close

Nasaan na ang P20 na bigas?

Sa huling tala ng Department of Agriculture, P50 hanggang P61 ang average na presyo ng bigas kada kilo. Sa iba, umaabot pa ng P80 kada kilo ang mga espesyal na uri ng bigas.

Kanin ang pangunahing pantawid-gutom ng mga Pilipino kaya bigas ang isa sa pangunahing bilihin sa bansa. Hinaing pa rin ng masa ang hindi makatarungang taas ng presyo nito kada kilo, salungat sa ipinangakong P20 ng kasalukuyang administrasyon.

Noong 2022, ipinangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang kampanya na hindi aabot sa P40 pataas ang kada kilo ng bigas at magiging P20 hanggang P30 lang ito.

Pero malinaw na hindi ito ang kasalukuyang bentahan sa merkado ng pangunahing produkto.

Sa huling tala ng Department of Agriculture (DA), P50 hanggang P61 ang average na presyo ng bigas kada kilo. Sa iba, umaabot pa ng P80 kada kilo ang mga espesyal na uri ng bigas. 

Hindi ito itinanggi ni Joerlan Guadalupe, 60, may-ari ng bigasan sa Quezon City. Aniya, hindi naman bumababa ang presyo ng pagbebenta ng kanyang bigas.

“Kumbaga dito sa amin nag-steady ‘yong presyo sa amin [ng bigas]. Pinakamababa namin is P50 per kilo, meron kami mga special rice umaabot siya ng P80, brown rice,” sabi niya.

Pinatotohanan naman ito ng estudyante at karaniwang kumokonsumo ng bigas na si Juliana Aguinaldo, 19, dahil P50 hanggang P60 kada kilo ang nabibili niya. Sa kanyang pananaw, kung maibaba ito sa P20 pesos, malaking luwag ito sapagkat isa itong “staple” na pagkain.

Mariin namang kinondena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pag-aanunsiyo ng National Food Authority (NFA) nitong Hun. 19 na aprubado na ang Bigas 29 Program o pagbebenta sa murang halaga ng medyo luma na ngunit puwede pang kainin na bigas.

Simula sa susunod na buwan, ibebenta na sa iba’t ibang Kadiwa Store ang P29 na bigas para umano sa mga mahihirap at bulnerableng sektor. Kabilang dito ang mga person with disabilities, solo parent, senior citizen at katutubong mamamayan.

Ani KMP national chairperson Danilo Ramos, talagang walang interes ang DA at administrasyong Marcos Jr. na solusyonan ang krisis ng mataas na presyo ng bigas. Ganito din umano ang ginawa ng ahensiya nang magbenta ng bukbok rice. Noon, aniya, ang mga nakaimbak sa NFA warehouse ang ibebenta sa mahihirap samantalang naisiwalat na noon na nakapagbenta na ito ng P25 kada kilo sa mga trader.

“Bilang isang bansang agrikultural at kumakain ng bigas, nararapat lamang na magkaroon ang Pilipino ng dekalidad at abot-kayang bigas na kayang itanim ng ating mga magsasaka kung bibigyan lamang ng gobyerno ng sapat na [subsidiyo] at suporta ang lokal na produksiyon ng bigas,” pagbibigay-diin niya.

Sa pananaw naman ni Aguinaldo, kakayanin naman pababain ang presyo ng bigas nang hindi nasasakripisyo ang kalidad nito kung walang “middle men” na nagpapataas ng presyo, nambabarat sa mga magsasaka, at kung may sapat na badyet at lupain ang mga magsasaka sa pagtatanim nito.

“Ngunit sa estado ng pamamahala at sistema ngayon, tingin ko’y makokompromiso ang kalidad ng bigas kasabay ng pagbaba ng presyo nito,” aniya.

Kaugnay nito, diin ni Ramos, mas masahol pa umano ang DA at ang kalihim nito na si Francis Tiu Laurel Jr. sa “patetiko” at “trying hard” sa pagbibigay ng mga hindi epektibong solusyon sa problema ng bigas. 

“Ito bang Bigas 29 handa nilang kainin at ipakain sa kanilang mga pamilya?” hamon niya sa mga ito.

Sa kasalukuyan, sa halip na pagtuunan ng pansin ang suporta at pagpapaunlad sa produksiyon ng lokal na bigas upang bumaba ang presyo nito, patuloy na naghahari ang mga inaangkat na bigas mula sa ibang bansa.

Ayon sa DA, pumalo na sa 2.2 million metric tons ang inangkat sa kalagitnaan ng Hunyo 2024, mula sa 1.8 metric tons noong 2023. Tugma ito sa ulat ng United States Department of Agriculture (USDA) noong Enero na nagsasabing inaasahan na mangunguna ang Pilipinas sa pag-aangkat ng bigas ngayong taon.

Kabaliktaran ito sa dagdag na pangako ni Marcos Jr. na hindi na kailangan mag-angkat ng bigas kung sapat naman ang suplay mula sa mga magsasaka.

Sabi pa ni Ramos, dapat din umanong palakasin ang pagtatanim at pag-ani ng mga ito, gayundin na bigyang prayoridad ang produkto nila. “Kapag nangyari, matitiyak na ang hanapbuhay ng ating magsasaka,” aniya.

Samantala, lumusot na sa huling pagbasa sa Kamara ang House Bill 10381 na nag-aamiyenda sa Rice Liberalization Law nitong Mayo 18. Layon umano ng pag-amiyenda na bigyang awtoridad ang DA sa pagtatakda ng presyo at suplay ng bigas sa panahon ng mga emergency sa seguridad ng pagkain. Sa ilalim ng panukalang amiyenda, maaari na ring bumili ang NFA mula sa mga magsasaka ng aning palay sa mataas na presyo at ibenta sa murang halaga sa mga konsyumer.

Ngunit ang pagbaha ng dayuhang bigas ang lumalabas na suliranin dahil nakapaloob sa batas ang pag-aalis ng restriksyon sa importasyon at pagpapataw lang ng mga buwis sa mga magpapasok ng kanilang produktong bigas sa bansa. 

Kaya naman, giit ni Ramos, mas pinaigting lang nitong batas ang malayang pagpasok ng bigas mula sa ibang bansa. Kaya umano halos nangunguna rin na “rice importer” ang Pilipinas sa nakalipas na limang taon. 

“Hindi dapat tayo nag-aangkat kasi ‘pagka nag-aangkat sa patakaran ng import liberalization, bumabagsak ang presyo ng produkto ng mga magsasaka at ang tinutulungan nila ay ibang bansa,” pagllilinaw niya.

Ipinapakita nito na mas binibigyang proteksiyon at pagpapahalaga ang agrikultura ng ibang bansa, habang maliit lamang ang natatanggap ng mga lokal na magsasaka sa ating sariling bansa.

“Ang thrust ng ibang bansa, halimbawa, Thailand, Vietnam, European countries at kahit na sa Estados Unidos, protectionism. Sa mga bansang nabanggit ko, billions of dollars ang agricultural subsidy sa kanilang bansa. Pero sa atin, mumo,” ani Ramos. 

Resulta nito, palyado ang produksiyon ng lokal na bigas sa halip na mabigyang-pansin ang pagpapalago nito.

Samantala, sinabi ni Laurel na tatalakayin niya sa pangulo ang mga isyu tungkol sa planong pagbaba ng taripa sa 15% sa inaangkat na bigas, dahil maaaring makaapekto ito sa mga magsasaka kung ipatutupad ng matagal.

Sa kasalukuyan, inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board ang pagbawas ng taripa mula 35% hanggang 15% upang mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng bigas sa publiko. Inaasahang bababa daw ng P6 hanggang P7 kada kilo ang presyo ng bigas dahil dito.

Sinabi naman ni Amihan National Alliance of Peasant Women national chairperson Zenaida Soriano na mas lalong papatay sa lokal na industriya ang pagratsada sa kasalukuyang taripa ng imported na bigas.

“Pero dahil tuta ng imperyalismo si Marcos [Jr.], mas pinili niyang magtambak ng imported na bigas sa bansa, pabagsakin ang kabuhayan ng mga magsasaka, at ang self-sufficiency at food security ng sambayanang Pilipino,” sabi niya. 

Dapat tandaan na ang Pilipinas ay isang bansang agrikultural, sabi ni Ramos. Nararapat umano na paunlarin ang estado nito maging ng mga magsasakang Pilipino. 

“Napakahalaga na ‘yong magsasaka at ‘yong iba’t ibang sektor, kabataan, estudyante, propesyonal, nananawagan kami na sama-samang ipaglaban, isulong ang tunay na reporma sa lupa, [at] pambansang industriyalisasyon dahil ito ang susi sa pag-unlad ng ating mga kababayan,” aniya.

Sa pananaw naman ng mga regular na konsyumer ng bigas tulad ni Aguinaldo, mahalagang bigyan ng pansin ang mga magsasaka at dinggin ang kanilang mga pangangailangan. Dagdag pa niya, dapat na rin silang bigyan ng pagkakataon upang magkaroon ng sarili nilang lupain upang mas yumabong ang mga pananim.

Matutupad sana ito kung hindi tutulugan ang pagsulong ng Genuine Agrarian Reform Bill o House Bill 252, na naglalayong magbigay ng tunay na reporma sa lupa at tulungan ang mga magsasaka na magkaroon ng sariling lupain at mas mataas na produktibidad.

Gayunpaman, inaanyayahan ng Amihan, KMP, at iba pang grupo, na patuloy na maging kritiko ni Marcos [Jr.] sa patuloy na pagsusulong nito ng liberalisasyon sa industriya ng bigas at palay, dahil nagdudulot ito ng matinding kagutuman at kahirapan sa mga Pilipino.