close

Pulis na nanagasa ng mga raliyista, pinaaaresto


Pinaaaresto ng korte si Police Staff Sgt. Franklin Kho dahil sa pananagasa gamit ang police mobile sa mga aktibistang nagpoprotesta sa harap ng United States Embassy sa Maynila noong Okt. 19, 2016.

Nahaharap si Police Staff Sgt. (noo’y Police Officer III) Franklin Kho sa tatlong kaso ng attempted homicide matapos maglabas ng warrant of arrest ang Manila Metropolitan Trial Court Branch 7 nitong Hun. 26.

Pinaaaresto ng korte si Kho dahil sa pananagasa gamit ang police mobile sa mga aktibistang nagpoprotesta sa harap ng United States Embassy sa Maynila noong Okt. 19, 2016.

Ayon sa warrant, pinahaharap si Kho sa husgado para sa pagbasa ng sakdal at pre-trial sa Set. 2, 2024 at pinatawan ng P36,000 na piyansa sa bawat kaso o may kabuuang P108,000 para sa tatlong kaso.

Kabilang naman sa nagreklamo sa pulis na nanagasa sina Katribu secretary general Piya Malayao, Nicole Soria, Raymart Sumalbag, Reynaldo Moldon, Dionesio Abear, Dr. Julie Caguiat, Reyan Naong at Baling Catubigan.

Nagprotesta noong 2016 ang mga progresibong grupo at katutubong mamamayan sa embahada ng Amerika para kondenahin ang pandarahas ng mga negosyo at tropang Amerikano sa mga katutubong komunidad sa bansa.