close

Kaso ng paglabag sa karapatan ng manggagawa, dumarami

Sabi ni Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno, sa taon-taon na International Labor Conference, taon-taon din ang paglala ng kalagayan ng manggagawang Pilipino.

Kasama ang Pilipinas sa shortlist ng mga bansang hindi tumatalima sa mga kasunduan sa International Labor Organization (ILO), kabilang ang Convention 87 o Freedom of Association and Protection of the Right to Organise Convention o karapatan sa pagbubuo ng unyon.

Tinalakay ng Workers Rights Watch sa isang press conference noong Hun. 6 ang mga naitalang insidente ng paglabag sa karapatan sa paggawa kasama na ang usapin ng pagkabilang ng Pilipinas sa shortlist ng International Labour Conference sa Geneva, Switzerland.

Ayon kay Sonny Matula ng Federation of Free Workers, miyembro ng delegasyon ng mga Pilipinas sa Committee on the Application of Standards (CAS) na nangangasiwa sa pagsunod ng iba’t ibang kasapi ng ILO, ang Pilipinas ay napabilang sa 24 na bansa na shortlisted na hindi sumusunod sa mga kumbensyon ng ILO at lumabag sa Convention 87.

“Sa karamihang mga pagkakataon, ‘yong mga manggagawa ang hindi nakapag-exercise ng freedom of association, at ‘yon na po ang tinutukan dito sa CAS,” aniya.

Sabi naman ni Kilusang Mayo Uno (KMU) chairperson Elmer Labog, pinili ng tripartite delegations ang pagkabilang ng Pilipinas sa shortlisted countries dahil sa tuloy-tuloy na paglabag sa mga kasunduan nangangalaga sa mga karapatan ng manggagawa.

Dagdag pa niya, hindi tinupad ng Pilipinas ang mga rekomendasyon ng High-Level Tripartite Mission ng ILO noong Enero 2023 kasama ang pagbubuo ng isang government body para imbesitgahan ang mga paglabag sa karapatan sa paggawa kagaya ng pamamaslang unyonista.

Ayon naman kay Kamille Deligente ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), sa kabila ng makasaysayang pagbisita at pag-iimbestiga ng ILO, nakaaalarma na walang signipikanteng pagbabago sa kalagayan ng manggagawa. 

“Nagpapatuloy ‘yong worst forms ng pag-atake doon sa Freedom of Association ng mga manggagawa, at nananatiling walang hustisya para doon sa iba pang mga biktima. Wala pa ring napapanagot kaya ang mga kaso ay nadi-dismiss o pumapabor doon sa mga perpetrators,” ani Deligente

Aniya, bago mag High Level Tripartite Mission, 68 ang kaso ng extrajudicial killings na naitala sa hanay ng mga manggagawa, labor organizer at labor advocate.

Kabilang dito ang nangyaring pagpatay kay Alex Dolorosa ng BPO Industry Employee Network (BIEN) sa Bacolod City, Negros Occidental; pagmasaker sa mag-anak na Fausto sa Himamaylan City, Negros Occidental; at brutal na pagbaril ng pulisya sa beteranong organisador ng KMU na si Jude Thaddeus Fernandez sa Binangonan, Rizal.

Ayon kay KMU secretary general Jerome Adonis, sa taon-taon na International Labor Conference, taon-taon din ang paglala ng kalagayan ng manggagawang Pilipino.

Aniya, dapat binabantayan kung paano tinatrato ng nagdaang gobyerno, hanggang sa kasalukuyang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr., ang pangunahing karapatan ng mga manggagawa dahil masasalamin ito sa usapin ng sahod, trabaho at pag-uunyon. 

Dagdag pa niya, sa mga ganitong banta sa buhay at paglabag sa freedom of association, mahalaga na tuloy-tuloy gampanan ang pag-oorganisa at pagpapalakas ng mga unyon. 

“Huwag po tayong pumayag na ginaganito lang tayo nang paulit-ulit. ‘Wag po tayong pumayag na unti-unting bawiin ‘yong historikal na pinaglaban ng mga unang henerasyon ng mga manggagawang Pilipino sa buong mundo,” ani Adonis

Wika pa niya, laban din ng buong mamamayan at mga manggagawa sa buong daigdig ang laban ng mga manggagawang Pilipino sa pagrespeto ng mga pangunahing karapatan sa paggawa.