close

Katutubong magsasaka sa Negros, ginipit ng mga sundalo


Dinalaw at hinaras ng mga sundalo ang magsasakang Ituman-Bukidnon na si Evelyn Manait sa bahay nito sa Brgy. Amontay, Binalbagan sa lalawigan ng Negros Occidental noong Hun. 13.

Dinalaw at hinaras ng mga sundalo ang magsasakang Ituman-Bukidnon na si Evelyn Manait sa bahay nito sa Brgy. Amontay, Binalbagan sa lalawigan ng Negros Occidental noong Hun. 13.

Inusisa siya ng walong lalaki pati ang kanyang asawa at bayaw. Inakusahan sila ng nasabing mga lalaki na miyembro ng New People’s Army. Nakasuot ng sibilyan ang mga ito at may dalang mga sako na may lamang mga baril.

Sinagot ni Manait ang mga lalaki na pumunta ang kanyang asawa sa ibang bayan para magbenta ng mangga at hindi niya alam kung nasaan ang kanyang bayaw. Nalaman niya kalaunan na mga miyembro ng 62nd Infantry Battalion ng Philippine Army ang mga lalaki.

Iniulat ng Human Rights Alliance of Negros (HRAN) na nangangamba ngayon si Manait para sa kanyang kaligtasan at seguridad matapos ng insidente.

Hindi lang ito ang kaso ng panggigipit sa sektor ng magsasaka na naitala ngayong linggo.

Sa International People’s Tribunal kamakailan, hinatulang labag sa internasyonal na makataong batas ang mga ganitong operasyong militar na nananakot sa mga sibilyan.

Kinondena ng human rights watchdog na Karapatan ang serye ng mga pagsalakay at insidente ng panggigipit laban sa mga lider at ordinaryong magbubukid. Nagbabala ang grupo na maaaring pasimula ito ng isang malaking “crackdown” sa mga aktibista, magsasaka at tagapagtaguyod ng kanilang karapatan.

“Bilang parusa ng administrasyong Marcos [Jr.] sa pamamagitan ng programang kontra-insurhensya nito, ginagawa nang walang parusa ng mga pwersang panseguridad ng Estado ang mga anyo ng panliligalig at pananakot na ito,” sabi ni Karapatan secretary general Cristina Palabay sa wikang Ingles.

“Nananawagan ang Karapatan sa mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao at sa publiko na mahigpit na tuligsain ang mga paglabag sa karapatang ito na pasimula ng mas malala pang anyo ng paglabag habang nagpapatuloy ang mga operasyong militar sa mga kanayunan,” dagdag nito.