sa kampus ng PUP sa Sta. Mesa, Maynila.
Ayon sa mga grupong sumusuporta sa mamamayang Palestino, hindi magiging makatarungan ang ginagawang “kolektibong pagpaparusa” na dinadahilan ng Zionistang Israel bilang “self-defense” laban sa mga Palestino.
Hindi umano puwedeng sabihin ng Israel na pagtatanggol sa sarili ang pag-apak sa karapatang pantao at ethnic cleansing sa mga Palestinong matagal nang namumuhay sa lupaing inaagaw nila.
Marapat din umano na makiisa ang lahat upang manawagan na itigil ang henodisyo dahil walang kapayapaan hanggang walang katarungang nakakamit ang mga Palestino.
“Walang kapayaan hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya ang mga Palestino. Kailangang makiisa ang mamamayan ng buong mundo, pati ang mga Pilipino, dahil ang kawalan ng katarungan sa Gaza, sa Palestine ay kawalan ng katarungan sa mundo,” ani ni Pastor Alan Sarte, secretary general ng Philippine-Palestine Friendship Association.
“Palestine exists and Palestinians still exist. We are resisting,” giit ni Sheikha, isang kabataang Pilipino-Palestino na dumalo at nagsalita sa protesta sa Quezon City. /May ulat mula kina Juliane Bernardine Damas at Kristen Nicole Ranario