close

CCTV footage ng pagdukot kay Salaveria, isinapubliko


Sa mga bidyong nakuha ng Karapatan, makikita na sapilitang pinasakay si Felix Salaveria Jr. ng mga lalaking nakasibilyan sa isang gray na van noong umaga ng Ago. 28 malapit sa bahay ng biktima sa Tabaco City, Albay.

Inilabas ng human rights watchdog na Karapatan ang mga kuha ng mga closed-circuit television (CCTV) camera?? sa lugar na pinangyarihan ng pagdukot kay Felix Salaveria Jr. sa Bgy. Cobo, Tabaco City, Albay. Nakuha ang mga video ng search mission ng grupo noong Set. 11-13.

Sinabi ng human rights watchdog na nakabibingi ang katahimikan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at mga awtoridad sa mga insidente ng pagdukot na lalo lang umano nagpapatibay sa hinalang kagagawan ng mga elemento ng estado ang pagkawala ni James Jazmines noong Ago. 23 at Salaveria noong Ago. 28.

Sa mga bidyong nakuha ng Karapatan makikita na sapilitang pinasakay si Salaveria ng mga lalaking nakasibilyan sa isang gray na van noong umaga ng Ago. 28 malapit sa bahay ng biktima. Nakuha rin ng CCTV footage ang plate number ng sasakyang ginamit sa pagdukot.

Sinabi rin ng mga saksi na nilooban ng mga unipormadong pulis ang bahay ni Salaveria at kinuha ang mga personal na gamit ng biktima, kasama ang cellphone at laptop, matapos ang insidente ng pagdukot.

“Ang operasyong katulad nito’y highly organized at ginawa nang tirik ang araw, indikasyon na walang habas ang karakter ng krimen,” ani Karapatan secretary general Cristina Palabay.

Sabi pa ni Palabay, parehas ang mga indikasyon sa pagkawala nina Jazmines at Salaveria sa iba pang kaso ng pagdukot na ginawa ng mga puwersa ng estado.

“Nananatili ang maraming katanungan sa pagkawala ng dalawa, kasama dito ang tanong sa tungkulin ng estado na imbestigahan ang mga ganitong insidente. Hanggang ngayon, walang pa ring opisyal ng pamahalaan ang nagpapahayag sa publiko tungkol sa pagdukot,” dagdag niya.

Isinasaad sa Republic Act 10353 o Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act na obligado ang mga puwersang panseguridad ng estado na maglabas ng sertipikasyon sa kinaroroonan ng nawawalang tao.

Obligado rin silang ipaalam ang lokasyon ng lahat ng kulungan at pahintulutan ang inspeksiyon ng Commission on Human Rights (CHR). Maaari namang maparusahan ng habambuhay na pagkabilanggo ang mga awtoridad ng estado na responsable sa sapilitang pagkawala.

Ayon kay Palabay, mayroong 15 biktima ng sapilitang pagkawala sa ilalim ni Marcos Jr. at ang huling tatlo’y nangyari nitong nakaraang Agosto. Kasama rito ang pagkawala ni Rowena Dasig, isang tanggol-kalikasan at dating bilanggong politikal na hindi na makita matapos mapawalang sala sa mga gawa-gawang kaso.

“Nananawagan kami sa CHR na gawin ang mga nararapat na hakbang upang seguruhin ang masusing imbestigasyon sa pagdukot kina Jazmines at Salaveria sa pag-asang sa pamamagitan nito’y mahahanap sila,” sabi ni Palabay.

Dapat umanong managot at maparusahan ang mga responsable sa buong bisa ng batas at mabigyan ng katarungan ang mga biktima at kanilang pamilya.