Mga baon mula sa bukid
Habang lumalaki ako, at ngayong malapit nang magtapos sa Polytechnic University of the Philippines, lalong naging malinaw sa akin ang mga hamon na kinakaharap ng mga magsasaka.

“Sana bata na lang ulit ako.” Madalas ko ‘tong ibulong sa sarili. Sa bawat paglipas ng panahon, lalo kong naaalala ang simpleng kasiyahan ng aking pagkabata sa bukid. Nakaukit na sa alaala ko ang pag-akyat sa puno, ang paglalaro sa putikan at mga gawaing bukid. Nag-iwan lahat ng ‘to ng malalim na marka sa aking puso.
Ipinanganak ako sa sa bahay namin sa Antique, isa sa apat na probinsya ng Panay Island. Pagsasaka at pangingisda ang pangunahing pinagkakakitaan ng mga naninirahan sa Antique kaya ang kabataan ko ay nagugol ko sa paglalaro sa kalye, sakahan at dagat.
May maliit na lupang minana mula sa mga ninuno namin ang tatay ko na sinasaka nito noong nabubuhay pa siya. Ipinasasaka na ngayon ito ng nanay ko sa kamag-anak namin na binibigyan ng malaking porsiyento tuwing anihan.
Hindi ko malilimutan ang paghatid ng almusal o tanghalian sa mga nag-aani sa palayan, kasama si mama at ang kapatid ko. Kapag sumasama kaming magkapatid sa palayan, umaasa kaming makaligo sa irigasyon. Ganoon kami, mga batang walang kamuwang-muwang na nagpapaagos sa malamig na daloy ng tubig.
Naranasan ko rin magpulot ng kung ano-ano sa mala tsokolateng palayan. Tinatanggal namin ang mga kuhol na sumisira sa palayan o kaya tinitipon ang mga suso para gawing ulam kinabukasan. Nang tumuntong ako sa ikaapat na baitang, pinayagan na kaming sumama sa mga aya ng kaklase na pumunta ng baybay para maglaro sa dalampasigan. Doon, hinahatian kami ng mga mangingisda ng kapirasong huli kapalit ng pagtulong sa paghila ng lambat.
Laro lang ang lahat ng iyon para sa aming mga bata. Dahil normal na gawain na ito ng mga kabataan sa amin, hindi sumagi sa isipan ko na ginagawa lahat ng ito dahil sa hirap ng buhay.
Ang pagsasaka ay hanapbuhay at isang paraan ng pamumuhay kaya pati ang paglalaro namin, may ambag sa pagtatanim at pag-aani. Hindi ko lubos na naiintindihan ito noong bata ako kaya ngayon ko lang mas nabibigyang halaga ang pagsisikap at pagtitiyaga ng aming komunidad. Bunga ng pawis at pagod ng aming mga magulang at ng maraming mga magsasaka ang bawat butil ng palay.
Habang lumalaki ako, at ngayong malapit nang magtapos sa Polytechnic University of the Philippines, lalong naging malinaw sa akin ang mga hamon na kinakaharap ng mga magsasaka. Kasama dito ang pagbabago ng klima, ang pagtaas ng presyo ng pataba at pestisidyo, ang panghihimasok ng mga malalaking korporasyon sa agrikultura, at ang kakulangan sa suporta mula sa pamahalaan.
Nanatili sa bukid ang aking puso kahit na nakatira na ako sa siyudad ngayon. Nagsisilbing inspirasyon ang aking mga alaala sa pagsusumikap kong makapag-ambag sa pag-unlad ng bansa, lalo na sa mga magsasaka na nagbibigay sa atin ng pagkain.