close
#KuwentongKabataan

Makakauwi ka ba, Papa?


Akala ng ibang tao, masaya kapag may naka-abroad sa pamilya. Akala nila, kapag nasa ibang bansa ay maraming pera at hayahay na lang sa buhay. Sana nga ganon ang reyalidad.

Bilang isang anak ng overseas Filipino worker (OFW), hindi ko na ata mabilang kung ilang beses ko itinanong kung makakauwi ba ang aking ama tuwing mayroong papalapit na espesyal na okasyon.

Taong 2008 nang makipagsapalaran ang Papa sa ibang bansa. Pagtungtong pa lang ako noon sa ikalawang baitang, walang muwang sa totoong dahilan kung bakit kailangan umalis ng Papa. Basta ang sinabi niya lang noon, para mabilhan ako nang maraming laruan at ng paborito ko sa Waffle Time.

Akala ko ganon nga lang talaga ang dahilan. Ngunit habang lumalaki at tumatanda ako, unti-unti akong namumulat sa reyalidad ng buhay.

Nakita ko na lumalaki ang aming pamilya at kasabay nito ang pagdami ng aming pangangailangan sa pang-araw-araw at ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin.

Mabuti sana kung maraming trabaho na may nakabubuhay na sahod dito sa atin, ngunit hindi. Sa Pilipinas, napakahirap makahanap ng trabaho na may nakasasapat na sahod para sa isang pamilya. Bukod pa roon, limitado ang oportunidad na ibinibigay para sa tulad ng aking ama na hayskul lang ang natapos.  

Sana hindi ako nakakaramdam ng inggit sa ibang bata kapag nakikita ko na kumpleto ang pamilya nila tuwing Linggo sa simbahan, kapag may birthday, kapag may recognition sa school, o kaya naman tuwing Pasko at Bagong Taon. Sana kasama kita at hindi na kailangan magpadala ng retrato o mag-video call.

Hindi naglaon, naintindihan ko na ang tunay na dahilan kung bakit mas pinili ni Papa na mag trabaho sa ibang bansa. Kahit mahirap na malayo sa pamilya, kinailangan niyang magsakripisyo upang mabigay ang aming mga pangangailangan. 

Bukod pa roon, kailangan din niyang labanan ang matinding pagka-homesick. Sabi ng Papa, mayroong pagkakataon na minsan gusto niya na lang bumalik dito sa Pilipinas at tiisin ang hirap ng buhay kasama kami ngunit mas nangingibabaw ang kanyang kagustuhan na mabigayan kami ng magandang buhay.

Akala ng ibang tao, masaya kapag may naka-abroad sa pamilya. Akala nila, kapag nasa ibang bansa ay maraming pera at hayahay na lang sa buhay. Sana nga ganon ang reyalidad.

Sa loob ng 16 na taon, hindi ko na mabilang kung ilang beses ko hiniling na sana nandito na lang si Papa. Sana hindi ako nakakaramdam ng inggit sa ibang bata kapag nakikita ko na kumpleto ang pamilya nila tuwing Linggo sa simbahan, kapag may birthday, kapag may recognition sa school, o kaya naman tuwing Pasko at Bagong Taon. Sana kasama kita at hindi na kailangan magpadala ng retrato o mag-video call.

Ngayon, ilang buwan na lang at malapit na akong matapos sa kolehiyo. Marahil ang iba, iniisip na kung ano ang kanilang susuotin sa graduation, kung saan sila kakain para mag-celebrate. Pero ito ako, nagtatanong sa aking kausap sa telepono kung makakauwi ba siya sa aking graduation.

Ilang sana pa ba ang kailangan hilingin? Ilang pagtitiis pa ba para magkaroon ng magandang buhay? Ilang protesta pa ba bago pakinggan ng gobyerno ang panawagan ng taumbayan para sa dagdag trabaho at umento sa sahod? Ilan pa ba?