close

Sining protesta sa People’s SONA 2024


Ipinamalas ng iba’t ibang sektor ang mga mga makukulay at malikhaing plakard, balatengga, effigy at pagtatanghal upang maghatid at mag-iwan ng mahahalagang mensahe at panawagan sa mas maraming mamamayan.

Sinabayan ng iba’t ibang sektor ng protesta ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr. nitong Hul. 22 na tinawag “People’s SONA” upang ilantad ang tunay na kalagayan ng bayan.

Sa kabila ng palakpakan at hiyawan ng mga opisyales ng gobyerno sa talumpati ni Marcos Jr. sa loob ng Batasang Pambansa, tinambol naman sa lansangan ng mga progresibong grupo ang nararanasang kahirapan, pananamantala at pagyurak sa karapatan na ginagawa ng rehimen sa sambayanan.

Ipinamalas ng iba’t ibang sektor ang mga mga makukulay at malikhaing plakard, balatengga, effigy at pagtatanghal upang maghatid at mag-iwan ng mahahalagang mensahe at panawagan sa mas maraming mamamayan.

Naging bahagi ng kilos-protesta ang pagpapakita ng ilang grupo ng mga kalbaryo at pangunahing problema na dinaranas ng taumbayan sa ilalim ni Marcos Jr. Hannah Juan/Pinoy Weekly

Tumindig ang grupong Pamalakaya upang ipanawagan ang mapayapang resolusyon sa sigalot ng West Philippine Sea gamit ang hugis sagwan na plakard na sumisimbolo sa pagsuporta sa mga mangingisda. Macky Macaspac/Pinoy Weekly

Patuloy ang pagdaing ng grupong Kadamay dahil sa patuloy na panunupil ng gobyerno sa mga manggagawa at pagkakait ng panirahan sa maralita. Macky Macaspac/Pinoy Weekly

Bitbit ng mga grupo ng katutubong mamamayan ang mga sibat para ipakita ang kanilang paglaban sa pananamantala at paghahari ng mga Marcos at Duterte. Macky Macaspac/Pinoy Weekly

Nanawagan ang mga mag-aaral ng Philippine Normal University na isabatas na ang nakabinbing P50,000 na entry-level na suweldo para sa mga guro. Deo Montesclaros/Pinoy Weekly

Pinagulong ng Concerned Artist of the Philippines ang “Bolang Pilipinas” na sumisimbolo sa pambobola at pambibilog ng administrasyon sa mga Pilipino. Charles Perez/Pinoy Weekly

Isang drag performance na may temang pageant ang itinanghal ng Concerned Artists of the Philippines kung saan ipinakita ang bangayan ng mga Marcos at Duterte sa politika. Charles Perez/Pinoy Weekly

Sumama sa kilos-protesta ang mga manggagawa ng Nexperia matapos ang biglaang pagtanggal at paglabag ng kompanya sa kanilang collective bargaining agreement. Charles Perez/Pinoy Weekly

Iginiit ng mga grupo ng manggagawa na hindi sapat ang P35 wage increase. Ipinapakita ng balatengga na umaabot sa P1,200 ang family living wage. Michelle Mabingay/Pinoy Weekly

Sinasabayan ng mga kabataang aktibista ang parody ng sikat na awit ng grupong Bini na itinanghal sa People’s SONA. Neil Ambion/Pinoy Weekly

Pagsira sa effigy nina Marcos Jr. at Sarah Duterte. Neil Ambion/Pinoy Weekly