close

Kabalikat sa Pagtuturo Act, pirmado na


Layunin ng bagong batas na bawasan ang pasanin ng mga guro na madalas mag-abono mula sa kanilang sariling bulsa upang tugunan ang mga kinakailangang kagamitan sa pagtuturo.

Pormal nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hun. 3 ang Republic Act 11997 o Kabalikat sa Pagtuturo Act na layong bigyan ng taunang P10,000 teaching allowance ang mga guro sa mga pampublikong paaralan sa simula ng taong panuruan 2025-2026.

Layunin ng bagong batas na bawasan ang pasanin ng mga guro na madalas mag-abono mula sa kanilang sariling bulsa upang tugunan ang mga kinakailangang kagamitan sa pagtuturo.

Itinuturing na tagumpay ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) at mga guro ang pagsasakatuparan ng pagtaas sa kanilang chalk allowance makalipas ang 13 taong nilang paglaban dito mula 2011.

“Marami sa mga [teacher] ay na-experience na talagang ipinapangutang pa ‘yong pangangailangan sa eskuwela. Kahit papaano naibsan ‘yong [out-of-the-pocket expenses] kasi sa matagal na panahon kahit ‘yong pangangailangan namin sa pagtuturo ay hinuhugot pa namin sa maliit naming sahod, ” pahayag ni ACT-National Capital Region Union president Ruby Bernardo.

(Mula sa kaliwa) Sina Alliance of Concerned Teachers chairperson Vladimer Quetua, ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at ACT National Capital Region Union president Ruby Bernardo sa Malacañang upang dumalo sa pormal na pagpirma sa Kabalikat sa Pagtuturo Act. ACT Teachers Partylist/Facebook

Aniya, hindi lang natatapos ang kanilang pakikibaka sa simpleng pagpirma sa nasabing batas. Kanila ring titiyakin na mapopondohan ang teaching allowance sa ihahaing 2025 national budget upang matanggap ito ng mga guro sa takdang oras.

Kaugnay nito, patuloy pa rin ang paglaban ng mga guro kasama ang ibang mga kawani at manggagawa para sa kagyat na umento sa sahod.

Binigyang diin ni Bernardo ang kahalagahan ng mayroong kinatawan sa Kongreso at ang walang sawang pangangampanya ng mga guro sa iba’t ibang porma ng pagkilos bitbit ang kanilang panawagan.

“Napakamakapangyarihan talaga ng collective actions at ito ‘yong aming patuloy na bibitbitin para sa panawagan na dagdag-sahod. Talagang igigiit namin na dapat may babanggitin na salary increase ang pangulo sa darating na [State of the Nation Address sa Hulyo] para sa manggagawang Pilipino,” mensahe ni Bernardo.

Dumalo sina Senate President Francis Escudero, House Speaker Martin Romualdez, ilan pang mambabatas, at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro kasama ang mga guro mula sa ACT sa paglagda ng batas sa Malacañang. Samantala, wala si Pangalawang Pangulo at Education Secretary Sara Duterte sa seremonya.