close

Taas-singil sa kuryente kahit may krisis, inalmahan


Inanunsiyo ng Manila Electric Company (Meralco) ang P0.46 kada kilowatt hour (KwH) na taas-singil sa kuryente ngayong buwan ng Mayo kahit sunod-sunod ang rotational brownout sa mga lugar na sinesrbisyohan nito.

Inanunsiyo ng Manila Electric Company (Meralco) ang P0.46 kada kilowatt hour (KwH) na taas-singil sa kuryente ngayong buwan ng Mayo kahit sunod-sunod ang rotational brownout sa mga lugar na sinesrbisyohan nito.

Tumaas daw kasi ang presyo ng binibili nitong kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market dahil kulang ang suplay na itinakda sa power supply agreements (PSAs).

Inalmahan ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK) ang katuwiran sa taas-singil. Palusot lang daw ito ng Meralco upang “masamantala ang tumataas na konsumo ng taumbayan sa gitna ng matinding init ng panahon at upang higit na mapalaki ang tubo nito.”

Nagbanta rin ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na posibleng tumaas pa ng hanggang P0.10 kada KwH ang singil sa Hunyo dahil sa pagpayag ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa partial lifting ng suspensiyon sa paniningil ng mga planta ng kuryente noong Pebrero.

Sabi ni Jacquiline Ruiz, tagapagsalita ng KMK, hindi makatuwiran ang panibagong dagdag-singil sa kuryente. Dagdag pasakit aniya ito sa manggagawang Pilipino dahil hirap na ngang pagkasyahin ang kakarampot na sahod sa gitna ng nagtataasang presyo ng bilihin, sasabayan pa ng dagdag-singil ng Meralco.

Nitong Abril, tumaas nang mahigit P7 kada KwH ang singil sa kuryente sa Luzon at mahigit P9 kada KwH naman sa Visayas.

“Kung nagmamalasakit lang sana ang Meralco sa mga konsyumer, kayang-kaya naman nitong kargahin ang bahagyang pagtaas sa gastusin at generation charge dahil napakalaki na ng kinita nito,” ani Ruiz.

Inanunsiyo naman ng NGCP nitong Mayo 28 na muling sasailalim sa red at yellow alerts ang Luzon grid dahil sa forced outages sa ilang planta at sa patuloy na pag-andar nito sa kabila ng kakulangan sa suplay ng kuryente. 

Inilagay din sa yellow alert ang Visayas grid dahil “hindi kaya ng Luzon na mag-export sa Visayas ng inaasahang demand.”

Ayon kay Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco, nakikipag-ugnayan na sila sa mga konsyumer na naka-enrol sa Interruptible Load Program (ILP) para sa pagbabawas-gamit ng kuryente.

Sabi ng NGCP, bunga ng “power generation failures” ang madalas na pagkawala ng kuryente at ang mga yellow at red alert warnings sa bansa mula noong 2016 hanggang 2023. 

Sa datos ng NGCP, nakitang 90% ng mga power plant sa bansa ang hindi inaasahang nag-shutdown, habang ang iba naman ay mga planned shutdown para sa maintenance procedures ng mga planta.

Samantala, itinuro din ng Department of Energy (DOE) ang equipment breakdown at mga isyu sa transmisyon at distribusyon ng enerhiya sa madalas na pag-shutdown ng mga planta.

Pero ayon sa Agham-Advocates of Science and Technology for the People (Agham), nakakonekta ang problema sa kuryente sa maling pamamahala ng mga pinanggagalingan ng kuryente ng bansa. 

“Mataas ang solar at wind energy potential sa bansa, at ang geothermal capacity dahil nasa Pacific Ring of Fire tayo pero kulang ang kuryente kasi hindi properly nagamit or na-explore yung current na energy mix na meron sa Pilipinas,” ani Vincent Munar ng Agham at isang nuclear engineer. 

Nitong Mayo 23, nasa 500,000 konsyumer sa ilang bahagi ng Metro Manila at kalapit na lalawigan ang naapektuhan ng power interruption na tumagal ng isang oras. Nasa 100,000 konsyumer naman ang naapektuhan ng rotational brownout nitong Mayo 27. 

Naabala naman ang higit 100,000 konsyumer ng rotational brownout sa Bulacan nitong Mayo 28. Ilan sa mga maaari pang maapektuhan ng rotational brownout ang ilang parte ng Metro Manila, Laguna at Rizal.

Pinoproblema naman ng NGCP ang pagpapalipat ng Batangas Regional Trial Court sa puwesto ng dalawang tore ng Tuy-Dasmariñas Transmission Line, na posibleng magresulta sa dalawang taon na pagkakaantala ng proyekto. Apektado rin nito ang paghatid ng 5,000 megawatts ng kuryente sa mga bagong tayong planta. 

Sa public hearing sa Senado noong Mayo 14, kinuwestiyon ni Senate Committee on Energy Chairman Sen. Raffy Tulfo ang DOE at ERC sa serye ng pagpalya ng mga power plant sa bansa. 

Inamin ng ERC na hindi ito nagsasagawa ng regular na pag-monitor sa mga power plant sa kabila ng madalas na pagkawala ng kuryente at umaasa lamang sa mga ipinapasang report ng mga planta kada dalawa’t kalahating taon. 

Sabi naman ni Munar, nag-uugat sa pribatisasyon ang problema sa kuryente ng bansa. 

“Dahil sa current framework ng energy policy natin, nakabigay lahat sa private industries ‘yong lahat ng [aspekto] ng energy production [at] transmission. ‘Yong tanging solusyon na naniniwala kami na maibsan ang krisis sa electricity sa bansa ay ang pagpapawalang-bisa ng Epira (Electric Power Industry Reform Act),” aniya. 

Nanawagan ang KMK at Agham na ibasura ang Epira na nagbigay kapangyarihan sa mga pribadong negosyo, tulad ng Meralco at NGCP, na imonopolyo ang sektor ng enerhiya at manipulahin ang presyo ng kuryente.

“Nararapat na nasa kamay ng mamamayan ang mga utilidad tulad ng kuryente at tubig. Huwag nating hayaan na pinagkakaitan ng mga malalaking negosyo ang mga serbisyong pampubliko,” ani Ruiz.

Dagdag naman ni Munar, dapat tiyakin ng mamamayan na nagsisilbi para sa kanilang kapakanan ang industriya ng enerhiya sa bansa at hindi pinagkakaperahan lang ng pribadong negosyo.