close

Sa bangketa ng Divisoria

Ilang alkalde na ang nagdaan sa Maynila ngunit walang solusyon na inilalatag para sa mga manininda. Walang alternatibong relokasyon ang pamahalaang lokal ng Maynila para sa mga apektado ng clearing operation.

Naging takbuhan ng mga Pilipino ang Divisoria dahil sa abot-kayang paninda. Ngunit sa kabila ng murang bilihin, puwersahang ginigipit ang mga maliliit na manininda na kumakayod para sa kakarampot na kita. 

Hindi na bago para sa mga manininda ng Divisoria ang biglaang pagpapaalis sa kanila ng Bureau of Permit ng pamahalaang lokal ng Maynila. Ngunit patuloy pa rin silang nangangamba dahil bukod sa kinukumpiska ang kanilang paninda, pinapatawan din sila ng P5,000 multa o 30 araw na pagkakakulong.

Ipinatupad noon ni dating Manila Mayor Joseph Estrada ang Executive Order No. 15 na nagbabawal sa mga nakaparadang sasakyan at mga maninindang nagiging sagabal sa daan.

Ipinagpatuloy ni Honey Lacuna-Pangan, kasalukuyang alkalde ng Maynila, ang pagpapatupad sa patakarang ito. Nasa 16 na lugar ang apektado ng “no parking, no vending” kabilang ang Blumentritt Road, United Nations Avenue, Pedro Gil Street, Carriedo Street at Taft Avenue sa mga lugar na mahigpit sa mga manininda. 

Nang dahil dito, patuloy ang hinagpis nila. Bukod kasi sa lumalalang krisis sa ekonomiya na nagdulot ng malaking epekto sa kanilang kita, walang alternatibong relokasyon ang pamahalaang lokal ng Maynila para sa mga apektado ng clearing operation. 

Ilang alkalde na ang nagdaan sa Maynila ngunit walang solusyon na inilalatag para sa mga manininda. Sa katunayan, mas pinaigting pa ang pagsuyod sa Divisoria matapos magbigay ng pahayag ang chief operations ng Manila Hawkers na si Sammy Duenas. Aniya, hindi na papayagan ang mga nagtitinda gamit ang kariton. 

Kinakabahang isinasalaysay ni Maria (hindi niya tunay na pangalan), 59 na anyos na manininda sa Divisoria, ang kahilingan na ibalik na sa kanya ang mga kinumpiskang paninda ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Maria, walang eksaktong araw o hindi nila alam kung kailan nangyayari ang mga clearing operation sa Divisoria. Bigla-biglaan lang itong nangyayari at sumunod na lang silang mga manininda sa mga sinasabi ng pulisya.

Sa pagdiriwang ng mga Muslim sa Maynila ng Eid al-Adha noong Hun. 17, inakala ni Maria at mga kapwa manininda na maaari silang magbenta sa lansangan ng umaga. Inarangkada niya ang kariton na naglalaman ng samu’t saring sariwang mga prutas. Sa kasamaang palad, nauwi sa luha at pagmamakaawa ang ginawa ni Maria kaysa sa kita para ipambili sana ng pagkain.

Dalawang dekada nang nagtitinda si Teresita Rosario ng eco bag sa Divisoria. Kabilang siya mga maninindang apektado ng clearing operation ng pamahalaang lokal ng Maynila. Hannah Kristine Juan/ Pinoy Weekly

Ibinahagi ni Maria na biglang kinuha ng pulisya ang kanyang kariton kasama ang lahat ng kanyang mga panindang prutas. Mapapanatag aniya ang kanyang pakiramdam kung mababawi ang mga prutas kahit na hindi na kasama ang kanyang kariton.

“Kahit ‘yung prutas na lang muna ‘yong kunin ko. Kahit ‘yong kariton ay maiwan na lang kasi ‘yong [prutas] naman ang importante kasi pera,” giit ni Maria.

Biyuda si Maria at sa 20 taong pagtitinda sa Divisoria niya nabuhay ang kanyang tatlong anak.

Sa kabilang banda, ikinuwento naman ni Teresita Rosario, 82 anyos na manininda ng eco-bag, kailangan umikot-ikot at huwag mananatili sa iisang lugar upang hindi mahuli sa tuwing naghihigpit sa Divisoria at bawal ang pagtitinda.

“‘Yong kay Mayora, maraming vendors na hindi nakakabenta,” giit ni Teresita

Dalawang dekada nang naglalako ng mga panindang bag si Rosario. Aniya, sa ilang taong pamamalagi sa Divisoria, mas nahirapan siyang ibenta ngayon ang mga inilalako niya dulot ng takot sa clearing operation.

Apektado ang araw-araw niyang kita dahil napipilitan siyang umuwi tuwing may mga pulis na umaaligid para paalisin sila. Sabi niya, nagiging sunud-sunuran na lang sa mga opisyales ang mga maliliit na negosyanteng katulad niya na naghahangad lang na maitaguyod ang pamilya.

Kabilang sina Teresita at Maria sa apektado ng panunupil ng pamahalaang lokal. Anila, ngayong taon ang pinakamatinding kinakaharap ng mga manininda dahil halos araw-araw nagkakaroon ng clearing operation.

Sakit rin sa ulo nila ang mga pulis. Dahil kung minsan, umaabot sa libo ang halaga ng mga produktong hinihingi o sapilitang kinukuha ang kanilang mga paninda. Labag man sa loob, hinahayaan na lang nila kaysa paalisin sila sa puwesto. 

Dumagdag pa sa kanilang sama ng loob ang pagpapagawa ng parking space ng pamahalaang lokal sa mga espasyong karaniwan nilang pinupuwestuhan. Kaya napipilitan na lang maglako kaysa pumuwesto sa bangketa ang ibag mga manininda.

Sa kabila ng panggigipit, walang silang tulong na natatanggap mula sa pamahalaang lokal. Mula noon hanggang ngayon, umaasa lang sila sa mga mamimili na nagiging takbuhan ang Divisoria para sa murang bilihin. 

Kahit mahigpit ang pamahalaang lokal ng Maynila, tuloy pa rin sila sa pakikipagsapalaran. Maliban sa kaakibat na kaba at takot dahil sa maaaring pagsugpo sa kanilang kabuhayan at kalayaan, kakagatin nila ito kaysa kumalam ang mga sikmura.

Malasakit, pag-intindi at plano para sa kanila lang ang kanilang hiling sa mga pulis at nakaupong opisyales, hindi ang marahas na pagkuha at pagkamkam sa kanilang kinagisnang hanapbuhay.