close
Balik-Tanaw

Ang Labanan sa Look ng Maynila at Kunwa-kunwaring Labanan sa Maynila


Mas ninais ng Espanya na sumuko sa mga Amerikano kaysa sa mga Pilipinong itinuring nilang alipin sa mahabang panahon.

Bago makamit ng Pilipinas ang nominal na kalayaan, maraming digmaan ang pinagdaanan ng mga rebolusyonaryong Pilipino. Alalahanin natin na bago pa itinanghal ang labanan sa pagitan ng puwersa ng mga Amerikano at Espanyol na nagkakanulo sa Pilipinas sa tinaguriang Kunwa-kunwaring Labanan sa Maynila noong Agosto 13, 1898.

Noong Mayo 1, 1898, nilusob na ng puwersang Amerikano ang Intramuros, ang tinaguriang Labanan sa Look ng Maynila. Ang dahilan, ang mga Espanyol daw ang nagpasabog sa isang barkong Amerikano sa baybayin ng Havana, Cuba noong Peb. 15, 1898.

Isinisi ng United States (US) ang pangyayari at nangatuwiran na karapatan nilang ipagtanggol ang mga mamumuhanang Amerikano sa Cuba. Sa panahong iyong malaki ang interes ng US sa Cuba, partikular na maraming namumuhunang Amerikano sa produktong asukal samantalang ang Cuba nama’y kolonya ng Espanya.

Dahil sa nangyari sa barkong USS Maine, kahit walang batayan, nagdeklara ng pakikidigma ang US sa Espanya noong Abril 25, 1898. Nag-utos ang Kalihim ng Hukbong Pandagat ng US na hanapin at wasakin ang mga barko ng Espanya.

Kaya naman naglayag patungong Pilipinas mula sa Hong Kong si Commodore George Dewey. Nakita nila ang mga barko ng Espaya na pinamumunuan ni Admiral Patricio Montojo at sinalakay agad ito. Naganap ang labanang ito noong Mayo 1, 1898 at dito natalo ang Espanya.

Sa loob ng ilang buwan sa tulong na din ng rebolusyonaryong puwersa ni Emilio Aguinaldo, malaking pinsala’t pagkatalo na ang natamo ng Espanya.

Tuluyang sumuko ang Espanya sa isang palabas na labanan sa pagitan nila ng US at ng mga rebolusyonaryong Pilipino noong Ago. 13, 1898. Sa pag-aakalang tutuparin ng US ang pangako kay Aguinaldo na ibibigay nila ang Intramuros, na siyang luklukan ng gobyerno noon. Nakipagtulungan sila sa mga puwersang Amerikano at kinubkub ang Intramuros.

Ang hindi alam ng mga Pilipinong rebolusyonaryo, nagkaroon ng isang negosasyon-sa pagitan ni Dewey at Gobernador Heneral Fermin Jaudenes upang wakasan ang Digmaang Espanyol-Amerikano.

Napagkasunduan ng dalawa na magkakaroon ng isang palabas na labanan. Lingid sa kaalaman ng puwersa ni Aguinaldo pumirma na ng kasunduang tigil-putukan sa Washington madaling araw ng Ago. 13.

Ang naganap na pekeng labanan sa Maynila ay isang estratehiya upang maiwasan ang pagbagsak ng lungsod sa kamay ng mga rebolusyonaryong Pilipino. Mas ninais ng Espanya na sumuko sa mga Amerikano kaysa sa mga Pilipinong itinuring nilang alipin sa mahabang panahon.

Ang Digmaang Espanyol-Amerikano ay tinapos ng Kasunduan ng Paris. Nakasaad dito na sa halagang $20 milyon, ibibigay ng Espanya ang Pilipinas at magiging kolonya ng US ang buong kapuluan. Hindi ito alam ng mga Pilipino na naging dahilan ng pagsiklab Digmaang Pilipino-Amerikano.

Matapos ang mahigit 333 na taon na ang bansa sa ilalim ng paghahari ng mga Espanyol, idineklara noong Hun. 12, 1898 ang kalayaan daw ng Pilipinas, pero kontrolado pa rin ng US.

Kaya naman hindi doon natatapos ang pakikipaglaban para sa kalayaan ng bansa, dahil ang magigiting natin na kababayang Pilipino, matapos talunin ang mga puwersang Espanyol, ay sumabak muli sa panibagong laban para sa kalayaan laban sa mga Amerikano noong Peb. 4, 1899, simula ng Digmaang Pilipino-Amerikano.