close

US-PH nuclear cooperation, panganib sa soberanya ng bansa

Batay sa kasunduan, palalakasin nito ang energy cooperation at magbibigay ng teknolohiyang nukleyar sa bansa. Ngunit ayon sa Gabriela, ang  tunay na layunin ng kasunduan ay ang magsilbi sa interes ng Amerika.

Naalarama ang mga grupong Gabriela at Agham sa pagpasok ng mga gobyerno ng Pilipinas at Amerika sa Civil Nuclear Cooperation Agreement dahil nilalagay nito sa panganib ang soberanya at kalikasan ng Pilipinas.

“Ang nuclear deal na ito’y hindi tungkol sa pagbibigay ng serbisyo sa mga Pilipino. Ito ay paggamit sa bansa bilang US military outpost at storage facility para sa kanilang war machinery,” ani Gabriela secretary general Clarice Palce.

Sinabi naman ng Agham na bahagi ang kasunduan ng pagsusulong ng United States (US) sa makasariling interes nito sa Pilipinas.

“Ang 123 Agreement ay malinaw na halimbawa ng huwad na kabutihang loob [ng US] at nilalantad nito ang patuloy na estratehiya na panatilihin ang politikal at ekonomikong pagsandig [ng US] sa kanilang mga neokolonya gaya ng Pilipinas, ” sabi ni Vincent Munar, isang nuclear engineer mula sa Agham.

Diniin din ni Palce na hinahayaan lang ng kasunduan na ito ang patuloy na paggamit ng US sa Pilipinas bilang papet sa mga adyendang pangmilitar.

“Pinahihintulutan ni President Marcos Jr. ang paggamit sa Pilipinas bilang tauhan ng US sa mga agresibong military agenda sa Asia-Pacific na rehiyon,” wika ni Palce.

Batay sa kasunduan, palalakasin nito ang energy cooperation at magbibigay ng teknolohiyang nukleyar sa bansa. Ngunit ayon sa Gabriela, ang  tunay na layunin ng kasunduan ay ang magsilbi sa interes ng US.

“Maaaring itago nila ang tunay nilang intensiyon sa simula sa pamamagitan ng pagtutok sa batayang serbisyong panlipunan, pero alam naming sa huli, ito’y magsisilbi sa interes ng mga dayuhan at korporasyon, hindi sa mga Pilipino,” paliwanag ni Palce.

Dagdag ng Agham, hindi pa sapat ang pag-aaral tungkol sa nukleyar na enerhiya upang magpatuloy ang kasunduan na ito.

“Nanatiling hindi sapat ang pag-aaral sa nukleyar na enerhiya sa Pilipinas. Wala pang komprehensibong feasibility study na magtutukoy ng kaangkupan nito lalo sa pangkalikasan, panlipunan at politikal na konteksto ng bansa,” ani Munar.

Nakatakdang magpatuloy ang Civil Nuclear Cooperation Agreement ngayong taon.