close

Eddie Garcia Law, batas na

Ganap na batas na ang Eddie Garcia Law o Republic Act 11996 na naglalayong protektahan ang mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon.

Ganap na batas na ang Eddie Garcia Law o Republic Act 11996 na naglalayong protektahan ang mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Mayo 24.

Sa ilalim ng batas, kinakailangan na magkaroon ng kasunduan o kontrata ang mga employer at manggagawa bago magsimula sa isang proyekto. 

Nakapaloob sa kontrata ang mga sumusunod: posisyon at katayuan sa trabaho; paglalarawan ng trabaho; tagal ng panahon ng trabaho; mga detalye ng sahod; mga awtorisadong bawas sa sahod, kung mayroon; oras ng pagtatrabaho; at mekanismo ng pagrereklamo. 

Ayon Seksyon 9 nito, istriktong ipinapatupad ng batas ang walong oras na trabaho at maaaring pahabain pa hanggang sa 14 oras. Hindi rin dapat lalampas sa 60 oras ang pagtatrabaho sa loob ng isang linggo. 

Nauna na itong kwinestiyon ni Leo Martinez, isang beterano sa industriya ng pelikula at entertainment habang ginagampanan ang karakter bilang Cong. Manhik-Manaog. 

Aniya, mas kampi at pabor pa sa mga network at prodyuser ang batas kung saan lampas sa standard ng International Labour Organization (ILO) ang oras ng trabaho na nararapat na 48 oras lamang sa isang linggo.

“Kung 14 hours lang ang para sa lahat nang manggagawa, e paano naman ‘yong nadating bago dumating ang mga artista? Sila rin ang nagpa-pack at huling umaalis. E ‘di 16, 17, 18 [hours] ang trabaho nila. Okay pa ba ‘yon?” sabi ni Martinez. 

Bukod dito, binibigyang-diin ng batas ang pagsunod sa mga pamantayan ng kaligtasan at kalusugan sa trabaho na itinakda ng Occupational Safety and Health Standards (OSHS) Act at Mental Health Act, pati na rin sa Labor Code of the Philippines.

Nanawagan naman si Center for Trade Union and Human Rights deputy director Kamille Deligente ang pagrerebyu ng OSHS Act. Nararapat din umano bigyang konsiderasyon ang panukalang pag-amiyenda nito para sa pagkriminalisa sa mga paglabag sa OSH standards.

“Nawa’y makakita tayo ng mga signipikanteng pagbabago sa [aspekto] ng proteksiyon sa kalusugan at kaligtasan ng mga aktor at iba pang bahagi ng industriyang ito,” sabi ni Deligente.

Maaaring umabot sa P500,000 na multa ang sinumang lumabag sa batas na ito. 

Isinunod ang batas sa pangalan ng beteranong aktor na si Eddie Garcia na namayapa noong June 20, 2019 matapos aksidenteng matalisod sa isang kable habang nasa set ng ginagawang proyekto. Ipinanukala ito ni 1-Pacman Partylist Rep. Mikee Romero isang buwan matapos ito mangyari.

“Nakakalungkot na kinailangan pa ng isang insidente gaya ng aksidente at pagpanaw ni Eddie Garcia para matulak ng mga mambabatas na magsulong ng batas na magbibigay proteksiyon sa mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon,” ani Deligente.