close

Highway sa Ilog Pasig, daan tungo sa kapahamakan 


Patuloy ang iba’t ibang grupo sa pagtutol sa proyektong Pasig River Expressway (Parex) ng San Miguel Corporation dahil sa panganib na hatid nito sa kalikasan, kasaysayan, kultura, kalusugan at panirahan ng mamamayan.

Taong 2021 nang aprubahan ang planong Pasig River Expressway (Parex) na itatayo sa kahabaan ng Ilog Pasig. Layunin umano nito na bigyang luwag ang trapiko sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) at C-5 Road.

Pero ayon sa co-convenor ng Move As One Coalition na si Robert Siy, pansamantala lang ang solusyong ito at sa halip na makabawas sa trapiko, dadagdag lang ito sa problema kalaunan.

“‘Pag rush hour, ‘yong lugar sa ilalim ng expressways—’yong malapit sa ramps, exits—’yon ‘yong lalong ma-traffic, katulad nung sa Buendia at Araneta-Quezon Avenue,” ani Siy.

Bukod dito, naalarma ang iba’t ibang organisasyon sa pagpapatayo ng Parex dahil magiging banta raw ito sa pamanang kultural, kalikasan at kalusugan ng mga naninirahan malapit sa ilog.

Marso 2024 nang ianunsiyo ni San Miguel Corporation (SMC) president Ramon Ang ang pagkansela ng proyekto dahil sa sunod-sunod na panawagan ng mga grupong katulad ng Ilog Pasiglahin at Move as One Coalition. Sabi ni Ang, nakikinig naman daw ang SMC sa opinyon ng masa.

Imaheng gawa ni Paulo Alcazaren ni PGAA Creative Design via FutureArc

Bagaman pansamantalang nakatigil ang pagpapatayo ng Parex, nilapitan naman ng SMC ang bayan ng Taytay na magpasa ng isang resolusyong “no objection” na magreresulta ng kawalan ng karapatan nila oras na may masira sa kanilang bayan. 

Hindi na sila makakapagreklamo sa anumang masisira ng proyekto. Kaya naman hanggang ngayon hindi pa muling napag-uusapan ng pamahalaang lokal ng Taytay ang nasabing panukala ng SMC.

Nito lang Mayo, muling umingay ang usapin tungkol sa Parex. Ayon kasi sa memorandum na inilabas ng Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources at Toll Regulatory Board (TRB), hindi pa pala opisyal na kanselado ang Parex. Ibig sabihin, nandiyan pa rin ang bantang hatid nito.

Isa ang Greenpeace Philippines sa mga grupong tumututol sa proyekto. Anila, magdudulot lang ng mas mataas na Greenhouse Gas emissions ang pagpapatayo ng mga highway katulad ng Parex.

Dagdag pa ng kanilang tagapagsalitang si RJ Mallari, “Magreresulta ang proyektong ito sa mas maraming pagbaha at mas pag-init ng temperatura sa National Capital Region (NCR).”

Hindi lang ang mismong Ilog Pasig ang pinangangambahang masira kundi maging ang nasa tabi nito. Isa na lang dito ang Arroceros Forest Park sa Ermita na tinaguriang “huling baga ng Maynila.”

“Ibig sabihin ba nito, halos 4,000 halaman at espasyo para sa 10 uri ng ibon na naninirahan sa Arroceros Forest Park ang kailangang isakripisyo sa pagpapatayo ng Parex?” sabi ng arkitekto at urban planner na si Paulo Alcazaren sa isang post sa social media.

Inilahad din ni Alcazaren na dahil may mga nakatayo nang mga imprastraktura sa gilid ng Ilog Pasig, imposible daw ang sinasabi ng SMC na isang metro lang ang masasakop nito sa ilog kapag itinayo na ito.

Bagaman protektado ng National Cultural Heritage Act o Republic Act 10066, ibinahagi ni Alcazaren na may 40 istraktura sa kahabaan ng Ilog Pasig ang mahaharangan ng proyekto.

Sa isa namang post sa X (dating Twitter) noong 2022, ibinahagi ng Assortedge ang isinalarawang hitsura ng Maynila pagkatapos itayo ang PAREX. Ipinakita nito na magmimistulang isang mahabang photobomber ng Kamaynilaan ang Parex at masisira nito ang tanawin ng mga pamanang kultural gaya na lang ng Malacañang Palace, Jones Bridge at Fort Santiago.

Mapa ng Pasig River Expressway na halaw sa plano ng Department of Public Works and Highways. FuturArc

Para naman sa pangulo ng Renacimiento Manila na si Diego Torres, maituturing na “cultural vandalism” ang pagpapatayo ng Parex sa Ilog Pasig.

“Nagpapakita ito ng disrespeto sa ilog at maging sa kahalagahan nito sa kasaysayan at sa kinabukasan ng Maynila,” aniya.

Gayundin, kabilang sa maaapektuhan ng Parex ang mga residente ng Hospicio de San Jose na nakatirik naman sa Isla de Convalencia sa gitna ng Ilog Pasig.

Bagaman protektado ng National Heritage Act of 2010, Historical Research and Markers Committee at National Historical Institute ang gusali ng institusyong kumakalinga sa mga inabandona at naulilang bata, inabusong kababaihan, nakatatanda at may kapansanan, nangangamba pa rin sila sa magiging dulot ng proyektong ito.

Taong 1810 pa nang itinayo ang Hospicio bilang kanlungan ng mga inabandona’t mahihirap. Ito ang naging ahensiya sa panlipunang kagalingan noong panahon ng kolonyalismong Kastila bago pa naitatag ang Department of Social Welfare and Development.

Kung sakaling maitayo ang Parex, maaapektuhan nito ang lahat ng residente nito, na ang karamihan sa kanila’y may mga karamdaman na.

“Hindi lang mas malalang polusyon mula sa sasakyan ang makaaapekto sa mga residente, lalo na ‘yong mga may cardiopulmonary [condition], kundi pati na rin ang mas malalang traffic noise na labis naman na makaaapekto sa mga residenteng nakararanas ng mental disability,” pahayag ng administrasyon ng Hospicio.

Dagdag pa nila, lantarang pagbabaliwala sa pangangailangan ng komunidad ng Hospicio de San Jose at ng panlipunang kagalingang ng buong Kamaynilaan ang pagpapatayo ng Parex.

Si Robert Siy (dulong kanan) kasama pa ang ibang miyembro ng Ilog Pasiglahin na nagsusulong ng karapatan pangkalikasan at muling pagbuhay sa Ilog Pasig sa isang protesta sa Department of Enviroment and Natural Resources sa International Day of Climate Action noong Oktubre 2023. Ilog Pasiglahin/Facebook

Sa isang online community discussion nitong Hunyo, isiniwalat ni Siy na ang ginamit na Supplemental Toll Operation Agreement (STOA) ng South Luzon Expressway ang siya ring ginamit sa proyektong ito.

Ani Siy, dapat nang mawala ang opsiyon ng pagpapalawig ng STOA sa mga ganitong proyekto. Sa ganitong paraan daw kasi inaabuso ng malalaking korporasyon ang STOA upang mas madaling maaprubahan ang kanilang mga bagong proyekto.

“Hindi ang taumbayan ang makikinabang sa Parex kalaunan kundi ang mga tollway operator gaya ng SMC,” dagdag ni Siy.

Sa aprubadong toll fee ng TRB, lumalabas na kailangang magbayad ng hindi bababa sa P264 ang mga sasakyang magmumula sa Buendia patungong North Luzon Expressway Balintawak Exit.

Simula nang aprubahan ang pagpapatayo ng Parex, iisa ang panawagan ng mga grupo: “Ilog ‘wag patayin, Ilog Pasiglahin!” 

“Maraming alternatibong paraan upang lumuwag ang trapiko sa Maynila. Isa na rito ang pagpapaunlad ng mga pampublikong transportasyon gaya ng lang ng muling pagbuhay ng Pasig River Ferry,” mungkahi ni Siy.

Sabi ng mga grupo, dapat mas ilaan na lang ang pondo sa pagpapatayo ng mga espasyong para sa tao at hindi sa mga sasakyan, katulad na lang ng mga parke at pasyalan.

Patuloy ang mga hakbang ng mga grupo sa pagpapaingay ng isyung ito upang maidiin na kailangang ipaglaban at ipagtanggol ang pamanang kultural, kapaligiran at kinabukasan ng Kamaynilaan.