close

Sigaw ng NGOs: Itigil ang panggigipit!

Ginagamit na rason ng pamahalaan ang “Project Exit the Greylist” para gipitin at siraan ng mga organisasyong nagsusulong ng mga karapatan at naghahatid ng tulong at serbisyo sa mga mahihirap na komunidad.

Nanawagan ang Defend NGOs Alliance na itigil ang pag-atake at paninira sa mga non-government organization (NGO) at civil society organization (CSO) ng gobyerno sa kanilang unang pambansang pagtitipon sa Quezon City nitong Dis. 4

Binigyang-diin ng alyansa ang mahalagang papel ng mga NGO at CSO sa pag-unlad ng mga komunidad at ng bansa. Anila, sa kabila ng mga hamong kinakaharap, nananatili silang matatag sa pagtatanggol ng karapatan ng mamamayan, pagtataguyod sa demokrasya at pagsusulong ng kaunlaran para sa lahat.

“Itong pagkakabuo ng alyansa ay naaayon sa panahon. Lalo ngayon, may mga pangyayari kung saan ultimo humanitarian workers mismo ang nanggigipit sa ating mga panlipunang espasyo, napakahalaga nito dahil dito tayo ay nakakapagsama-sama para ipakita ang pagkakaisa,” sabi ni Sibol ng Agham at Teknolohiya executive director Estrella Catarata sa wikang ingles.

Isa si Catarata sa 27 dati at kasalukuyang kasapi ng Community Empowerment Resource Network na nakabase sa Cebu na kinasuhan ng Department of Justice ng “terrorism financing” noong Mayo 8, 2024 dahil sa paratang na pagbibigay ng suportang pinansiyal sa yunit ng New People’s Army sa Negros Oriental.

Ayon kay Jazmin Jerusalem, tagapagsalita ng alyansa at executive director ng Leyte Center for Development, umabot na sa 69 indibidwal at 29 NGO sa buong bansa ang nakararanas ng panggigipit kasabay ang pagharap sa mga gawa-gawang kaso na may kaugnayan sa terorismo sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

“Mas maraming development workers at organizations ang hina-harass ng kasalukuyang gobyerno sa pamamagitan ng pag-weaponize ng anti-terrorism measures kung ikukumpara sa dating administrasyong Duterte,” sabi ni Jerusalem.

Dagdag niya, inaantala nito ang pagbibigay ng tulong at serbisyo sa milyon-milyong benepisyaryo ng mga NGO sa buong bansa. Partikular na naapektuhan ang mga magsasaka, mangingisda at mamamayang sinalanta ng mga bagyo at kalamidad sa malalayong lugar.

Nagreresulta ang kasong “terrorism financing” sa mga manggagawang pangkaunlaran ng pag-freeze ng Anti-Money Laundering Council sa kanilang mga personal na bank account, maging ang mga bank account ng kanilang mga organisasyon at malapit na kamag-anak, kaya nagiging limitado ang kanilang pagseserbisyo.

Nalalagay din sa peligro ang buhay, kalayaan at kaligtasan ng mga manggagawang pangkaunlaran dahil sa paniniktik at pagbabanta ng mga puwersa ng estado.

Ayon sa pag-aaral ng National Union of People’s Lawyers at Council for People’s Development and Governance, kinakasangkapan ng gobyerno ang balangkas ng Financial Action Task Force Compliance (FATF) upang bigyan katuwiran mga panggigipit sa mga NGO.

Isang pandaigdigang organisasyon ang FATF na nagtakda ng 40 rekomendasyon upang labanan ang money laundering at ang pagpopondo ng terorismo.

Dagdag pa, ang pagdami ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga NGO at CSO ay bahagi lang ng paper compliance ng gobyerno sa arbitraryong quota na kinakailangan para matanggal ang Pilipinas sa “grey list” ng FATF.

Nangangahulugan ang pagkakabilang sa “grey list” ng FATF ng mas mahigpit na pagsubaybay sa galaw ng pinansiya. Maaari namang patawan ng mga parusang pang-ekonomiya at pampinansya ang mga bansang nasa “black list.”