close
Husgahan Natin

Quitclaim sa kaso ng manggagawa

Sa isang kasong hinatulan ng Korte Suprema nitong Abril, pinawalang bisa ng hukuman ang mga quitclaim na nilagdaan ng mga manggagawa matapos mapatunayan na pinirmahan at sinang-ayunan ng mga manggagawa ang nasabing mga quitclaim dahil sa panlilinlang sa kanila ng kompanya.

Ang quitclaim ay isa sa mga paraan para huwag nang matuloy o ‘di kaya’y tapusin na ang kaso ng isang manggagawa laban sa kanyang opisina o kompanya.

Para magkabisa ang quitclaim, dapat lang na ito’y nilagdaan nang kusang loob ng manggagawa. Kailangan ding may makatarungan o sapat na halaga siyang matatanggap kapalit ng pag-urong o pagbawi niya ng kaso laban sa kanyang pinagtatrabahuhan.

Kailangan ding ang nasabing quitclaim ay hindi lumalabag sa batas, patakarang pampubliko, o nakakapinsala sa karapatan ng ibang tao.

Kapag natupad lahat ang mga kondisyong ito, hindi maaaring itanggi o ayawan ang isang quitclaim kahit pa nagbago na ng isip ang mga gumawa nito.

Ngunit sa isang kasong hinatulan ng Korte Suprema nitong Abril, pinawalang bisa ng hukuman ang mga quitclaim na nilagdaan ng mga manggagawa matapos mapatunayan na pinirmahan at sinang-ayunan ng mga manggagawa ang nasabing mga quitclaim dahil sa panlilinlang sa kanila ng kompanya.

Sa kaso ng Domingo Naldo, Jr. et. al. vs. Corporate Protection Services, Phils., Inc. (CORPS) et al., GR No. 243138, na hinatulan ng Korte Suprema nitong Abril 3, 2024, tinanggap ng ahensiya o ng CORPS bilang mga security guard sina Domingo.

Labindalawang oras sa isang araw ang ginugugol nina Domingo sa kanilang trabaho bilang guwardiya na walang overtime pay. Pumapasok din sila nang pitong araw sa loob ng isang linggo na walang rest day pay.

Hindi rin sila binibigyan ng regular o special holiday pay ng ahensiya sa kabila ng kanilang pagpasok tuwing regular o special holidays. Bukod pa rito, hindi rin sila binigyan ng service incentive leave at 13th month pay.

Dahil dito, napilitang ireklamo nina Domingo sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB ) ang CORPS.

Sa NCMB, sinabi ng CORPS na payag itong bayaran ang lahat ng money claims nina Domingo basta magbigay lang sila ng sulat na sila’y aalis o nagre-resign na.

Sumunod naman dito sina Domingo. Pagkatapos nito’y pinapirma sila ng CORPS ng mga quitclaim na nagsasabing tinatalikuran na nila ang anumang habol nila sa ahensiya.

Nagbigay ng CORPS ng mga tseke sa mga guwardiya, ngunit ang mga tsekeng ito’y kasing halaga lang ng cash bond at naipong trust fund ng mga guwardiya. Hindi ito kasing laki nang lahat ng bayad na gustong makuha nila.

Sinubukang isauli ng mga guwardiya ang mga tseke, ngunit hindi ito tinanggap ng CORPS at pinaliwag sa kanila na pinoproseso na ang iba pang mga tseke at kalaunan’y matatanggap din nila ang mga ito.

Noong sumunod na araw, hindi tinanggap ng ahensiya ang mga guwardiya sa kanilang trabaho dahil umano sila’y nakapag-resign na.

Natapos ang buwan ngunit hindi man lang pinabalik ng CORPS sa kanilang mga trabaho ang mga guwardiya at hindi rin binigay sa kanila ang kabayarang kanilang hinahabol mula sa CORPS.

Napilitang magsampa ng kasong constructive dismissal at hindi pagbayad sa tama nilang sahod at benepisyo ang mga guwardiya laban sa CORPS sa tanggapan ng Labor Arbiter.

Ngunit sa naging hatol ng Labor Arbiter, ibinasura niya ang reklamo ng mga guwardiya dahil mayroon na silang mga quitclaim at resignation letter na pinirmahan. Ayon sa Labor Arbiter, ang mga quitclaim at resignation letter ay nagpapawalang sala sa CORPS.

Nag-apela ang mga guwardiya sa National Labor Relations Commission (NLRC). Ngunit dinismiss ng NLRC ang kanilang apela dahil sa mga quitclaim na kanilang ginawa.

Napilitan ang mga guwardiyang iakyat ang kaso sa Court of Appeals. Ngunit ganoon pa rin ang naging hatol ng Court of Appeals at ibinasura ang kanilang apela dahil sa kanilang ginawang mga quitclaim.

Umakyat sa Korte Suprema ang mga guwardiya. Sa naging desisyon ng Kataas-taasang Hukuman, panalo ang mga guwardiya.

Sinabi ng Korte Surema na baliwala at walang bisa ang mga quitclaim na pinirmahan ng mga guwardiya dahil ito’y ginawa ng ng CORPS na may intensiyong lokohin ang kanyang mga guwardiya.

Ayon sa Korte Suprema, hiningan ng CORPS ng mga resignation letter ang mga guwardiya bilang kondisyon sa pagbibigay ng CORPS ng mga tseke na bayad sa lahat ng benepisyo na hindi nila natanggap.

Dahil sa pangako ng CORPS na ang nasabing mga tseke’y magiging bayad sa lahat ng benepisyo na dapat makuha ng mga guwardya, nagbigay ng kanya-kanyang resignation letter ang mga guwardiya. Pagkatapos nito’y pumirma sila sa mga quitclaim na hinanda ng ahensiya.

Pagkatapos noo’y namigay na ng mga tseke ang CORPS. Tinanggap naman ito ng mga guwardiya ngunit nalaman nila noong huli na kulang pala ang mga tsekeng ibinayad sa kanila. Ito ang dahilan kung bakit sila nagsampa ng kaso laban sa ahensiya.

Sinabi ng Korte Suprema na magagamit lang ang isang quitclaim kung walang pandaraya o panlilinlang na ginawa ang isang panig sa transaksiyong ito, kung ito’y may makatwirang kabayaran, at kung ito’y hindi lumalabag sa batas, pampublikong kaligtasan at kaayusan, budhi, o karapatan ng ibang tao sa ilalim ng batas.

Sa kasong ito, malinaw na nilagdaan ng mga guwardiya ang nasabing mga quitclaim dahil sa panlilinlang sa kanila na ginawa ng CORPS nang mangako ito sa kanila na magbabayad ng lahat ng bayarin sa ilalim ng batas. 

Ngunit hindi ito nangyari. Dahil dito, idineklara ng Korte Suprema na walang bisa ang nasabing mga quitclaim.

At dahil sa pinagawa ng mga resignation letter ng CORPS ang mga guwardiya at hindi na pinapasok sa kanilang mga trabaho, itinuring ng Korte Suprema na ito’y isang uri ng constructive dismissal.

Kaya inutusan ng Korte Suprema ang CORPS na baliwalain o huwag bigyan ng halaga ang mga ginawang quitclaim ng mga security guard.

Hinatulan din nito ang CORPS na nagkasala ng constructive dismissal at inutusang ibalik ang mga guwardiya sa kanilang pwesto at bayaran ng kanilang backwages. 

Ganoon, mga mambabasa, ang huling hatol ng Korte Suprema kaugnay sa isyu ng quitclaim. Sana’y may makuha tayong aral mula sa kasong ito.