close

4 na pulis Caloocan, hinatulang may sala

Hinatulang may sala sa kasong homicide nitong Hun. 18 ang apat na pulis kaugnay ng pagpaslang sa isang mag-ama sa Caloocan City sa kasagsagan ng giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Hinatulang may sala sa kasong homicide nitong Hun. 18 ang apat na pulis kaugnay ng pagpaslang sa isang mag-ama sa Caloocan City sa kasagsagan ng giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Hinatulan ng Caloocan Regional Trial Court Branch 121 si Police MSgt. Virgilio Cervantes at mga Police Corporal na sina Arnel De Guzman, Johnston Alacre, at Artemio Saguros na guilty sa pagpatay sa mag-amang Luis at Gabriel Bonifacio sa isang buy-bust operation noong Setyembre 2016. 

Nagsampa ng kasong murder at robbery ang pamilya ng mga biktima noong 2017 laban sa 21 pulis, ngunit nakahanap lang ng probable cause ang Ombudsman para kasuhan ang apat sa kanila ng homicide.

Sinentensiyahan ang mga pulis ng hanggang 10 taong pagkakakulong at inutusang sama-samang bayaran ang pamilya ng mga biktima ng kabuuang P400,000 na danyos para sa actual, civil indemnity, moral, at temperate damages.

Si Mary Ann Domingo (kanan, nakasalamin) matapos ibaba ng korte sa Caloocan City ang hatol na guilty sa apat na pulis na pumaslang sa kanyang mag-ama. Juliane Bernardine Damas/Pinoy Weekly

Ayon kay Mary Ann Domingo, asawa at ina ng mga biktima, dito niya naramdaman ang hustisya at patuloy pa rin niyang ipaglalaban ang kanyang mag-ama para makamit ang totoong hustisya.

“Salamat sa mga tumulong sa akin, sa mga panawagan na mabigyan kami ng katarungan. Sana tuloy-tuloy na ito, hindi lang sa akin, para sa aming mga biktima ng extrajudicial killings,” ani Domingo. 

Aniya, mas mainam umano kung kasong murder ang isinampa ng Ombudsman sa korte, kaya umaasa siyang sana ay magkaroon na ng sagot ang Supreme Court. 

Pahayag naman ni Rubilyn Litao ng Rise Up for Life and for Rights, grupo ng mga pamilya ng mga biktima ng giyera kontra droga ni Duterte, malaki ang kanilang pasasalamat na nakita ang katotohanan at nahatulang may sala ang apat na pulis kahit bahagyang tagumpay pa lang ito. 

“Naniniwala pa rin kami na kailangan tuloy-tuloy pa rin ang ating paglaban. At isang [aspekto] rin ‘yong sa International Criminal Court, kasi doon nakatutok sino ba talaga ang promotor at sino ang may pangunahing may pananagutan sa mga pagpaslang na ito na inamin mismo ng pulis,” ani Litao. 

Sa nilabas naman na pahayag ng National Union of Peoples’ Lawyers, dalawa lang sa 6,252 na napatay sa mga operasyon ng pulisya ang mag-amang Bonifacio. Nananatiling hindi maabot ng imbestigasyon o pag-uusig ang gumawa ng blueprint para sa laganap at sistematikong mga pagpatay. 

Ayon sa kanila, isang kaginhawaan para sa pamilya ng mga biktima at isang buntong-hininga para sa mga sumusuporta ang tagumpay ngayon. Nagpapatuloy pa rin ang ang maraming pang pamilya sa paghahanap ng hustisya.