close
Balitang Global

Libo-libong manggagawa ng Samsung, naglunsad ng indefinite strike


Mahigit 6,500 unyonisadong manggagawa ng Samsung Electronics sa South Korea ang nagwelga matapos baliwalain ang kanilang panawagan hinggil sa dagdag-sahod at benepisyo.

Naglunsad ng indefinite strike simula nitong Hul. 10 ang mahigit 6,500 unyonisadong manggagawa ng Samsung Electronics sa South Korea matapos baliwalain ng kompanya ang kanilang panawagan hinggil sa dagdag-sahod at benepisyo.

Magtatagal lang sana ng tatlong araw ang welga na nagsimula nitong Hul. 8, pero nagdesisyon ang Nationwide Samsung Electronics Union (NSEU) sa ikatlong araw ng welga na palawigin pa ito dahil hindi humarap at nakipag-usap ang management ng kompanya.

Sa isang pahayag, sinabi ng NSEU na habang nagpapatuloy ang kanilang welga’y lalong maapektuhan ang produksiyon ng pinakamalaking pribadong kompanya sa South Korea at kalaunan mapipilitang humarap sa negosasyon.

Ang NSEU ang pinakamalaking unyon sa Samsung Electronics na may mahigit 31,000 miyembro o sangkapat ng kabuuang bilang ng manggagawa ng kompanya. Karamihan sa kasapian nito’y mula sa Chip Division na nagmamanupaktura ng mahahalagang piyesa tulad ng RAM, camera sensors, power/display controllers at iba pa.

Ang NSEU din ang nakikipagtawaran sa management simula pa nitong Enero para sa 3.5% umento sa sahod, dagdag na isang araw sa annual leave (sa araw ng pagkatatag ng unyon) at malinaw na kalkulasyon ng bonus. 

Sabi ng unyon, malaking porsiyento ang binubuo ng mga bonus sa sahod ng mga manggagawa. Noong nakaraang taon, wala umano silang natanggap na bonus dahil binase ang kalkulasyon nito sa operating profit at cost of capital, sa halip na sa operating profit lang. Ngayong taon, naiulat na umabot na sa $1.4 bilyon ang kinita ng Chip Division ng kompanya sa unang kuwarto pa lang.

“Nag-alok na ang kompanya ng 3% dagdag-sahod. [Pero] para sa amin, dapat taasan pa at gawing 3.5%. Hindi naman kami humihingi ng malaki, makatarungan ang panawagan naming mga manggagawa,” sabi ni NSEU president Son Woo-mok sa wikang Koreano sa isang panayam.

Noong Hun. 7, lumikha ng kasaysayan ang unyon sa ikinasang walkout. Ito ang pinakaunang malaking pagkilos ng mga manggagawa ng 55 taong gulang na kompanya.

“Hindi kami hihinto hangga’t hindi binibigay [ng kompanya] ang aming mga kahilingan,” saad ni Son.

Patuloy ding nanawagan ang unyon sa mga miyembro nito na lumahok sa welga para igiit ang kanilang karapatan. Tumutulong na rin ang iba pang matatandang unyon sa naturang bansa sa pagbibigay ng mga talakayan at pag-aaral para maipagtagumpay ang welga.

Sa Pilipinas, nagpahayag na rin ng suporta ang ilang mga grupo at samahang pangmanggagawa sa welga ng NSEU.

“Ang pagkilos ng mga manggagawa sa Samsung at sumasalamin sa aming paninindigan para sa karapatan ng mga manggagawa, disenteng kondisyon sa trabaho, at kalayaan sa pag-oorganisa. Hinihimok namin ang mga manggagawa sa buong mundo na paghalawan ng inspirasyon ang katapangan ng mga manggagawa sa Samsung para bumuo ng unyon at sama-samang labanan ang mga pagsasamantala ng mga kompanya,” sabi ng Kilusang Mayo Uno sa isang pahayag.