close
Balik-Tanaw

Visiting Forces Agreement


Isa lang ang Visiting Forces Agreement sa maraming ‘di pantay na tratado o kasunduang militar ng US at gobyerno ng Pilipinas.

Sa kabila ng malawakang protesta 25 taon na ang nakalilipas, niratipikahan sa Senado noong Mayo 27, 1999 ang Visiting Forces Agreement o VFA. Isa itong kasunduan sa pagitan ng United States (US) at Pilipinas para makapasok muli ang mga puwersang militar ng Amerika matapos mapatalsik ang mga base militar nito sa Clark, Pampanga at Subic, Zambales noong 1991 sa pagtatapos ng Military Bases Agreement.

Sa ilalim ng VFA, walang kontrol ang gobyerno ng Pilipinas kung ilang libong sundalong Amerikano ang maaaring maglagi at kung saang lugar sa bansa maaaring mag-istasyon. Nasa kanila din ang hurisdiksiyon ng kanilang puwersa, lalo na ang mga may pagkakasala.

Tulad ng kaso ng sundalong Amerikanong si Daniel Smith na nahatulan sa kasong panggagahasa kay “Nicole” noong 2005 at nasundan ng kaso ni Joseph Scott Pemberton matapos niyang patayin si Jennifer Laude noong 2014. Sa halip na makulong sa bilangguan sa Pilipinas, ikinulong sila sa loob ng embahada ng Amerika, hanggang sa makabalik sila sa kanilang bansa.

Dahil sa malabo at ‘di pantay na kasunduang ito, malayang nakakapasok ang puwersang militar ng US at mangialam sa usaping seguridad ng bansa. Maraming mga kaso na sangkot ang mga puwersang Amerikano sa mga operasyon ng militar, tulad ng kaso ng palpak na Mamasapano operation noong 2015, ang pagwasak sa Marawi City noong 2017, pagsira sa mga coral reef sa Tubbataha ng barkong pandigma at iba pa.

Katwiran ng US, sasanayin at gagawing modernized ang armadong puwersa ng Pilipinas sa ilalim ng VFA.  Isa lang ang VFA sa maraming ‘di pantay na tratado o kasunduang militar ng US at gobyerno ng Pilipinas. Isa pa dito ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na inaprubahan noong 2013.

Walang katiyakan na ang mga kasunduang ito, VFA man o EDCA, ang magtatanggol sa mamamayang Pilipino. Dahil ang tanging nais lamang ng US ang magpalakas ng kanilang presensiya hindi lamang sa Pilipinas kundi sa Asya-Pasipiko, para sa kanilang pang-ekonmiyang pakinabang.