close

Sa mata ng mga bata


Maraming mga bata ang dumaranas ng trauma dahil sa militarisasyon, sapilitang pagpapaalis sa kani-kanilang komunidad, mga naulila dahil sa extrajudicial killing, at mga anak ng mga bilanggong politikal. 

Sa isang bahay kanlungan namamalagi si Eli, 15 taong gulang. Sa murang edad, naranasan niyang mahiwalay sa kanyang mga magulang dahil sa matinding pananakot at panre-red-tag ng mga militar sa kanilang pamilya. Nakakubli sa kanyang maaliwalas na mukha, ang palangiti at buhay na buhay sa pakikisalamuha sa kapwa bata, ang dinaranas na takot at pangamba.

“Dapat kasi ang mga bata diba pinoprotektahan. Hindi po pinapatay, hindi tinatakot, hindi hina-harass, kasi mga bata po kami. Dapat nga mag-aral kami,” sabi niya sa panayam sa Pinoy Weekly. Hindi nag-iisa si Eli sa mga batang biktima ng karahasan ng estado.

Tulad na lang ng nangyari kay Kuni Cuba, 16 taong gulang batang Manobo na estudyante sa bayan ng Senator Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat na pinatay ng sundalo habang pauwi mula sa paaralan noong Hun. 8. Pinagbintangan siyang kasapi ng New People’s Army (NPA) at may dala-dalang isang Garand rifle.

Ilan lamang sa halimbawa ang kaso nina Eli at Kuni sa daan-daang kaso ng karahasan ng gobyerno at militar sa mga batang Pilipino. Hindi lang nakikita sa pisikal ang karahasan ng estado, kundi maging sa kanilang mental na kalusugan.

Dito pumapasok ang programa ng isang institusyong pambata, ang Children’s Rehabilitation Center (CRC). Ayon sa CRC, marami sa mga bata ang dumaranas ng trauma dahil sa militarisasyon, sapilitang pagpapaalis sa kani-kanilang komunidad, mga batang naulila dahil sa extrajudicial killing, at mga anak ng mga bilanggong politikal. 

Ayon kay Steven Wahing, information and publicity coordinator ng CRC, itinatag ang institusyon upang magbigay ng serbisyo sa mga batang biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa pamamagitan ng psychosocial intervention.

Nabuo at naitatag ang CRC noong 1980s, panahon ng diktadurang Marcos Sr. Pangunahin nitong pinaglilingkuran ang mga anak ng mga bilanggong politikal. Sa panahong iyon, kasa-kasama ng mga nanay o tatay ang kanilang mga anak sa loob ng bilangguan, kundi man buong pamilya ang nakakulong.

Kalaunan, sa pamamagitan ng programang psychosocial intervention, lumawak ang kanilang binibigyang serbisyo, kasama na ang mga iba pang batang biktima ng iba’t ibang porma ng paglabag sa karapatang pantao.

Ang CRC ang unang nagsagawa ng psychosocial therapy sa mga bata sa loob ng bilangguan. Hinango ito sa thesis ni Elizabeth Marcelino, isang estudyante ng Sikolohiyang Pilipino sa University of the Philippines at nakulong din sa panahon ng diktadura.

Nakapaloob sa psychosocial intervention ng CRC ang play therapy at art therapy na ginagamit ang paglalaro, pagguhit, dula at pagkanta upang mas palalimin ang kanilang pang-unawa sa karanasan at maalpasan ang trauma.

“May mga basic na laro, pero ito ay nilalangkapan ng konteksto depende sa kanilang naranasan. For example, [sa] disaster, ‘Bata, Bahay, Bagyo’ [ang tawag namin sa laro]. After mong magpalaro, pina-process namin ‘yon,” paliwanag ni Wahing.

Sa sining naman, ginagamit ang apat na pangunahing emosyon para himukin ang mga batang iguhit ang kanilang nararamdaman, kung sila ba’y masaya, malungkot, natatakot o nagagalit.

Sa bawat tipo ng therapy, lumalabas ang totoong karanasan ng mga bata at kung ano ang kanilang nararamdaman sa partikular na pangyayari at ang kasalukuyan nilang nararamdaman. Paraan din ito upang hikayatin silang makapag-isip nang kanilang kaya at puwedeng gawin ukol sa mga isyung nakakaapekto sa kanila. 

“Binabasag natin ang culture na ang mga bata ay mga bata lang—sinasabing ang mga bata ay walang alam, walang karapatang makialam sa usapin ng politika. Kaya hinihimok din natin na bahagi doon sa four pillars na karapatan ng mga bata na right to participation,” sabi ni Wahing.

Bahagi ito ng pagtitiwala sa mga bata na may kakayanan silang maunawaan at maproseso ang kanilang emosyon, pag-iisip at pagkilos. Bahagi ng programang psychosocial intervention ng CRC ang pagtulong sa mga batang tulad ni Eli na maunawaan at malampasan ang trauma na dulot ng kanilang masamang karanasan. 

Ito ang dahilan kung bakit nagiging madali para sa mga batang tulad ni Eli na magkaroon ng lakas ng loob na makihalubilo sa kanyang kapwa kabataan nang walang takot.

“Doon po nabuo ang trust ko sa kanila . ‘Yong tipong nakakaintindi sila sa’yo, alam nila na kung minsan nakaka-trigger ang mga bagay. Alam nila kung paano ka kakausapin, paano ka papakalmahin,” ani Eli. 

“Ang hangarin ko para sa mga bata, huwag maging kimi sa pag-express. Kung may gusto silang sabihin, sabihin nila. Sabi nga, magtanong lang nang magtanong tungkol sa nangyayari sa ating lipunan at maging matatag,” wika ni Wahing.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang programang psychosocial intervention para sa mga anak ng mga biktima ng pampolitikang panunupil at karahasan na may edad na 7 hanggang 13.

Ayon sa Salinlahi Alliance for Children’s Concerns, malayong-malayo pa raw ang Pilipinas sa pagtupad sa mga batas na tumitiyak sa kaligtasan at proteksiyon ng mga batang Pilipino. Kahit sa internasyonal na makataong batas, tulad ng apat na haligi ng United Nations Convention for Rights of the Child.

Inihalimbawa ng Salinlahi ang kasalukuyang imbestigasyon sa “war on drugs,” na nagresulta sa pagkaulila ng daan-daang mga bata. Laganap pa rin ang matinding militarisasyon, demolisyon sa mga sakahan at komunidad ng mga maralita, na bumibiktima sa karapatan ng mga bata.

Bukod pa dito, bulnerable din ang mga batang Pilipino sa online sexual abuse or exploitation of children (Osaec) na ang ilan ay nasasadlak sa direktang prostitusyon.

Para sa mga tulad ni Eli, malaking tulong ang psychosocial intervention upang mabawasan ang kanilang mga trauma. “Lagi pong tatandaan na may karapatan po kami bilang mga bata, na hindi lang po kami basta-bastang bata lang,” aniya.