close

Pamalakaya-Navotas, naghain ng petisyon laban sa demolisyon


Naniniwala ang mga residenteng magbibigay daan ang demolisyon sa 650 ektaryang reclamation project sa lugar kaya patuloy ang panawagang isalba ang kanilang hanapbuhay.

Naghain ng petisyon ang mahigit 400 na mangingisda at residenteng miyembro ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa Navotas City upang ipatigil ang patuloy na demolisyon ng kanilang mga tahungan at baklad sa Navotas City Regional Trial Court nitong Hun. 14. 

Nakapaloob sa petisyon ang panawagan ng grupo sa korte na agarang magpalabas ng temporary restraining order upang pigilan ang paninira ng pamahalaang lokal sa mga natitirang tahungan. 

Layunin din nitong mabigyan muli ang mga mangingisda ng permit at maibalik sa dati nilang lugar tahungan upang patuloy na makapagtanim at makapangisda.

Nakasaad sa notice of demolition ng pamahalaang panlungsod na walang permit ang mga tahungan. Pero ipinagkakait naman nito ang pagbibigay permit mula pa noong 2021.

Sabi ni Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya. Mapanlinlang na ginamit ng Navotas ang paggamit sa Supreme Court mandamus noong 2008 na paglilinis sa Manila Bay, pero walang nakasaad na i-demolish ang mga tahungan.

Ayon pa sa Pamalakaya, libo-libong mga residente na ang naapektuhan dahil sa puwersahan at walang pahintulot na pagbubunot ng kanilang kabuhayan na nagsimula noong Mar. 16. Mahigit 80% na rin umano ng tahungang may habang anim na kilometro at tatlong kilometrong lapad na ang tuluyang sinira.

“Sa ngayon po ay lumala ‘yong pagbubunot nila. Halos maaga na rin sila nagtatrabaho. Dati nagtatrabaho sila nang 8:00 hanggang 9:00 a.m. Ngayon nagsisimula sila ng alas-sais ng madaling araw. Tapos tuloy-tuloy po ‘yon,” sabi ni Romel Estarial, tagapangulo ng Pamalakaya-Navotas.

Minsan na rin nakipagdiyalogo ang mga residente sa pag-asang matutulungan sila ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco, ngunit tinawag lang umano nitong basura ang kanilang tahungan.

Naniniwala ang mga residenteng magbibigay daan ang demolisyon sa 650 ektaryang reclamation project sa lugar kaya patuloy ang panawagang isalba ang kanilang hanapbuhay.

“Sana’y mapagbigyan kami sa aming panawagan na itigil ang demolisyon sa aming patahungan [upang] magtuloy-tuloy ang aming pangkabuhayan sa dagat. Tahungan lang po ang kabuhayan namin. Simula po nung una, diyan [na] po kami namulat,” ani Estarial.

Hiling ng grupo at mga residente sa korte ang agarang aksiyon sa petisyon. Hinihikayat din nila ang pakikiisa ng mga apektado ng reklamasyon na patuloy na manawagan upang matigil ang ibayong pagkasira sa kabuhayan ng libo-libong mamamayang umaasa sa dagat.