2 unyonista ng Timog Katagalugan, inaresto sa Makati
Kinondena ng Kilusang Mayo Uno ang pag-aresto ng mga elemento ng estado sa dalawang unyonista mula sa Timog Katagalugan dahil sa mga gawa-gawang kaso nitong Okt. 27 sa Makati City.

Kinondena ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pag-aresto ng mga elemento ng estado sa dalawang unyonista mula sa Timog Katagalugan dahil sa mga gawa-gawang kaso nitong Okt. 27.
Inaresto sa inuupahang bahay sa Pililia St., Brgy. Valenzuela, Makati City sina Gavino Panganiban, director for campaigns ng Pagkakaisa ng mga Manggagawa ng Timog Katagalugan (Pamantik-KMU), rehiyonal na balangay ng sentrong unyong KMU, at Maritess David, organisador ng Organized Labor Association in Line Industry and Agriculture (Olalia-KMU), isang pambansang pederasyon ng KMU.
Ayon sa KMU, bago umano arestuhin ang dalawa, mahigpit nilang sinusubaybayan ang kalagayan ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan upang magsaayos ng relief operations matapos manalasa ang Bagyong Kristine noong nakaraang linggo.
Sa ulat ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), inaresto ang dalawa ng mga pinagsamang puwersa ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army at Southern Police District ng Philippine National Police (PNP) National Capital Region Police Office gamit ang mga arrest warrant mula sa mga korte sa Timog Katagalugan.
Dagdag pa ng CTUHR, walang matibay na batayan ang mga kasong isinampa kay Panganiban na murder at attempted murder sa mga warrant ng mga korte sa Infanta at Gumaca sa lalawigan ng Quezon at kasong illegal possession of firearms and ammunition kay David sa warrant ng korte sa Sta. Rosa City sa Laguna.
Nagmula ang kaso ni David sa reyd sa dating opisina ng Alyansa ng mga Manggagawa sa Engklabo sa operasyong ng pulisya sa “Bloody Sunday” noong 2021 kung saan tinamnan ng mga baril at pampasabog ang opisina bago ibigay ang search warrant.
“Naninindigan kami na walang batayan ang mga kaso laban kina Panganiban at David at ginawa ang mga [warrant of arrest na] ito para subukang supilin ang pagtutol ng mga manggagawa sa nakapakong sahod sa gitna ng nagtataasang ng mga presyo [ng mga bilihin],” pahayag ni Pamantik-KMU acting spokesperson Antonio Fajardo sa wikang Ingles.
Isang unyonista si Panganiban mula sa Plastic Group and Fine Chemicals noong 1980s, habang isang dating guro naman si David na nagin paralegal at organisador ng mga obrero.
“Kung nagyayabang ngayon ang AFP (Armed Forces of the Philippines), PNP at NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict), pinapatunayan lang talaga nilang isa ang Pilipinas sa may pinakamasahol na kalagayan para sa mga anakpawis,” ani Fajardo patungkol sa 2024 Global Rights Index ng International Trade Union Confederation.
Sa pagdakip sa dalawa, mayroon na ngayong 28 unyonista, organisador ng mga manggagawa at aktibista na nakapiit dahil sa pagtatanim ng ebidensiya, gawa-gawang kaso at mabagal na prosesong legal.
“Ang pag-aresto kina Panganiban at David ay isa na namang patunay ng mga paglabag sa mga karapatan ng mga manggagawa sa kalayaan sa pag-oorganisa at iba pang mga batayang karapatang pantao at karapatan sa paggawa na paulit-ulit nang kinondena ng International Labour Organization at iba pang internasyonal na organisasyon,” wika ni CTUHR deputy director Kamz Deligente sa Ingles.
Samantala, hinarang at itinaboy ng mga nakaposteng pulis Makati ang fact finding mission ng Pamantik-KMU at Karapatan Southern Tagalog, kasama ang mga kaanak ng mga inarestong unyonista, para sana pumunta sa inuupahang bahay nina Panganiban at David mula noong Okt. 28.
Pinipigilan ng PNP Makati na mapuntahan ng mga paralegal ng Karapatan ang bahay upang pangalagaan ang mga personal na gamit ng dalawa. Giit ng Karapatan, walang kapangyarihan ang pulisya na pigilan ang kanilang mga paralegal na pumasok sa bahay ng dalawa dahil sa kawalan ng search warrant.
Nananawagan ang KMU, CTHUR, Pamatik-KMU, Olalia-KMU, Karapatan at iba pang progresibong grupo na agad na palayain sina Panganiban at David.