close

Komersiyalisadong espasyo sa unibersidad ng bayan

Nagbabadya ang pagkawala ng kabuhayan ng maliliit na manininda sa loob ng campus ng University of the Philippines Diliman dahil sa napipintong pagbubukas ng DiliMall.

Sa nalalapit na pagbubukas ng DiliMall sa University of the Philippines (UP) Diliman, mapipilitang lumipat at magbayad ng mas mahal na renta ang mga manininda. Ang resulta, mas mataas na presyo ng produkto, ngunit mas maliit na kita. 

Ayon sa ulat ng Philippine Collegian, tinatayang aabot ng P350 per square meter ang magiging renta sa bawat stall, bukod pa ang 5% na bayad sa utility consumption, advance payment at security deposit.

Mariin itong tinutulan ng Samahan ng Manininda sa UP Campus Inc. (SMUPC) dahil hindi anila kakayanin magbayad lalo na’t mura lang ang mga paninda nila. Bukod dito, apektado rin ang mga estudyante lalo na’t tiyak na tataas ang mga presyo ng kanilang paninda kung magbabayad ng mahal na renta. 

Bukod sa mga manininda, apektado rin sa nakaaambang pagsasara ng area 2 ang mga estudyanteng naging takbuhan ito para sa abot-kayang kainan. Hannah Kristine Juan/Pinoy Weekly

Ikinagagalit rin ng mga manininda ang inilabas na floor plan ng UP Diliman University Student Council (USC) kung saan makikitang sakop ng mga kilalang komersiyal na establisimyento ang una at pangalawang palapag ng DiliMall katulad ng Pancake House, Mary Grace Café, Army Navy, Tokyo Tokyo at Robinsons Easymart. Habang nasa ikatlong palapag naman ang espasyo ng mga maninindang gustong umupa dito. 

Malaki ang naging epekto ng pagbubukas ng establisimyento sa mga manininda lalo na’t nangangamba sila na tuluyan ng isasara ng UP administration ang Area 2 kung saan higit na mas mababa ang renta kumpara sa DiliMall. 

Orihinal na hilera ng pabahay para sa mga empleyado ng UP ang Area 2, ngunit nagsimula itong maging patok na kainan dahil sa mga lutong bahay na nagkakahalaga ng P25 pataas. Bukod sa mga pagkain, matatagpuan din dito ang mga murang printing shop at tindahan ng school supplies.

Hindi hamak na mas mura ang renta dahil mga empleyado din ng unibersidad ang may-ari ng mga puwestong pinapaupahan para sa mga manininda. Samantala, walang rentang binabayaran ang iba dahil sariling puwesto nila ang kanilang ginagamit.

Ngunit nito lang Abril, ginulat ng isang clearing operation ang mga manininda sa Area 2. Tinanggal ng mga tauhan mula sa Quezon City Department of Public Order and Safety (QCPDOS) ang mga karatula, upuan, at ang ilan pang mga ari-arian na nakaharang sa daanan at sidewalk. 

Ani Quezon City Mayor Joy Belmonte sa isang pahayag, utos ito mula kay UP Diliman Vice Chancellor for Community Affairs Roehl Jamon, ngunit iginiit ng opisina niya na wala silang alam sa nangyaring operasyon. 

Ayon kay UP Shopping Center Stallholders Association Inc. (UPSCSAI) vice president Hermie Laroa, imposibleng magsagawa ng clearing operation ang city hall nang walang pahintulot ng administrasyon ng UP Diliman. 

Sabi ni Laroa, bago makapasok at magsagawa ng mga operasyon ang mga tauhan mula sa city hall, kailangan muna nilang makipag-ugnayan sa administrasyon ng unibersidad. 

“Unang-una, may complainant dapat ‘yan, tapos may coordination bago magawa ang trabaho. Kaya tingin ko, kinokontrol na [ng administrasyon ng UP Diliman] nang maigi [ang komersyalisasyon],” aniya.

Sa isang pang-estadong unibersidad tulad ng UP, bakit nga ba pumapasok ang usapin ng komersiyalisasyon?

Taong 2023 nang tapyasan ng gobyerno ang pondo ng UP ng P22.295 bilyon—kalahati ng iminungkahing badyet. Malaking kakulangan ito upang suportahan ang pagpapatakbo ng unibersidad. 

Nagbunsod ito upang gawing komersiyalisado ang ilang bahagi ng campus. Alinsunod sa UP Master Development Plan (MDP), hinihikayat ang administrasyon ng unibersidad na pumasok sa business ventures para lumago ang financial resources nito. 

Produkto nito ang UP AyalaLand TechnoHub sa Commonwealth Avenue, UP Town Center sa Katipunan Avenue na dating kinatitirikan ng UP Integrated School (UPIS) High School, at ang bubuksan sa Agosto na DiliMall. 

Bagaman hangarin ng komersiyalisasyon sa unibersidad na mapalaki ang pinagkukunang pondo, ang malalaking kompanya, tulad ng Ayala, ang unang makikinabang dito, habang ang mga estudyante at manininda ng UP ang naghihirap.

Mahigit 25 taon nang nagtitinda ng pares at lugaw sa unibersidad si Antonio Arboleda. Dati siyang nakapuwesto sa nasunog na Shopping Center, lugar na kintatitirikan ngayon ng DiliMall.

Aniya, malaki ang mababawas sa kanyang kinikita kung sakaling sapilitan siyang palilipatin sa dito. 

Mahigit isang dekada nang nagtitinda ng pares at goto si Antonio Arboleda. Isa rin siya sa nawalan ng puwesto noong tinumpok ng sunog ang UP shopping center. Hannah Kristine Juan/Pinoy Weekly

Giit ni Arboleda, maraming estudyante ang magrereklamo dahil mapipilitan siyang magtaas ng presyo ng paninda upang makapagbayad ng renta. 

“Mas magmamahal ang renta ngayon, siyempre tataas rin ‘yong paninda kaya apektado rin yung mga estudyante na kumakain,” wika ni Arboleda. 

Pinangangambahan rin ng ibang manininda na baka mahirapan silang kumita lalo na’t kilalang mga komersiyal na kainan ang uupa sa DiliMall. 

Ayon sa SMUPC, hindi sumusunod sa polisiya ang administrasyon dahil hindi ito ang unang beses na hinainan ng mataas na renta ang mga manininda sa UP. Ayon sa kanila, maraming beses nang sinubukang gipitin ng UP ang mga manininda dito. 

Dalawang taon pa lang ang nakalilipas nang buksan ang Gyud Food, ang dalawang palapag na multi-purpose hall na naglalayong bigyan ng espasyo ang mga maliliit na tindahan sa UP.

Ngunit ngayon, makikita na mas maraming franchise stall kumpara sa mga maliliit na manininda ang umuupa dito. Matapos itong buksan noong Disyembre 2022, bigong makakuha ng espasyo ang mga manininda dahil sinisingil sila ng P15,000 hanggang P25,000 na renta.

Hindi ito ang unang beses na ginipit ng UP ang mga manininda. Noong 2004, inilabas nila ang UP Diliman Food Kiosks kung saan sinabi nila na prayoridad ang mga negosyanteng nagtitinda sa loob ng unibersidad. Pero maraming manininda ang hindi nagkapuwesto dito dahil umabot sa P10,000 ang upa kada buwan para sa isang stall.

Pintang panawagan sa harap ng itinatayong DiliMall sa loob ng campus ng University of the Philippines Diliman. Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Nagpapatunay lang sa tumitinding komersiyalisasyon sa loob ng unibersidad ang pagpapatayo ng DiliMall. Pahirap ito hindi lang sa mga nagtitinda kundi pati sa mga estudyante kaya’t patuloy sa paggawa ng panawagan ang SMUPC at mga estudyante para sa makamasang espasyo. 

Nitong Mayo 30, sa bisperas ng pulong ng Board of Regents (BOR), nagkampuhan ang mga manininda kasama ang mga estudyante ng UP upang tutulan ang pagbubukas ng DiliMall at tumitinding komersiyalisasyon sa loob ng campus.

“Dahan-dahan na pagpatay sa kabuhayan ng mga maliliit na manininda ang pagbubukas ng DiliMall,” ani Nary Hernandez ng SMUPC.

Itinaas sa ika-1,390 na pulongng BOR noong Mayo 31 ang mga hinaing na ito. Ayon sa Office of the Faculty Regent, pagpupulungan pa umano ito kasama ang mga maapektuhang partido.

“Hanggang pakinggan tayo ng Board of Regents, magpaparami at magpaparami tayo para manawagan ng espasyo para sa mga guro’t estudyante,” ani Avery Alo ng UP Diliman College of Arts and Letters Freshies, Shiftees, and Transferees Council.

Inaanyayahan ng Office of the Student Regent ang komunidad ng UP na makiisa sa pagtawag laban sa komersiyalisasyon at ipaglaban ang karapatan sa mga espasyong dapat na aksesable sa komunidad at estudyante ng UP.