close
Balik-Tanaw

Pagpupugay sa bandila ng Pilipinas


Mayo 28, 1898 unang iwinagayway ito matapos ang isang matagumpay na labanan sa pagitan ng mga Katipunero at Kastila sa Imus, Cavite.

Marahil karamihan sa atin na ang pagkakaalam na Hunyo 12, 1898 ang unang araw na iwinagayway ang bandila ng Pilipinas sa Kawit, Cavite. Pero ayon sa mga historyador, Mayo 28, 1898 unang iwinagayway ito matapos ang isang matagumpay na Labanan sa Alapan sa pagitan ng mga Katipunero at Kastila sa Imus, Cavite. Pormal itong isinapubliko noong Hunyo 12, 1898.

Sa bisa ng Presidential Proclamation 74 noong Marso 6, 1965, idineklarang Pambansang Araw ng Watawat ang Mayo 28. Pinahaba ang pagdiriwang o pagpupugay sa pambansang watawat noong May 23, 1994 sa bisa naman ng Executive Order No. 7. Hinihikayat nito na mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12 kada taon, sa lahat ng pampublikong lugar, pasilidad, gusali ng pamahalaan at maging sa mga pribadong lugar, gusali at tahanan na magsabit ng pambansang watawat bilang pagpupugay.

Masalimuot ang pinagdaanang ebolusyon ng ating pambansang watawat. Kaakibat nito ang pakikibaka ng ating mga mga ninuno tulad nina Andres Bonifacio, Antonio Luna, Macario Sakay at iba pang mga miyembro’t personahe ng Katipunan at Rebolusyong Pilipino.

May iba’t ibang disenyo at kulay ang mga watawat sa panahon ng pakikidigma ng mga Katipunero laban sa mga Kastila. Ayon na rin sa mga historyador, karamihan sa mga bandilang ito ang sumisimbolo sa bawat grupo ng mga Katipunero na wagayway nila habang sila’y nakikidigma.

Personal na watawat naman ang tangan ng iba. Tulad halimbawa ni Hen. Mariano Llanera na tubong Nueva Ecija at naglunsad ng pakikidigma sa kalapit na lalawigan ng Bulacan, Tarlac at Pampanga. Isang itim na tela na may kulay puting letrang K sa kaliwa at bungo’t dalawang espada sa kanan. Tatlong kulay naman na itim, pula at bughaw ang kay Hen. Gregorio del Pilar.

Tinahi ang kasalukuyang disenyo ng pambansang watawat noong 1898 ni Marcela Agoncillo katuwang ang anak na si Lorenza at Delfina Herbosa de Natividad habang nakadistiyero sila sa Hong Kong kasama ang pamahalaan ni Hen. Emilio Aguinaldo.