Paghahanap ng hustisya para sa mga dinukot na aktibista
Ramdam ang galit at lungkot sa bawat panayam sa mga kaanak at kaibigan ng biktima. Naglalaro ang mga tanong na bakit, nasaan at kung buhay pa ba.
Sa pagpasok ng Agosto, pinaingay ng pelikulang “Alipato at Muog” ang pagpupugay kay Jonas Burgos o JJ—isang anak, ama, asawa, kapatid, kaibigan, magsasaka at aktibistang naging desaparecido o biktima ng sapilitang pagkawala sa ilalim ng malagim na rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa pamamagitan ng dokumentasyon at masikhay na paglalarawan, naipakita ng direktor na si JL Burgos, nakababatang kapatid ni Jonas, ang kuwento ng pagkawala ng kanyang kuya at ang dumaraming bilang ng mga nawawalang aktibista sa bansa.
Detalyadong isiniwalat ng pelikula ang paghahanap kay Jonas at sa katotohanang pilit pinagtatakpan at ibinabaon sa limot ng estado. Makikitang kalahati ng pelikula ang tumatalakay sa mga ginawa ng pamilya ni Jonas upang makahanap ng sapat na ebidensiya na makapagtuturo kung nasaan siya.
Ngunit hindi lang isa o dalawang beses pinaikot ng militar at pulisya ang kaso ni Jonas. Bukod sa pamilya Burgos, maraming eksena rin ang umikot sa militar at pulisya dahil sila ang pinaghihinalaang dumukot sa biktima.
Ramdam ang galit at lungkot sa bawat panayam sa mga kaanak at kaibigan ng biktima. Naglalaro ang mga tanong na bakit, nasaan at kung buhay pa ba.
Ito ang malagim na reyalidad sa buhay ng mga Burgos: Ang walang katapusang tanong at habambuhay na pagtangis dahil sa 17 taong pagkawalay sa kaanak na naghahangad lang ng makatarungang lipunan.
Sa kabila nito, hindi sila nawawalan ng pag-asa sa muling pagbabalik ni Jonas. Sa katunayan, tiyak na tatatak sa isipan ng mga manonood ang paborito kong eksena kung saan nagsalita ang ina ni Jonas na si Edita Burgos.
Aniya, umaasa siyang biglang kakatok sa pintuan ng bahay nila ang kanyang anak—sabik sa yakap na pupunan ang ilang taong pagkawalay at pananabik nila sa isa’t isa.
Mabigat at malalim ang eksena dahil tumatalakay ito sa personal na nararamdaman ng pamilya. Ngunit ito ang nais ipakita ng pelikula—ang walang katumbas na galit sa mga dumukot, takot para sa kaligtasan ni Jonas at pati na rin ang matinding pag-asa na ligtas itong makakauwi balang araw.
Malaki ang ginampanang papel ng pelikulang ito sa Cinemalaya XX dahil bukod sa kuwento ng pagdukot kay Jonas, naging tulay din ito upang ipakita ang iba pang paglabag sa karapatang pantao tulad ng ilegal na pag-aresto, pananakot at patuloy na pagdami ng mga desaparecido sa kasalukuyang rehimen.
Matagumpay na nabigyan ng pagkakataon ng “Alipato at Muog” ipakita sa mga manonood ang rason kung bakit ganoon na lang ang galit ng mga aktbista sa mga pulis at militar dahil sa ilang eksena dito.
Bago matapos ang pelikula, isang retrato ni Jonas ang ipinakita. Nakababa ang piring at bakas sa kanyang mukha ang mga pinagdaanang pagpapahirap.
Kabilang ako sa mga manonood na nakaramdam ng pinaghalong lungkot at galit. Nag-iwan ito ng kakaibang bigat sa dibdib na dala-dala ko hanggang sa pag-uwi, pagtawid ng kalsada hanggang sa pagpikit bago matulog.
Subalit sigurado ako na magsisilbing daan ang galit at bigat na ito upang patuloy na sariwain ang pagdukot kay Jonas—umabot man ng ilang dekada, magpapatuloy ang pakikibaka para sa hustisya hindi lang para sa kanya kung hindi pati na rin sa iba pang desaparecido. Ganito kabigat at katagal tatatak ang pelikula.Magtatagal ng siyam na araw ang “Alipato at Muog” sa mga piling sinehan kabilang ang Ayala Malls Manila Bay, Greenbelt, Market Market, TriNoma at UP Town Center. Maaari rin bisitahin ang page ng dokumentaryo para sa karagdagang impormasyon.