close

Paghahabi ng pagkakaisa: 41 taon ng Concerned Artists of the Philippines


Kinapanayam ng Pinoy Weekly si Concerned Artists of the Philippines secretary general Lisa Ito tungkol sa halaga ng pakikisangkot ng mga artista sa pambansang pakikibaka.

Mula administrasyong Marcos Sr. noon hanggang kay Marcos Jr. ngayon, nanguna ang Concerned Artists of the Philippines (CAP) sa pakikibaka ng mga artista at manggagawang pangkultura para sa kalayaan sa pagpapahayag at panlipunang pagbabago. Isinusulong rin nito ang sining at kulturang naglilingkod sa bayan.

Kinapanayam ng Pinoy Weekly si CAP secretary general Lisa Ito tungkol sa halaga ng pakikisangkot ng mga artista sa pambansang pakikibaka at sa hinaharap ng CAP ngayong ika-41 anibersaryo nito.

Si Lisa Ito, secretary general ng Concerned Artists of the Philippines at curator ng University of the Philippines College of Fine Arts Parola Gallery. University of the Philippines/Facebook

Lisa Ito: Ang pambansang kampanya laban sa censorship at para sa freedom of expression, na Free the Artist, Free the Media simula noong Hulyo 9, 1983 ang naging mitsa upang buuin ang organisasyon. Itinatag ang Concerned Artists of the Philippines o Katipunan ng mga Alagad ng Sining para sa Mamamayan noong Agosto 1983.

Matagal nang “concerned” ang mga alagad ng sining sa kalagayan ng ating bayan. Sa panahon ng kolonyalismo sa ilalim ng Espanya at Estados Unidos, kasama ang mga manunulat, pintor, makata, mang-aawit, aktor, at marami pang propesyon sa larangan ng sining sa pagkilos para sa pambansang kasarinlan, tunay na kalayaan, at kapakanan ng mamamayang api. Ang pagsibol ng organisasyong tulad ng CAP ay pagpapatuloy sa makasaysayang tradisyon na ito.

Bago ang CAP, nariyan ang mga makabayang artista ng mga pangkulturang organisasyon ng pambansa demokratikong kilusan noong 1970s katulad ng Panday Sining, Nagkakaisang Progresibong Artista at Arkitekto (NPAA), at iba pa. Sa pormal na pagpataw ng Batas Militar ng diktadurang Marcos mula Setyembre 1972 hanggang Enero 1981, maraming miyembro ng mga organisasyong ito ang napilitang kumilos nang palihim o tumumungo sa kanayunan. Sa kabila nito, patuloy ang inisyatiba na magtayo ng mga samahan ng mga makabayang artista katulad ng Kaisahan noong 1976.

Kung babalikan ang mga kondisyong nagbigay-daan sa masiglang pakikiisa ng mga alagad ng sining sa kilusang pangmasa noon: tumitinding kahirapan ng mamamayan at lugmok na kalagayan ng ekonomiya, kalikasan, at kawalan ng nakabubuhay na industriya matapos ang isang dekada ng Batas Militar; patuloy na pagsikil sa freedom of the press and freedom of expression sa kabila nang lumalakas na kilos-protesta pagkatapos ng 1981; makasaysayang tradisyon at praktika ng sining at kultura na makabayan, makatao, at siyentipiko o progresibo, na pinanday ng karanasan ng mga rebolusyunaryong kilusan sa loob at labas ng bansa.

Lisa: Sinasalamin ng kasalukuyang kalagayan ng sining natin ang tumitinding krisis, ang mga umiiral na panlipunang kontradisyon ng ating bayan, at ang danas at mithiin ng mamamayan.

Ang ating sining sa pangkalahatan ay may mayamang tradisyon, malalim na kasaysayan, at materyal na batayan na nakaugat sa kalikasan at buhay ng mamamayan. Nararapat lamang na paunlarin ang pananaliksik, pagpapahalaga, at pagpapanatili nito.

Nanganganib itong mabura o makalimutan, pagkakitaan ng iilan, o baluktutin ng mga nasa kapangyarihan para sa sarili nilang kapakanan. Umiiral pa rin ang danyos na dulot ng piyudal at kolonyal na kultura sa ating kamalayan at nakaamba naman ang banta ng “erasure” dulot ng  kultural na opensiba ng globalisasyon. Itinuturing na kasangkapan, kalakal, at aliwan lamang ang sining at kultura—at hindi esensyal na bahagi ng ating pag-unlad bilang tao at lipunan.

Ang mga artist na Pilipino ay kasama sa pinakamahuhusay at pinakamalikhain sa rehiyon at maging sa buong mundo. Pero napakahirap mabuhay pa rin bilang artist sa ating bayan. Walang tiyak o tuloy-tuloy na hanapbuhay at trabaho, seguridad, suporta mula sa estado, at tunay na kalayaan sa pagpapahayag. Matindi ang ‘di pagkakapantay-pantay, lalo na sa pagitan ng mga manlilikha o manggagawa at ng mga patron at mga humahawak ng rekurso at kapital sa sining.

Lisa: Ipinagmamalaki ng mga Marcos na sila ay patron ng sining at kultura dahil sa dami ng pinatayo nila na gusali, institusyon (tulad ng Cultural Center of the Philippines), eskuwelahan, at monument, at sa agresibong pangtangkilik nila ng mga nito. Malaking badyet ng pamahalaan ang nakalaan para maitayo ang mga ito. Ginamit nila itong kapangyarihan upang palakasin ang sistemang padrino, nepotismo, at utang-na-loob sa komunidad ng sining. Ang anumang ambag ng rehimeng Marcos sa larangan ng sining at kultura ay siya ring nakakapinsala dahil para rin sa sariling interes nila ito at hindi para sa sambayanang Pilipino.

Huwag nating kalimutan na ang kapasidad ng mga Marcos na tumangkilik sa sining ay mula miso sa kaban ng bayan—galing man nito sa badyet ng pamahalaan o sa pamamagitan ng kanilang ill-gotten wealth. Kung wala ang buwis na sagisag ng dugo at pawis ng mamamayan, wala rin silang maipupuhunan para sa pagiging patron nila.

Lisa: Sumisigla ang paglikha ng sining protesta sa ating bayan.

Noong sumirit ang mga paglabag ng karapatang pantao at kahirapan noong rehimen ni Duterte noong 2016, at nagpatuloy at tumindi noong Covid-19 pandemic noong 2020 at sa termino ni Marcos Jr. simula 2022, maraming artist at manggagawang pangkultura ang nagpahayag ng galit at pakikiisa sa mga batayang sektor sa pamamagitan ng paglikha, pag-oorganisa, at pagkilos sa iba’t ibang antas.

Patunay rito ang likhang-sining at disenyo ng nakaraang dekada sa kalunsuran: ang mga bagong-tatag o revitalized na pangkulturang organisasyon o samahan, ang mga matatapang na pelikula at dula, mga public installation at street art, ang mga effigy at iba pang anyo ng sining-biswal para sa lansangan, mga painting at prints na may makabuluhang tema, mga bago at orihinal na awit, digital art, community pantries, latagan culture na progresibo, Kakampink art noong halalan, mga litrato, mga nobela, tula, at kuwento, editorial cartoons at illustrations, performances, at marami pa. Pagpapakita ito ng discontent at pagkasuklam ng mga manlilikha at ng karaniwang tao sa estado ng ating lipunan.

Nariyan rin ang rebolusyunaryong praktika ng sining mula sa mga sonang gerilya at mga artistang tumangan sa armadong pakikibaka, katulad nina Parts Bagani at Kerima Tariman. Itinuturing silang mga bayani dahil sa walang pag-iimbot na paglilingkod ng kanilang sining at buhay para sa masang api.

Kasama sa hamon sa mga lumilikha at tumatangkilik sa sining protesta ang popularisasyon sa masa, dokumentasyon, pagpapaunlad ng kritisismo at teorya ng sining at kulturang mapagpalaya, pag-angat ng kalidad ng paglikha at praktika, higit pang pagbibigkis ng mga manggagawa sa sining sa isang panlipunang puwersa, at pagpapalakas ng isang nagkakaisang prente ng mga alagad ng sining para biguin ang kultural na opensiba ng imperyalismo at pag-iral nito sa iba’t ibang bayan.

Lisa: Simple lang. There is no other choice. Be concerned and act, or perish in this crisis. Ating kabuhayan, buhay ng mamamayan, at kinabukasan ng lipunan ang nakasalalay rito.

Lisa: Sa mga pangkulturang institusyon. I-maximize ang libreng admission ng National Museum of the Philippines para sa educational tours at diskusyon. Dahil sa aking positibong karanasan sa pangkulturang institusyon sa pampublikong unibersidad (UP College of Fine Arts), hinihikayat ko ang pakikipagtulungan sa mga paaralan na may pasilidad, programa, at adhika para sa gawain at edukasyong pangkultura na mahigpit ang ugnayan sa kabataang estudyante at kabataan sa komunidad.

Maraming alternative art space at maliliit na gallery bukod sa digital at temporary platforms na nagdadala sa makabago at progresibong sining; mainam na tangkilikin ito. Dapat masiglang suportahan ang mga pangkulturang organisasyon tulad ng Tambisan sa Sining at Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo (Saka) para makapaglunsad ng higit pang mga immersion, palihan, at pangkulturang gawain sa mga komunidad ng batayang masa.

May mga paparating na film festival, tulad ng Cinemalaya, na may mga short films mula sa mga kabataang filmmaker at full-length ng mga direktor na progresibo, tulad nina Kip Oebanda, J Pacena, JL Burgos, at iba pa. Mainam na suportahan ang mga ito, pero dapat mas maging accessible ang presyo ng tiket at venue para sa karaniwang manggagawa. Dapat pasiglahin ang mga community film screenings at libreng pagpapalabas ng mga pelikulang makabuluhan.

Higit sa lahat, dapat tangkilikin ang sining-bayan, mga bukas na espasyo ng paglikha at edukasyon, at ang sining ng kilusang masa, lalo na ang mga likha ng batayang sektor.

Lisa: Nagdiriwang kami para sa apat na dekada ng sining at pakikibaka para sa kalayaan, karapatan, at katarungan. Sa karanasan ng CAP, napapatunayan na ang mga makabayang alagad ng sining ay hindi lang “concerned”, pero “committed” sa paglikha at pagkilos para sa bayan.

Tanaw natin para sa susunod na mga taon ang: patuloy na pasiglahin ang paglubog, pag-aaral, at paglikha; pahigpitin ang pagkakaisa ng mga alagad ng sining sa kilusang masa; at palawakin, higpitan ang ugnayan ng gawaing kultural sa loob at labas ng bansa.