close

Pagbabalik ng peminista ng panitikang romansa


Kilala bilang peminista at makabayang awtor, makata at guro, muling ibinahagi ng muling nagbabalik ng batikang manunulat na si Joi Barrios ang kanyang sining sa panitikang Pilipino.

Kilala bilang peminista at makabayang awtor, makata at guro, muling ibinahagi ng muling nagbabalik ng batikang manunulat na si Joi Barrios ang kanyang sining sa panitikang Pilipino.

Nitong Hun. 29 sa Ignacio B. Gimenez Gallery ng University of the Philippines (UP) Diliman, inilunsad niya ang tatlong nobeletang romansa at mga piling tula ng pag-ibig na tinipon mula sa nauna na niyang nailimbag na mga libro. 

Kabilang ang tatlong nobeletang ito sa 12 nobela na nauna nang nailathala ni Barrios sa ilalim ng Rosas series ng Anvil Publishing noong 1991, na maagang isinara matapos lamang ang halos isang taon. Muli itong nailimbag bilang “Librong Laso” serye sa ilalim ng Gantala Press

Ang “Sintang Malapit, Sintang Malayo” ang unang nobela sa serye tampok ang kuwento ng isang babaeng hirap pumili kung iibigin ba ang isang banyagang handang ibigay sa kanya ang lahat o ang kababata niyang matagal na niyang sinisinta. Ipinakita rito ang uso noong “mail-order brides” na paglilista ng sarili sa mga katalogo upang pakasalan ng isang lalaking nasa mataas na antas ng pamumuhay.

Ikinuwento naman ng “Kung Daratnan Pa Kitang Naghihintay,” ikalawang libro ng serye, ang pag-ibig na dala ng isang babaeng direktor ng dula pauwi sa kanyang bayan at ang kasabikan niyang muling masilayan ang iniibig na lalaki roon. Isinalarawan din nito ang buhay at laban ng mga karakter sa mga teatro at pelikula.

“Ang Diary ni Joaquina” naman ang ikatlong nobelang binaybay ang pag-iibigan ng isang lalaki at babae sa panahon ng Amerikano na inangkupan ng mga elemento ng laban ng mga magsasaka para sa laban sa lupa at paghahanapbuhay. Isinalarawan din nito ang huwad na pagkakaibigan ng Amerika at Pilipinas noong 1930 hanggang 1940. 

Si Joi Barrios (pangalawa mula sa kaliwa) kasama ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio Almario (gitna) sa lunsad aklat sa University of the Philippines Diliman. Axell Swen Lumiguen/Pinoy Weekly

Panghuli, isang koleksiyon ng mga naunang tula ni Barrios ang “Muli sa Tag-Araw” na halaw sa kanyang mga naunang publikasyon gaya ng “Ang Pagiging Babae ay Pamumuhay sa Panahon ng Digma” (1989), “Minatamis” (1998), “Bulaklak sa Tubig” (2009) at “Sa Aking Pagkadestiyero” (2022). 

Sa kanyang mensahe sa lunsad aklat, binigyang pasasalamat niya ang mga taong kaagapay at nakasama sa kanyang sining, mga kamag-anak at palimbagang kaisa niya upang mas palawigin ang distribusyon ng kanyang mga akda sa mamamayan. 

“Umaasa akong sa pagkakataong ito, makaaabot sa mas maraming mambabasa, lalo na sa mga komunidad, ang aking mga akda,” wika ni Barrios.

Ngayong naninirahan na siya sa Boston, Massachusetts sa Amerika, binigyang-diin pa rin niya bilang isang Pilipinong makata ang importansiya ng pagiging makabayan kahit nasa ibayong dagat. 

“Mahalaga sa aking mag-publish ng libro at maglunsad nang malakihan dahil kailangan kong ipaalala sa sarili ang kahalagahan ng patuloy na paglikha para sa bayan,” ani Barrios.

Sa panayam sa Pinoy Weekly, binigyang-diin ng Palanca awardee na si Barrios ang kahalagahan ng muling paglilimbag ng mga nobelang tampok ang mga isyung pambayan at ang kahalagahan ng kaangkupan nito sa romansang genre ng literatura. 

“Mahalagang mabasa ito, kasi sa pagbabasa, ‘di ba, ang una, naaaliw ka, nalilibang ka. Pero at the same time, natatalakay din ang mga isyung panlipunan. [Parehong] mahalaga ‘yon, hindi puwedeng paghiwalayin,” sabi ni Barrios. 

“Kasi ‘yong mga isyu noon kung minsan totoo pa rin hanggang ngayon, so kailangan ma-discuss,” dagdag niya.

Bukod sa mga taong malalapit sa kanya, dinaluhan rin ng mga kababaihan, progresibong grupo, midya at lider-kabataan ang kanyang lunsad aklat. Tiyak na magagamit nila ang mga akda ni Barrios upang palawakin ang kanilang pang-unawa sa mga usaping pambayan at lipunan.

Isinabay ang kanyang lunsad aklat sa selebrasyon ng kanyang ika-62 na kaarawan, at pagdiriwang sa kanyang “homecoming” mula Estados Unidos.