close

Bungkalan sa Lupang Tartaria, inilunsad

Sa kabila nito, pinangangambahan ng mga residente ng Tartaria ang kalmadong estratehiya at mistulang pag-iwas sa paggamit ng dahas ng goons kontra sa kanila.

Matagumpay na nagsagawa ng bungkalan ang Samahan ng Magsasaka at Mamamayan ng Tartaria (Samata) sa lupang kinakamkam ng mga pamilyang Aguinaldo at Ayala na pinoprotektahan ng Jarton Security Agency sa Silang, Cavite noong Mayo 26.

Sa kabila nito, pinangangambahan ng mga residente ng Tartaria ang kalmadong estratehiya at mistulang pag-iwas sa paggamit ng dahas ng goons kontra sa kanila.

“Kagaya no’ng pagbibigay luwag nila doon sa naging bungkalan namin no’ng nakaraan na dalawang parsela ng lupa na hindi naman [na-surrender] na nagawa nating mapasok. Pero kasunod noon, ‘yong pag-atake naman sa mismong may-ari para mapilitang mag-surrender,” ani Jerrie Luna, pangulo ng Samata.

Kalimitan umano na kinakausap o sinasampahan ng kasong Recovery of Possession and Damages ang mga magsasaka upang i-surrender ang kanilang lupain.

Dahil dito, lumalabas na hindi harassment ang ginagawa ng mga panginoong maylupang Aguinaldo at Ayala. Dagdag niya, limang taon na umanong humaharap sa ganitong klase ng kaso ang ilan sa kapwa niya mga magsasaka.

Sabi ni Luna, kung magiging matagumpay ang ganitong istilo, hudyat ito na tuluyan ng mababakuran maging ang mga hindi nai-surrender na lupa.

“Kasi hindi pa din nagbabago yung plano nila na tuloy-tuloy ang pagbabakod, ihiwalay ang bukid doon sa bahayan,” aniya.

Nitong Abril, sunod-sunod ang pagbabakod at pagbabanta ng mga armadong tauhan sa pangunguna nina Luie Jimenez ng Jarton at Jason Alcaraz ng Aguinaldo-Ayala. Mariin itong tinutulan ng mga magsasakang Tartaria ngunit humantong ito sa pambubugbog at pagnanakaw sa kanilang mga kampuhan.

Ayon sa isang pahayag mula sa Sinag ng Kabataan sa Tartaria, namataan nila ang kahina-hinalang pagpapalipad ng drone sa lupain noong Mayo 1. Kinumpirma ito ni Luna na naganap umano noong kasagsagan ng laban sa pagbabakod ng mga hindi nagsu-surrender ng kanilang lupa.

Dagdag pa, idinadaing din nila ang mga iba’t ibang taong ilegal na pumapasok at nagpapakilala na nagmamay-ari daw ng ilang bahagi ng lupa.

Tulad ng isang Pepito C.Y. na ‘di umano’y pumasok sa hindi isinurender na lupa o lupang hindi pa nabayaran noong Mayo 7. Ikinagulat ito ng mga residente ng Tartaria sapagkat hinuhukay at binabakuran na naman ang parteng iyon ng lupain.

Kalaunan, sinabi ng lalaki na pinapunta sila doon ni Jimenez upang bantayan ang mga nagbabakod. Nagbanta at nanakot pa rin umano ang mga guwardiyang kasama nito sa mga kumukuha ng retrato at bidyo sa kanila.

Noong Mayo 9 naman, kasama rin ng mga guwardiya ng Jarton ang isang hindi kilalang babae na umaangkin sa kanilang sakahan. Sabi ng babae, 1972 pa siya nakatira sa Tartaria at ginawa raw itong relokasyon ng mga pulis pero ayon sa mga magsasaka, wala namang lumipat na mga pulis doon.

“Ang tingin namin doon ay ginagamit lang ito ng Aguinaldo para makita pa rin o kaya makuha nila ‘yong talagang mismong may-ari ng mga lupa, kung sino talaga ;yong magsasaka,” sabi ni Luna.

Noong Mayo 13, nagsampa ng kaso sa Commission on Human Rights (CHR) ang Samata dahil sa paglabag sa karapatang pantao ng mga mamamayan ng Tartaria na dinanas sa kamay ng mga tauhan ng mga Aguinaldo at Ayala.

Nakapaloob sa kasong isinampa nila ang ilegal na pagbabakod sa kanilang mga lupa, pang-aabuso at pandarahas ng Jarton. Tulad ito ng nangyari sa mga kabataan noong Abril 20 kung saan marami ang nasaktan.

“Pero siyempre, alam naman natin na medyo may katagalan at siyempre hindi naman tayo agad makakakuha antimano ng sagot doon sa Commission on Human Rights,” sabi ni Luna.

Bukod dito, ikinalulungkot din nila ang kawalang aksiyon ng kanilang pamahalaang lokal ng Silang sa kanilang kalagayan. Kahit pa ipinangakong magkakaroon ng imbestigasyon, hindi ito umuusad. Ipinanawagan nila na ipagkaloob na sa kanila ang Lupang Tartaria sa ilalim ng tunay na reporma sa lupa.

“‘Yong sinusulong nating Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) na hanggang sa kasalukuyan hindi pinag-uusapan [sa Kongreso]. At siyempre itigil ang pandarahas sa mga magsasaka ng Jarton Security Agency at ng Aguinaldo-Ayala,” ani Luna. #