close
Kababaihan

Makina ni Nay Jo

Madalas, matagal nating pag-isipan kung anong damit ang isusuot tuwing lalabas. Pero minsan na ba nating napag-isipan kung saan galing ang mga ibinabanderang pang-outfit check?

Sa isang komunidad sa Bagbaguin, Caloocan City, may tunog na nangingibabaw. Bukod sa boses ng mga residente, ingay ng radyo at telebisyon at hagikhikan ng mga bata, maririnig ang lagitik ng makinang panahi mula sa tahanan ni Josefa Adversalo o mas kilala bilang Nay Jo.

Kung tatanawin mula sa kalayuan, hindi aakalaing may anim na makinang panahi sa kanyang munting tahanan sa Barangay 165. Mga makina na nagbibigay din ng hanapbuhay sa apat pang kapwa niya mananahi.

Si Nay Jo, 63 taong gulang, dating mananahi ng Ambassador Knitting Corporation (AKC) noong 1981 hanggang sa maipasara ang kompanya noong 2003. Sinubukan niya ring mag-abroad nang apat na taon ngunit bumalik rin siya sa Pilipinas matapos magkasakit.

Mula sa nakuhang separation pay, inunti-unti ni Nay Jo na makabili ng sariling mga makina. Gusto niya rin kasing mapayabong pa ang kanyang kaalaman sa pananahi at magamit ito bilang kabuhayan.

Ang naipundar niyang mga makina, naging tulay din upang magkatrabaho ang kanyang mga kapitbahay, sina Arlene Ecedera, Nina Benepayo at Sally Umila.

Sub-contracting sa sistemang piece-rate o “pakyawan” ang kalakaran ng kanilang patahian. Walang permit at wala ring pormal na kasulatan ng kontrata sa kanilang mga kliyente.

Mula sa bulto-bultong tela na ibinabagsak ng mga kumukuha sa kanilang kontraktor, magkakatuwang sila sa pananahi ng mga sando, t-shirt, long sleeves, mga damit ng bata, at pangsapin sa upuan, sofa o lamesa.  

Kadalasan, binibili ng kliyente ng lima hanggang anim na piso ang kada piraso ng tinahing damit. Ibinebenta naman ang kanilang produkto sa mga palengke ng Taytay sa Rizal, sa Divisoria sa Maynila at maging sa malalaking malls. 

Sa mahigit 40 taong pananahi ni Nay Jo, marami na siyang pinagdaanang hamon sa kanyang patahian, mga bantang pumatid sa tanging kinakapitang sinulid na kabuhayan niya at kanyang mga kasamahang manggagawa.

Ayon kay Nay Jo, mas paborable sana sa kanila ang piece rate kaysa daily rate. Mas hawak kasi nila ang oras at hindi gaanong mahigpit, lalo na’t may kani-kanila pa silang inaasikasong gawaing bahay.

Ang problema, dahil din sa sistemang ito, napakamurang binibili ng mga kliyente ang kanilang produkto. Nakadepende kasi ang presyo ng pagpakyaw sa bilang natapos nilang tahiin.

“Ang mahirap lang kasi sa aming mga sub-con, masyadong mababa ang bigay ng mga kompanya. Sa t-shirt, P5. Magkano ang sinulid ngayon,” ani Nay Jo.

Kaya aniya nilang makatapos ng 500 piraso ng garments sa isang linggo. Pero mas maliit pa rin ang natatanggap nilang bayad kumpara sa mga sumasahod ng minimum wage sa pormal na sektor.

“Makapag-out kami ng 500 [piraso] isang linggo. Magkano ‘yong 500 times limang piso, diba P2,500 lang?” sabi ni Nay Jo. Paghahatian aniya nila ito ng kanyang apat na mananahi.

“Kung lumagpas silang 500, wala nang natira, saan ako kukuha ng pambili ng sinulid?” aniya.

Kasama rin sa pinoproblema ni Nay Jo ang pagbabayad sa P3,000 kada buwan niyang upa sa patahian. Hindi pa kasama ang bayad sa kuryente at tubig.

Andrea Shayne Garcia/Pinoy Weekly

Dahil berbal na kontrata lang ang madalas na pinanghahawakan ng mga sub-con gaya ni Nay Jo, nakakaranas din siya ng hindi patas na pagtrato.

Naranasan na niyang hindi mabayaran sa tinahing damit para sa Crissa, isang sikat na brand. Ayon aniya sa dayuhang kontraktor, kulang ang tinahi nila kaya hindi sila binayaran.

“Maganda naman ‘yong usapan namin. Nagpick-up sila ng gawa. Bago magpick-up binilang. No’ng sumahod ako, sabi kulang ng 20 pieces, P29,000 hindi ako binayaran. December pa yon,” kuwento niya.

Hindi siya napagbigyan sa kanyang apelang mabayaran kahit kalahati lang ng napag-usapang presyo. Para kay Nay Jo, isa ito sa pinakamalaking pagsubok sa kaniyang ilang dekadang pananahi.

Hindi rin nakaligtas sa panggigipit ng lokal na pamahalaan si Nay Jo. Minsan na siyang pinagbantaang ipasara ng barangay noong Pebrero 2023 dahil wala raw mayor’s permit.

Hindi naman aniya nila kailangan ng permit mula sa city hall dahil lima lang silang empleyado. Sapat na aniya ang permit mula sa barangay. Hindi rin nila kayang tustusan ang P10,000 hanggang P15,000 na halagang kailangan para makakuha ng auditor at mayor’s permit.

“Walang problema sa akin kung ipasara n’yo ako. Magrereklamo rin ako. Hindi ba dapat ang tinitingnan n’yo, doon sa mga komersiyal na nadadaya sa BIR (Bureau of Internal Revenue)? Hindi kami na maliliit na tao na nakakatulong sa komunidad,” sagot niya sa tao ng barangay.

Hindi nagpatinag si Nay Jo. Bilang dating unyonistang kasapi ng Federation of Free Workers, matapang niyang iginiit ang karapatan laban sa pananakot ng kanilang lokal na pamahalaan.

Bahagi ng informal sector ang patahian ni Nay Jo. Ayon sa International Labour Organization (ILO), maituturing na bahagi ng impormal na ekonomiya ang mga manggagawang nagsasarili, self-employed, at ang maliliit na prodyuser at distributor ng mga produkto at serbisyo na walang pormal na kaayusan o hindi saklaw ng mga batas at regulasyon sa paggawa ng bansa.

Sa Informal Sector Survey ng Philippine Statistics Authority noong 2018, lumabas na may 15.68 milyong impormal na manggagawa sa Pilipinas. Katumbas ito ng 38% ng kabuuang lakas-paggawa ng bansa.

Andrea Shayne Garcia/Pinoy Weekly

Hindi nalalayo ang kasalukayang sitwasyon ni Nay Jo at iba pang impormal na manggagawa sa iba pang mga manggagawa sa bansa.Pormal man o impormal, parehong panawagan nila sa gobyerno ang kagyat na dagdag-sahod at seguridad sa trabaho.

May mga panukalang batas na sa Kamara para sa Magna Carta of Workers in the Informal Economy (Macwie). Layunin nitong matukoy kung sino ang mga impormal na manggagawa at mabigyan sila ng mga ligal na karapatan.

Kabilang sa isinusulong sa Macwie ang maayos na kondisyon sa pagtatrabaho, patas na sahod, probisyon para sa emergency assistance at suporta para sa ilang maliliit na online na negosyo.

Habang hindi pa umuusad ang panukalang batas, hiling ni Nay Jo na gumawa ng hakbang ang pamahalaan para makapaghanapbuhay sila nang maayos.

“Sana magbigay ng pinansyal na puhunan tapos suportahan nila yung mga impormal na sektor,” sabi niya habang patuloy sa pag-pedal sa makinang panahi.