close

Pakikipagsapalaran sa lawa ng Laguna

Bagaman itinuturing na pinakamalaking lawa sa Pilipinas, lumiliit na ang huli rito ng mga mangingisda sa bawat araw na lumilipas. Pinalala pa ito lalo ng bagong resolusyon na ipinatupad ng Laguna Lake Development Authority nitong Mar. 25.

Samyo ng tubig-tabang ang malalasap sa mga lugar na nakapalibot sa Laguna de Bay. Ngunit para sa mga mangingisdang umaasa rito sa kanilang araw-araw na pantustos, patabang na rin nang patabang ang kita nila sa pangingisda.

Bagaman itinuturing na pinakamalaking lawa sa Pilipinas, lumiliit na ang huli rito ng mga mangingisda sa bawat araw na lumilipas. Pinalala pa ito lalo ng bagong resolusyon na ipinatupad ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) nitong Mar. 25.

Ibinahagi ng LLDA ang resulta ng kanilang unang pagpupulong noong Enero ukol sa Board Resolution (BR) No. 2024-656. Ayon dito, 53:47 na ang hatian ng mga mangingisda at pribadong korporasyon mula sa dating 60:40 na ipinatupad sa BR 540 noong 2018.

Pinanatili naman hanggang sa ngayon ang nakapaloob sa lumang resolusyon na 9,200 ektarya na lawak ng lawa ang maaaring pangisdaan. Nakapaloob sa Seksyon 5 at 6 nito na maaaring baguhin ang lawak ng alokasyon para sa pangisdaan kung ito naman ay nararapat at kinakailangan. Importante rin batay rito na mabigyan ng abiso ang mga maaaring maapektuhan ng mga nasabing pagbabago.

Alinsunod din sa nasabing resolusyon, pinapayagan ang mga indibidwal o mangingisda sa kanilang nasasakupan na magkaroon ng 200 metro kuwadrado hanggang isang ektarya na mga fish cage, habang isa hanggang limang ektarya naman para sa mga fishpen. Para naman sa mga pribadong korporasyon, pinapayagan ang 10 ektarya o 20 ektaryang sukat ng mga fishpen.

“Ang aksiyong ito ng LLDA, isang ahensiya na nakakabit sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ay paniguradong makakadagdag sa produksiyon ng isda sa [Laguna de Bay] at sana ay makapagpanatili ng presyo ng bangus at karpa, kung hindi man siya bababa kahit paano,” ani Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr. na nagmamay-ari rin ng kompanyang Frabelle na kilala sa industriya ng pangisdaan.

Nagpahayag naman ng pagtutol ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas) sa resolusyong ito. Giit nila, mas mabuting suportahan ang mga maliliit na mangingisda kung ang pangunahing layunin naman ay ang produksiyon ng isda. 

“Bukod sa may epekto sa ecosystem ng lawa dahil sa hindi sustainable na paraan ng pagpapalaki ng mga isda, sapul na naman ang maliliit na mga mangingisda dahil apektado ang kanilang karapatan sa mga pangisdaan,” dagdag ng grupo.

“Wala ng henerasyon na susunod sa amin, kasi wala na.”

Ganito na lang ang tinuran ni Cornelio Replan Jr., 51 taong gulang na pangulo ng Samahan ng mga Mangingisda sa Barangay San Antonio (SMBSA) at vice chairperson ng Bay Federation of Fisherfolks (BFF-Bay) sa Bay (Ba-i), Laguna.

Nitong Disyembre ng nakaraang taon, napag-usapan umano sa pulong na kanyang dinaluhan sa pamumuno ni LLDA Acting General Manager Senando Santiago ang pagpapalaki sa mga fish pond bilang tugon sa supply ng isda sa mga bayan na nakapalibot sa lawa.

Nang tanungin si Tatay Cornelio ukol sa kanyang pananaw hinggil dito, aniya, wala na silang nagagawa sapagkat kadalasan ay ibinababa na lang sa kanila ang mga pagbabago kapag naipatupad na.

“Batay sa inisyal na konsultasyon sa mga komunidad, walang naganap na konsultasyon sa hanay ng mga maliliit na mangingisda o sa mga kooperatiba na nagpapatakbo ng fish pen,” ani Pamalakaya Pilipinas national chairperson Fernando Hicap.

Isa sa mga mangingisda ng Laguna de Bay si Cornelio Replan Jr., 51, na maaapektuhan ang kabuhayan ng bagong resolusyon sa hatian ng paggamit sa lawa. Juliane Bernardine Damas/Pinoy Weekly

Dagdag naman ni Tatay Cornelio, nagpahayag siya ng pagtutol sa pagpupulong na isinagawa kung saan dinaluhan ng kapwa niya mga lider-mangingisda sa buong Laguna. Sa 18 na pinuno, ipinahayag ni Tatay Cornelio ang pagkadismaya sapagkat siya lang ang tanging kumontra sa nais mangyari ng LLDA. 

“Kaya noon, tumanggi ako. Kung maaari naman, dapat naman equal. Hindi ‘yong gan’ong wala na ngang mahuli sa lawa, ibibigay pa nila sa mga negosyante, talagang mga mayayaman. Paano naman kami?” wika niya.

Labis din ang kaniyang pagkabahala sapagkat maaaring tabunan ang lawa kung mauumpisahan na ang proyekto na pinaplano para sa komersalisasyon nito.

Hinaing ni Tatay Cornelio, sa kabila ng hatian na ipinapatupad ng LLDA, karamihan pa rin ng kanilang porsiyento sa lawak ng lawa ay ibinabahagi pa rin sa mga negosyante. 

“‘Yong [53%] bagang iyon, saan nakatayo? Sinabi ba nila o, kagaya no’ng 53 rito, halimbawa 53 dito, ‘yong itatayo nilang solar ilang ektarya, 10 ektarya. Nasa’n ang aming 50? Buong lawa ‘yon. Baka nga may gantungan lang. Hindi pangisdaan. Tatabunan pa iyan.”

Ayon din sa kanya, mga pagmamay-ari ng mga negosyante ang komersalisyadong parte ng lawa na nakakapagtayo ng mga fish pen. Batay sa kanyang karanasan na pagtatayo nito sa parte ng Alabang, karaniwang may 30 metro na breaker ang mga ito at sa labas noon 30 metro pa hindi maaaring lumapit ang mga mangingisda para manghuli.

Bukod dito, binibigyan ng puhunan ng mga may-ari ng fish pen ang mga mangingisda upang gumawa ng baklad. Kapalit nito, pinapayagan sila makapanguha ng malalaking isda ngunit ang semilya (maliliit na batang isda) ay ibibigay sa mga may-ari pabalik sa lawa. Kaya naman, marami sa mga ito ayon kay Tatay Cornelio ang nahuli ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na hindi rehistrado.

Bukod sa paglalayong maparami ang dami ng isda sa lawa, tila salungat naman ang mga plano ng LLDA.

Nakatakdang magtayo ng humigit-kumulang 2,000 ektarya na mga planta ng Floating Photovoltaic (FPV) sa Laguna de Bay. Bagama’t wala pang tiyak na taon kung kailan sisimulan, mayroon ng mga kompanyang magsasagawa nito. Kabilang rito ang ACEN Corp. ng Ayala, Blueleaf Energy Asia Pte. Ltd., Sun Asia Energy, Inc. at Vena Energy Corp. 

Matamlay na ibinahagi ni Tatay Cornelio na halos buong lawa ang sasakupin ng proyektong ito. Dagdag pa niya, apektado sila ng konstruksiyon at nangangailangan pa ito ng endorso mula sa kanila upang maisakatuparan ang plano.

Giit niya, ibibigay lamang nila ito kung tutuparin din ang kanilang kagustuhan na magkaroon pa rin ng tiyak na hanapbuhay sa pagsisimula ng nasabing proyekto. 

Ngunit noong Mar. 5, nagkaroon ng pagpupulong ang Economic Development Group (EDG) at DENR ukol sa pagbabago ng Administrative Order (AO) 2023-08.

Alinsunod dito, kinakailangan na kumuha ng LLDA ng Environmental Compliance Certificate (ECC) sa kahit anong proyektong gagawin sa loob ng lawa. Ngunit sa itinakdang pagbabago, maaari ng dumiretso ang mga kompanyang magsasagawa ng proyekto sa pagsusumite ng ECC sa DENR kahit hindi dumadaan sa LLDA.

Dahil sa pangamba na tuluyang maging komersalisyado na ang lawa, sinusubukan ng mga mangingisda at komunidad na makipag-ugnayan sa mga namumuno ng proyekto upang mabigyan ng kasiguraduhan ang kanilang kabuhayan.

Ani Tatay Cornelio, nakikipag-usap ang kanilang contractor na hangga’t maaari, mangingisda ang maging mga trabahador sa proyekto sapagkat sila at ang kanilang trabaho ang direktang apektado dito.

“Kung halimbawa 25 years, e ‘di 25 years nand’yan si mangingisda tumatrabaho sa inyo. May income kahit papaano. ‘Yon ang aming napagkasunduan,” wika niya.

Bukod dito, pinaplano rin ang pagtatayo ng flood control wall na proyekto naman ng pamahalaang panlalawigan ng Laguna sa pangunguna ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Mababakas ang lungkot sa mukha ng mga residente roon dahil kasalukuyang nagsasagawa ng paghuhukay sa lawa upang kumuha ng lupang panambak sa pagtatayuan ng nasabing pader. 

“E ang mabigat ‘yong pagbaha baga ng lawa ‘yong halimbawa, nando’n na tayo naharangan nila ‘yong paglaki ng lawa, paano naman ‘pag nag-ulanan? Paano naman ‘tong mga bahayan?”

Bukod sa mga nakalatag na proyekto, ang usapin sa basura, panahon at polusyon sa lawa ang mga pangunahing problema na siyang sumasakal sa mga mangingisda.

Ayon kay Tatay Cornelio, bilang catch basin ang lawa, 21 na ilog ang nag-aagos ng kanilang mga basura rito, at nakasara ang tanging labasan nito na Ilog Pasig. 

Bukod pa riyan, naging malaking isyu rin ang Cardona Treatment Plant, isa sa mga supply augmentation facility ng Manila Water na kumukuha ng tubig mula sa Laguna de Bay at nagsusuplay ng tubig sa mga buwan ng tag-init.

Mga bangkang hindi na nagagamit at nakaparada na lang sa gantungan na matatagpuan sa baybayin ng Brgy. San Antonio, Bay, Laguna. Juliane Bernardine Damas/Pinoy Weekly

Naging isyu umano ito dahil ibinabalik sa lawa ang ang pinag-filteran ng mga kinukuhang tubig.

Dahil sa mga ito, kasama na ang pabago bagong panahon, namamatay ang mga isdang sana’y nabubuhay sa lawa, at nanganganib maglaho ang trabahong inaasahan ng mga mangingisda. 

Hinaing din nila ang kawalan ng pumapasok sa tubig-alat na nagpapaganda sa kanilang paghuhuli. Hindi na rin kasi sapat ang sinasagawa lake seeding dahil sa maliit na tiyansa na mabuhay ang mga isda dahil doon.

“‘Pag makapal si isda, the same lang siya sa kakaunti. Sa kakaunti, mahal ang isda, ‘pag naman kumapal, mura ang isda. Halos ganun din ang pinapatakan niya. Wala ring pag-asenso,” aniya.

Pumasok na sa pagko-construction at pamamasada ang ibang mga mangingisda sa lugar dahil sa paliit nang paliit na pangisdaan at kahirapan sa panghuhuli.

Kagaya ni Tatay Cornelio, hiling lang ng mga mangingisda ng San Antonio na mapangalagaan ang lawa. Ngunit sa presensiya ng mga naglalakihang mga proyektong nakaabang, unti-unti na silang nawawalan ng pag-asang magpaabot ng kanilang mga hinaing.

“Parang bata ang tingin nila sa mga mangingisda. Kapag ngumawngaw susubuan lang, susupakan lang, titigil na,” dagdag pa niya. 

Sa ngayon, dahil isa sila sa mga pangunahing apektado ng mga isinasagawang proyekto,  isa sa kanilang hakbangin ang makipag-ugnayan ukol sa posibilidad na mabigyan sila ng trabaho. 

“Kasi hindi lang naman ‘yong hininihingi namin yung laging pera. Hindi ‘yon ang aming gusto. Ang aming hinihingi, trabaho,” aniya. 

Kasama rin sa kanilang panawagan ang quarterly lake seeding upang tuloy tuloy ang produksiyon ng mga isda sa lawa at mga programang pangkalusugan para sa mga mangingisda.

Para sa mga mangingisda ng San Antonio, kahit napakarami nilang nais gawin, kung nandoon na ang mga proyekto na humahadlang sa kanila na maghanap buhay, walang katiyakan ang kanilang kabuhayan sa pangingisda.

“Sabi nga namin, maedad na rin naman kami, hindi namin aabutin. Ipinangangaral namin sa aming mga anak, mag-aral kayo. Huwag kayo umasa d’yan,” ani Tatay Cornelio.  

Aniya, iilan na lang ang mga mangingisdang nagpapatuloy na pumalaot sa lugar. Nagbenta na ng kanilang mga bangka ang iba at wala ng mga kabataan ang sumasama sa pangingisda. 

“Kaya nga ang tanong no’ng ibang mangingisda, kanino ba ‘yong lawang yan, sa mangingisda o sa mga negosyante?” sabi ni Tatay Cornelio.