close
Political Cinema

Pagtindig sa dilim ng pagkawala


Sa kasalukuyan, dumarami pa rin ang mga tulad ni Jonas na dinukot at iwinala ng mga ahente ng estado at patuloy na hinahanap ng kani-kanilang mga kaanak, kaibigan at tanggol-karapatan.

Sa bawat pahina ng kasaysayan, may mga kuwento at katotohanan na hindi dapat malimutan. Sa gitna ng ingay ng makabagong panahon, may mga boses na patuloy na naghahanap ng hustisya.

Isang mahalagang dokumentaryo ang maghahatid sa atin sa isang reyalidad na hindi pa rin natatapos: Ang mga kaso ng sapilitang pagkawala. Ito ang tema na nilalahad ni JL Burgos sa kanyang na dokumentaryong “Alipato at Muog.”

Naglalayag ang kuwento tungkol sa sapilitang pagkawala ng aktibista at peasant advocate na si Jonas Burgos mula sa perspektiba ng kanyang kapatid at direktor ng pelikula na si JL. Ilalahad dito ang sari-saring danas sa buong proseso at karanasan para hanapin ang katotohanan sa likod ng sapilitang pagkawala ni Jonas.

Sa matagal na panahong pagtanggi at pagsisinungaling ng Philippine Army na magbigay ng impormasyon ukol sa kinaroroonan ni Jonas, lumilitaw ang lantarang pagtatago ng katotohanan at pagkakait ng hustisya’t katarungan para sa pamilya Burgos.

Interbyu ni JL Burgos sa inang si Edita Burgos para sa dokumentaryong “Alipato at Muog” na isa sa mga entry sa Cinemelaya Film Festival ngayong 2024. Alipato at Muog/Facebook

Sabi ni JL, isang nagpapatuloy na krimen ang sapilitang pagkawala hanggang nananatiling nawawala ang biktima. Ibig sabihin, kahit mahigit 17 na taon nang nawawala si Jonas, nagpapatuloy ang krimen hanggang hindi siya naililitaw.

Kinakailangan din umanong ipaalala ang alaala at pakikibaka ng mga biktima ng sapilitang pagkawala dahil unti-unti ring nawawala ang mga ito sa kamalayan ng marami sa paglipas ng panahon.

“Sa paglikha ng pelikula, napapanatili ang mga aral at giting ng mga biktima sa nakararami,” ani JL.

Sa kasalukuyan, dumarami pa rin ang mga tulad ni Jonas na dinukot at iwinala ng mga ahente ng estado at patuloy na hinahanap ng kani-kanilang mga kaanak, kaibigan at tanggol-karapatan.

“Patuloy at dumadami pa ang biktima ng sapilitang pagkawala sa panahon ni Marcos Jr. Sa kasalukuyan ay meron ng 12 na nawawala sa loob pa lamang ng dalawang taon, ibig sabihin may dinudukot at nawawala kada dalawang buwan,” ani JL.

“Pagtindig,” isang salitang ginamit bilang paglalarawan sa dokumentaryo sapagkat paninindigan ito sa karapatang pantao. Sa pamamagitan ng mga alaala at dokumento, patuloy na humuhubog si JL Burgos at ang kanyang pelikula ng pag-asa at pagkilos.

Hangad ng dokumentaryo na magbigay inspirasyon at patuloy na magmulat sa katotohanan na hindi dapat baliwalain. Sa bawat pahina ng kasaysayan, may mga kuwento na hindi dapat malimutan—ang laban para sa katotohanan at katarungan ng “Alipato at Muog.”

Maaaring mapanood ang dokumentaryo sa Ago. 3-11, 2024 sa iba’t ibang sinehan sa Metro Manila. Sundan ang link na ito para sa mga iskedyul at detalye.