Kasong ‘terrorism financing’ sa 3 devt worker sa Ilocos, kinondena
Nahaharap sa gawa-gawang kasong “terrorism financing” ang tatlong manggagawang pangkaunlaran mula sa dalawang non-government organization sa Ilocos Region.

Nagprotesta ang iba’t ibang grupo sa tapat ng Department of Justice (DOJ) sa Maynila nitong Nob. 7 para kondenahin ang alegasyong “terrorism financing” na isinampa ng mga pulis laban sa tatlong development worker sa Ilocos Region.
Noong nakaraang buwan, nakatanggap ng mga subpoena mula sa DOJ sina Petronilla Guzman at Lenville Salvador, mga beteranong development worker at kasalukuyang mga board member ng Katinnulong Daguiti Umili iti Amianan-Peoples Partner in Northern Luzon Inc. (Kaduami), at si Myrna Zapanta, isang church worker at miyembro ng kalihiman ng Ilocos Regional Ecumenical Council (IREC).
Pinagpapaliwanag sila ng ahensiya hinggil sa paratang na paglabag sa Section 7 at 8 ng Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012.
Ayon sa Kaduami at Ilocos Center for Research Empowerment and Development (ICRED), patunay ito na ginagamit ng gobyerno ang mga batas para pahirapan ang mga aktibista at development worker na naglilingkod sa mga marhinadong komunidad.
“Ang pagturing sa gawaing pangkaunlaran bilang terorismo ay hindi makatarungan dahil binabalewala nito ang mga pangunahing prinsipyo ng demokrasya. Sa tingin ng [grupo], [ito] ay isang judicial harassment laban sa amin, ‘yong legitimacy ng aming mga gawain bilang development workers,” sabi ni Kaduami executive director Nida Tundangui sa ulat ng Northern Dispatch.
Para naman kay ICRED head Florence Kang, “Weaponization lamang ng batas para i-criminalize ang pagkawang-gawa at habag sa mamamayang nangangailangan” ang isinampa laban kina Guzman, Salvador at Zapanta na kapwa aktibo sa relief operations at adbokasiya sa pagsusulong ng karapatan.
Bago ang alegasyon sa tatlo, nauna nang nagsampa ng parehong kaso ang pulisya laban sa may-ari ng sari-sari store sa Besao, Mountain Province dahil sa umano’y pagsuporta sa New People’s Army.
Noong nakaraang taon, binansagan ding terorista ng Anti-Terrorism Council gamit ang batayan ng Anti-Terrorism Act of 2020 ang mga lider ng Cordillera People’s Alliance na sina Jennifer Awingan-Taggoa, Steve Tauli, Sarah Abellon-Alikes at Windel Bolinget. Patuloy na gumugulong at hinahamon ang kasong ito sa Baguio Regional Trial Court.
Sa kasalukuyan, mahigit 99 kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang naitala sa rehiyon ng Ilocos simula nang maupo sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.